Kulungang Kanlungan Mga tulang magpapatakas sa mga damdaming nilalaman ng puso. Handa ka na ba? Soul & Pepper
Dedikasyon Para sa mga matatapang na tumakas at sa huli'y, napadpad sa nais uwian, sa mga bumangon at nagpatuloy bagaman ilang beses nawala, sa mga nagsisimula pa lamang tumapak sa mundong mapaglaro, at sa mga nakahanap na ng mga pirasong bubuo sa mga espasyo sa pusong nais punan.
Naaalala mo pa ba ang mga araw na ika’y nakararamdam ng kung anong saya– tila tumatakbo sa ilalim ng mga tala at walang makapipigil sa iyong nadarama? Naaalala mo pa ba ang mga gabing ika’y nakatitig sa kawalan, nakasara ang mga mata, ngunit gising ang diwa ng isipan– pinaglalaruan kung gaano kakomplikado ang mundo? Naaalala mo pa ba ang mga panahon na ika’y tumatakbo– minsa’y upang takasan ang kaguluhan ng mundo at minsa’y upang mabuhay nang walang humpay? Inaalala. May pagsisisi sa ilan. Nananalig. Umaasa. Binibigyan ka ng mga pahinang ito ng layang maramdaman muli ang pangarap, tuwa, saya, sakit, lungkot, galit at poot na dulot ng kahapon, ngayon at bukas. Halika, huminto ka muna sandali. Samahan mo kaming tumakas palayo sa mundong hatid ay emosyong pabago-bago. Handa ka na bang tumakas?
Ang Natitirang Takbuhan Bumalot sa aking silid ang nakababasag na katahimikan Niyakap ng kadiliman, lungkot ay naging sandalan Bisita at namahay na ang mumunting tinig sa isipan Nais takbuhan ang buhay na puno ng kaguluhan Paano nga ba makatakas sa sariling kulungan? Ngunit sa sandaang lumisan ay narito ka, Ang tanging nanatili sa maraming nawala Naging pahinga sa paulit-ulit na “nakapapagod na” Hindi iniwang mag-isa sa mga panahong walang kasama Patuloy na humihinga dahil sa ‘yong presensya Huwag sanang bibitaw sa pagkakahawak ko Sarili’y gustong tumakbo palayo sa magulong mundo Takasan ang lahat at hayaan ang mga ‘di sigurado Hindi alam ang pupuntahan, daan nama’y pakituro Patulong. Pahinga. Tara’t tumakbo. s.p.
Batas Trapiko Sabi nila, makikilala raw nang lubos ang isa’t isa kapag naglakbay na nang magkasama. Sa ating paglalakbay, doon malalaman kung saan patungo ang ating pagmamahalan. Pula– Tayo’y hihinto na muna, ibibigay ang nais na pahinga Baka masyado nang mabilis at ‘di na naglalakbay nang magkasama Kahel– Sinasabing tayo muna’y magdahan-dahan, huwag mag-alala Ikaw pa rin ang sagot sa mga bakit at laman ng mga dahil Luntian– Hindi kailangang magpahinga, hindi rin kailangang magdahan-dahan Ito ang paborito nating kulay, pinakamagandang bahagi ng buhay ‘Di alintana ang kung ano man at magpapatuloy lang sa ating paglalakbay s.p.
Bundok at Araw Maraming beses nang sumubok Maraming beses na ring natalo Natatakot na muling makipagsapalaran Sa pag-ibig na wala namang kasiguraduhan Sa pagtakas sa mundo, Ika’y kasama ko Tumaya muli itong puso ‘Di alintana ang sugat na matatamo Mas una mong hinawakan ang aking mga kamay Kaysa hanapin ang dulot ng basag na bubog sa balat Mas una mo akong hinalikan Kaysa tikman ang luha ng kahapon Mas una mo akong minahal Kaysa pakinggan ang aking kwento Sa buong puso ko, mamahalin kita hanggang sa panahong papayagan ng kalangitan. At kung dumating man ang dulo, hayaan mong maging pakpak ang aking pagmamahal upang tumakas. s.p.
Sa pamimitak ng araw, nariyan ka Nagkakaroon ng bagong simula Dumadaloy sa dugo ang pag-asa Tinutuloy ang nabuong pagsasama Sa pagtago ng araw sa takipsilim, Produkto ng pagmamahal ay higit na lumalalim Sumisilip na ngiti ng buwan ay kapansin-pansin Namumukod-tangi ang ganda sa dilim Bago ipikit ang mata, ikaw ang hinahanap Hindi dinadalaw ng antok kung ‘di ka kayakap Sa piling mo’y tila ako’y dinadala sa alapaap Ikaw at ikaw pa rin hanggang sa hinaharap Ikaw ang paborito. Ikaw ang laging pipiliin sa bukang-liwayway man, dapit-hapon, gabi. Ikaw kahapon, ngayon, bukas, palagi at araw-araw. Ikaw ang aking– kape at biskwit. s.p. Kape at Biskwit
Magkabilang Dulo Itong puso ay hindi magiging handa sa pagbitaw mo Dahil ilang ulit nanalangin para sa tamang tao Taimtim na ibinulong sa Kanya ang para sa akin Inihandang laging manatiling nakakapit sa lubid Hindi ko pag-aaralan ang pamaalam Kahit ika’y magbago, hindi kita pakakawalan Hindi hahayaang ang paglimot ay maging kasanayan Manatili lamang buhay ang mga alaala sa puso’t isipan Handa akong bumalik sa araw na ‘to Na kung saan tayo’y nasa magkabilang dulo Upang paulit-ulit na maalala ang sinumpaang pangako s.p.
Unang Pagtapak Maingat na hawak ang magkabilang braso Hindi mahigpit Bagkus eksakto lamang upang umalalay Sa susuray-suray na mga hakbang Ilang ulit muntikang sumubsob Ngunit walang anumang bahid ng paghinto Ang unang pagtapak ay nasundan ng pangalawa At ang pangalawa, ng marami pang iba Hanggang dahan-dahang niluwagan ang hawak Sapagkat unit-unti na ring hinahayaang tumayong mag-isa Siguro nga’y masyadong napaaga ang pagtitiwala Dahil sa unang pagtapak ay nakamit din ang unang pagkatumba a.b.
Taha(na)n Ang payapang gabi’y nabulabog ng pagtangis ng musmos Pinagpalit ang sandaling pahinga sa pagtimpla ng gatas na pinulbos Dahil sa mga hele at pagduyan ay tuluyan ngang tumahan Subalit sa kabila ng natanggap na katahimikan may biglang naglaro sa kaniyang isipan O, kay daling pakalmahin ng batang simple lang ang hinihintay Bakit kung kailan nagkaisip saka naman nawalan ng tugon sa pagkalumbay a.b.
Kulay Rosas na Blusa Kasabay ng pag-indak ay siya namang pagpalakpak ng ama na ngayon ay kalong ng tagak Sa nasasaksiha’y pigil ang pag-iyak dalaga na ang nag-iisang anak at pilit nang binubuksan ang mga pakpak Iniinda ang ulang pumapatak kapalit man sa huli’y tanging premyong pilak walang hadlang ang tutuldok sa kaniyang pagsabak Siya na ngayo’y unti-unting namumulaklak ang minsang nahamak ng kaniyang unang yapak a.b.
Bitin na Kumot, Matigas na Unan Bitin ang kumot, Itay Para sa mga gabing nababalot ng lamig Hindi na mauna ang sarili Nauubusan ng paraan na ipagkasya ang karampot na naitabi Matigas ang unan, Inay Para sumalo sa mabibigat na pasanin Malayo lagi ang pagtingin Nananalanging mawakasan ang tahimik na panangis Subalit masaya ako, Itay Dahil hindi kailanman naging bitin Ang hatid niyong aruga Tama lamang upang balutin kami ng iyong pagsinta At panatag pa rin ako, Inay Sapagkat ang inyong puso ay hindi naging matigas Kahit madamot ang tadhana Ay naging sandalan kayo sa tuwina a.b.
Tumagas na Langis Dahan-dahang nilalakbay ang matarik at madilim na daan Walang kamuwang-muwang sa huling paroroonan Isinasantabi ang sariling hangganan Maabot lamang ang patag at maibaba ang pasan-pasan At heto na nga, sa wakas Natatanaw na ang bahaging pinakamataas Ilang kilometro na lang ang lalakbayin ng naghihingalong tsinelas Abot kamay na nang bigla pang nadulas Nabutas ang bitbit ng isang batong matulis Laman nito’y langis at mahaba-habang pagtitiis Sa kabila ng pag-iingat, lahat ay naglaho nang mabilis Tila ipinagkakaitang masuklian ang pawis ng tamis a.b.
Sa isang pagkakamali Tila samahan ay nabali Mahabang panahon ng pananatili Ay hirap nang mapili Wala ng salita Ang napakikinggan Wala ng tono Ang nasa tugmaan Puso’y hindi na bukas Tiwala’y hindi na bakas Pilit hinahanap ang nawawalang ritmo Dahil sa hirap at ginhawa, ang pangakong ito’y tutuparin ko Mawala man sa tono Bumilis man ang ritmo Ikaw pa rin ang nais ko Ang paboritong kanta ng buhay ko z.v. Nawawalang Ritmo
Nakasusulat ng libro Ilang pahina na ang nabuo Saya, Hirap, Ginhawa, Pagkakamali, Iba’t iba ang laman ng bawat yugto Walang kabanata Ang hindi sinubukang maitinta Pagsubok ng buhay ay nakalathala Natapos na ang isang kapitulo Narating na ang dulo nito Naubos na rin ang tinta, Ngunit marami pa ring pahina Kukuha muli ng panulat At ipagpapatuloy ang lahat Dahil ang libro na ito ang saksi Ng pagmamahalang kailanma’y ‘di maiwawaksi z.v. Naubos na Tinta
Tila Ikaw at Ako Ngiting kay sarap silayan Saya sa iyo’y nararamdaman Tibok ng puso’y bumibilis Pagmamahal ay labis-labis Laging pakatandaan Buhok ma’y malagas Luha ma’y tumagas Ikaw pa rin ang hangganan Ikaw ang iniisip sa gabi Tayo’y laging magkatabi Ikaw ang hinahanap sa paggising Kaginhawaa’y dama sa’yong piling Ipapaalala araw-araw Na mahal kita Pipiliin ka sa araw-araw Wala nang tila Dahil siguradong ikaw at ako Hanggang sa dulo. z.v.
Natitirang Piraso Tumapak ka sa ibabaw ng mundo nang buo, walang labis, walang kulang ngunit kinagisna’y naging magulang. Mundo’y mapanira Ika’y naging pira-piraso Pinto ng sarili’y naisara Galit sa mundo’y nakapapaso Sa natitirang ikaw Pagmamahal sa sarili’y mapukaw Sa natitirang ikaw May isa pang araw Ito na… May kalayaan ka na, Natuto ka na, At mabubuo ka na― Hindi para sa iba, kundi para sa iyo. Pinto ng sarili’y iyong buksan Upang ikaw at ‘yong sarili’y magkakilanlan Hindi ka mawawalan ng dahilan Na makita ang ‘yong tunay na kalooban z.v.
Nawawalang Espasyo sa Kalawakan Nangarap ngunit nawala Umibig ngunit kumawala Tumula ngunit naubos ang pagtitimpi Lumuha na may kasamang hikbi Sumulat ngunit hindi namulat Nauhaw ngunit salat sa tubig Sumisid ngunit walang hangin Naghahanap ngunit masyadong malawak Pilit inaabot ang bituin, Sarili’y nawala na rin Alikabok ng pangarap Ang nakita sa kalawakan Pagmamahal na napulbos Ang nahanap sa kalawakan Hindi malaman ang direksyon At disenyo ng uniberso na aking nilalakbayan
Maraming nakita Ngunit may hinahanap pa rin, Hindi alam kung saan, Hindi alam ang patutunguhan. Patuloy-tuloy, Walang tigil, at hindi napagod na hanapin ang sarili sa kalawakan. At sa espasyong natanaw Mula sa salamin na basag Natuklasan ang liwanag At doon nasambit ang mga salitang “natagpuan din kita” Mula sa nawawala Na espasyo sa kalawakan Naisilang ang bagong tala At mga bagong tula z.v.
Kung Saan Sumisikat Ang Araw Hindi madaling kalimutan ang mga nagdaan Ang mga mapapait na ala-ala’y nakakalukap sa kaloob-looban At mahirap pakawalan Nanatili, kinain ng sistema ang kapayapaan Naging kadiliman Ngunit ikaw… Ikaw ang nagsilbing liwanag sa dilim Sa iyong liwanag, ako’y napapapikit sa kinang na iyong hatid Ikaw ang nagsilbing sinag sa kumukupas kong paligid Ikaw ang nanatili sa pigura ng aking dingding Ikaw ang natatanging sining Binigyan mo ng pag-asa ang puso kong lugmok sa lungkot at takot Hinayaan mo akong maging malaya sa kabila ng buhay na masalimuot Ikaw ang nagsilbing pakpak sa panahong ‘di ako makaahon Ikaw ang nagsilbing araw… Sa hatid ng bagong umaga, Ang madilim na kahapon ay mawawala nang tuluyan, Sapagkat mayroong liwanag na bumubuo sa kasalukuyan Dahil may naghihintay na walang hanggang pag-asa Kung saan sumisikat ang araw k.p.
Musika ng Buhay Nais kong maging malaya Malayang himig katulad ng paghuni ng mga ibon habang nasa himpapawid Nais kong maabot ang mga nota Katulad ng malayang paglipad ng eroplano sa mga ulap Ngunit hindi lahat ay naaayon sa ating gusto Kadalasan ay pinagkakaitan tayo ng mundo Matututo tayong gumawa ng sarili nating tono Upang mamuhay nang naaayon sa tempo Sa gitna ng tugtugin, mapapatanong ka sa iyong sarili Tama kaya ang aking tinatahak? Magkakaroon ng duda sa sinimulang ritmo Hahanapin ang piraso ng palaisipan upang ito’y mabuo Ngunit hindi naman lumisan ang mga piraso Sila ay buo sa simula, umpisa hanggang dulo Ikaw ay lubos, hindi ka kailanman nagkulang sa iyong pagkatao Ikaw ay higit pa sa iniisip mo Huwag kang huminto Sa dulo ng iyong awitin, mayroong naghihintay sa’yo sa dulo Ang taong naghihintay matapos ang huling notang aabutin mo, At ang huling liriko na sasambitin mo k.p.
Mga Kinakapitang Alaala Malapit nang maupos ang kandila Unti-unti nang nalalagas ang mga dahon sa puno Nauubos na ang mga buhangin sa talaorasan Ramdam na ang dahan-dahang pagkupas ng mga ala-ala At darating ang araw na hindi mo na ako maaalala Ngunit hinding-hindi ako susukong paalalahan ka Mula sa paghaplos ng iyong kamay sa aking mukha Ang pagdampi ng iyong labi sa aking noo Kung paano mo hinagkan ang aking mga balikat At ikinulong sa iyong mga bisig Ang iyong mga titig na parang tanaw ang mga bituin Katahimikan… Nanatili ako sa aking kinauupuan Pinagmasdan kita habang hawak ang isang pigura Iyon ay imahe ng ating pamilya At sa huli’y hindi kailangan ng libo-libong mga bagay upang makaalala Sapagkat ang isa ay sapat na k.p.
Hiram na Buhay Ang pinakamahalagang handog ng buhay Ay ang maibalik ang pagmamahal na ibinigay Sa huli ay babalikan natin ang ating nakaraan Kung tayo ba ay namuhay ng may kabuluhan At sa dulo’y matututo tayong patawarin ang ating sarili At matutuhan kung paano mamuhay muli Ito na ang huling kabanata Dito na magwawakas na ang sinimulang tula Kung saan lahat tayo patungo sa iisang daan Daang tungo sa walang hanggan Kung saan walang pait at sakit na mararamdaman At kasiyahan lamang ang mararanasan k.p.
Pasasalamat Nais ng mga may akda na magpasalamat sa mga taong naging bahagi sa pagtatapos ng antolohiyang ito. Ang lahat ng ito ay hindi maisasakatuparan kung wala ang inyong presensya. Sa Dakilang Tagapakliha, na nagsilbing aming lakas at inspirasyon. Sa aming kaibigan na si Cy, na nagbigay ng kaniyang oras upang maging utak at kamay ng disensyo ng aklat na ito. Kay Mhyr, na naghandog ng kaniyang talento sa pagguhit at nagbigay-buhay sa mga tula sa pamamagitan ng kaniyang mga ilustrasyon. Kay Jehd, na naging tulay sa pagsasakatuparan ng aklat na ito sa pamamagitan ng pagwasto at pagrebisa. Sa aming pamilya at mga kaibigan, na patuloy na sumusuporta at nagbibigay gabay sa aming mga gawa. Sa lahat ng nanakit, nagmahal, at nanatili, maraming salamat. - Soul & Pepper
Pasasalamat Ang antolohiyang ito ay isinulat nina Aliah Nicole Brillante, Krizza Kaye Poso, Sheina Marie Papio, at Zaira Alzion Valdez, at binigyang kulay ng disensyo ni Cyril Joy Igne at mga guhit ni Chrysharelle Mhyr Macaso. Naglalaman ito ng mga tulang tumatalakay sa laro ng buhay, pag-ibig, pamilya, pangarap, pagtitiwala, paghahanap, paghihirap, pagkawala, pagkabigo, pagbangon, pagsisimula, pag-asa, tagumpay, at pagtatapos ng buhay.
Search
Read the Text Version
- 1 - 38
Pages: