Important Announcement
PubHTML5 Scheduled Server Maintenance on (GMT) Sunday, June 26th, 2:00 am - 8:00 am.
PubHTML5 site will be inoperative during the times indicated!

Home Explore Baryo kadang-kadang

Baryo kadang-kadang

Published by erwinmallari10, 2023-02-16 23:42:53

Description: Baryo kadang-kadang

Search

Read the Text Version

Learning Competencies Napag-uugnay ang sanhi at bunga ng mga pangyayari F6PB-IIIb-6.2 Explain the need to protect and conserve tropical rainforests, coral reefs and mangrove swamps S6MT-IIi-j-6 Nakagagamit nang may pagpapahalaga at pananagutan sa kabuhayan at pinagkukunang- yaman EsP6PPP- IIIe–36

TREASURY OF STORYBOOKS This storybook is a product of the National Competition on Storybook Writing 2022 of the Department of Education. Pursuant to the Intellectual Property Code of the Philippines, no copyright shall subsist in this work of Government of the Philippines. However, prior approval of the Department of Education shall be necessary for exploitation of such work for profit. DepEd may, among other things, impose as a condition the payment of royalties. No prior approval or conditions shall be required for the use for any purpose of statues, rules and regulations, and speeches, lectures, sermons, addresses and dissertation, pronounced, read or rendered in courts of justice, before administrative agencies, in deliberative assemblies and in meetings of public character. For the purpose of citation, the following is recommended: Authors Last Name, First Name MI. Baryo Kadang-Kadang. DepEd BLR, 2022.



Paboritong laro sa lugar nina Abong ang kadang- kadang, hitik na hitik kasi sa kawayan ang bawat sulok ng kanilang baryo. Hindi sila nauubusan ng nagtataasang kawayan, may nailuluwas pa ngang mga paninda sa bayan ang tatay ni Abong tulad ng barbecue sticks, bangkito at mga alkansya dahil siksik-liglig ang biyayang kawayan mula sa Itaas. Kapag naglalaro sila ng kaniyang mga kalaro, kaniya-kaniya silang dala ng kadang-kadang, may sari-sarili itong tangkad ayon na rin sa pagkakasanay sa lula at mayroon din itong makukulay na disensyo. Tila pilit nilang inaabot ang kalangitan kapag nakatuntong sila sa kani-kanilang kadang-kadang. 6

“Kasing lambot kaya ng mga bulak ang mga ulap na iyan?” tanong ni Denden. “Hahawa kaya sa ating mga kamay ang kulay bughaw na langit kapag nahawakan natin ito nang tuluyan?” dagdag ni Miya. Walang nakasagot ni isa sa kanila, itinaas na lamang nila sabay-sabay ang kanilang kanang kamay, ipinikit ang mga mata ngunit ilang sandali pa’y muntik nang makabitaw si Abong sa kaniyang kadang-kadang, halos mawala siya sa balanse, nakabalik naman siya sa puwesto at malakas na tawanan na lamang ang naisagot ng mga bata sa kanilang mga tanong. 7

Patuloy sa paghakbang ang mga bata, pataas sila nang pataas, at nang makarating sila sa tuktok, dito na nakita ng tatlo ang halos kabuuan ng kanilang baryo. Kita nila ang mga gulong sa bubungan, ang mga nagsasayawang kawayan, ang mga nagpapahingang pusang ligaw at ang kabuuang ganda ng kabundukan. 8

“Ano iyong nasa bandang kaliwa ng Bundok Ligi?” tanong ni Abong. Tumambad sa kanila ang ukang pisngi ng bundok. Pudpod ang mga puno, nagkulay tsokolate ang dating purong luntiang bundok. 9

Bumaba agad-agad ang mga bata at pahangos- hangos na ikinuwento ang kanilang nasaksihan sa itaas. “Abong may mga nagmimina ng mga batong mineral sa ating kabundukan,” sagot ng tatay ni Abong habang naglalagare ito ng pambentang kawayan. “Ito ang masamang maidudulot nito sa atin, ang pagkakalbo ng mga kabundukan, natatakot akong mawala na ang mga mayayabong na puno at baka madamay pa itong ating kabuhayan” dagdag pa nito. 10

11

Kinabukasan, isang malaking balita ang bumungad sa baryo. “Isang bagyo ang dadaan mismo sa ating rehiyon, isa ang ating baryo sa mismong tutumbukin ng mata ng bagyo!” balita ng tatay ni Abong matapos makapaglako sa bayan. Agad inihanda ng magulang ni Abong ang mga lubid, itinali ang mga dapat itali, inihanda ang dapat ihanda at pinatibay ang dapat na patibayin. 12

Tinulungan rin ni Abong ang kaniyang tatay sa pag-aayos ng kanilang bubong at mga haligi. “Anak, hindi natin kilala at kabisado ang panahon, dapat maging handa tayo sa lahat ng oras,” ang tatay ni Abong. 13

Ayan na ang bagyo! Ang lakas ng bugso ng hangin at dalang ulan nito, walang nagawa ang pamilya ni Abong kundi ang magdasal. Umuuga ang kanilang bahay pero tiwala silang hindi sila madadala ng malakas na hangin. Kasing higpit ng pagkakatali ng mga haligi ang yakap ng magulang ni Abong sa kaniya. 14

Ilang oras pa’y humupa na rin ang malakas na bagyo. Agad tiningnan ng mag-anak ang pinsalang naihatid ng kalamidad sa kanilang lugar. Pagbukas ng bintana, agad nilang nakita ang isang bisitang hindi nila inaasahan, isang bisita na hindi naman dumadalaw kahit gaanong kalakas na bagyo ang dumaan sa kanilang baryo. 15

“Baha!” sigaw ni Abong. Halos hanggang dibdib ni Abong ang baha sa labas, palabas hanggang sa kanto ng kanilang baryo, buti na lang at talagang mataas ang mga paa ng bahay nina Abong. Hindi naging handa ang lahat sa pagdating ng baha Naglutangan na ang mga batyang panlaba sa paligid, ang mga dahon ng saging, ang mga pinagtabasan ng kawayan at nagsilangoy ang mga alagang hayop papunta sa mga hagdan ng bahay. “Paano tayo makakalabas? Ang layo pa naman ng igiban ng tubig,” alala ng nanay ni Abong. “Baka magkasakit din tayo at magkaalipunga,” dagdag ng tatay. 16

Nalungkot si Abong sa mga narinig na tanong, “Baka mabasa ang mga gamit ko sa paaralan, paano na kami makakapaglaro nina Denden at Miya? ang taas ng baha!” 17

18

Habang nakatitig sa baha, nakita ni Abong na lumulutang ang isa sa kaniyang tsinelas, kinalas niya sa pagkakatali sa bintana ang kaniyang kadang-kadang. Maingat niyang sinungkit ang kapares ng kaniyang tsinelas, dahan-dahan, at nagawa nga niyang maisabit ang kaniyang tsinelas. Pagkakuha niya ng tsinelas, tila ba may naisip si Abong, kumislap ang kaniyang mga mata. 19

20

Kinuha niya ang kapares ng kaniyang kadang-kadang at dahan-dahang lumusong sa baha. “Tay! Puwede! Puwede nating gamitin ang kadang-kadang!” sigaw ni Abong na parang sinasagwan ng kaniyang kadang-kadang ang baha. Gumawa na rin ang tatay ni Abong ng kadang-kadang at isa na rin para sa kaniyang asawa. Masayang sinubukan ng mag-anak na maglakad sa baha gamit ang kadang-kadang. “Aba! Puwedeng-puwede nga anak!” sigaw din ng tatay ni Abong. Napasilip mula sa kanilang bahay ang kanilang mga kapit bahay dahil sa lakas ng usapan nina Abong sa labas. 21

Nagsigayahan na rin ang kanilang mga kapitbahay, para silang mga tikling na naglalaro at nagtatampisaw sa lawa. Naghiyawan ang lahat, halos bumalik ang lahat ng matatanda sa pagkabata. 22

Mula noong araw na iyon, Kadang-kadang ang ginagamit nila papunta sa labasan. Kadang-kadang ang gamit nila papuntang igiban ng tubig. Kadang-kadang ang gamit nila para makabili sa tindahan. Kadang-kadang ang gamit nila para maabot ang sampayan at makapagsampay ng damit. Kadang-kadang ang gamit nila sa pamimitas ng mga prutas. At kadang-kadang na rin ang gamit ng tatay ni Abong sa pagluwas ng mga paninda nito sa bayan. 23

Isang linggo na ang nakalipas, humupa na rin sa wakas ang baha sa baryo. Pinaliwanag ng tatay ni Abong na asahan na palagi nang babahain ang kanilang baryo kung may sasapit na bagyo, dahil sa sitwasyon sa kabilang bundok. Mataas na muli ang araw, malamig naman ang simoy ng hangin sa itaas at nakakapagsayaw na muli ang mga kawayan. 24

Bitbit na nilang muli ang kani-kanilang kadang- kadang. Walang kasiguraduhan kung kailan muli magkakaroon ng pagdaan ng bagyo kung kaya’t mula sa tangkad ng kadang-kadang ni Abong, muli niyang itinaas sa kalmadong kalangitan ang kaniyang panalangin, ang panalangin niya mula pa noong una niyang nakita ang malungkot na sinapit ng Bundok Ligi. Pinangalanan ng tatlo ang itinanim nilang damong-kawayan sa itaas, dinasalan ng taimtim at nangarap na lumaki, yumabong at dumami pa lalo ang mga kawayan. “Paano, unahan tayo sa ibaba?” yakag ni Abong sa mga kaibigan. 25

26



Paboritong laro sa baryo nina Abong ang kadang-kadang. Magkakaiba ang taas at baba ng mga gamit nilang kadang-kadang. Isang araw, habang naglalaro sa mataas na bahagi ng kanilang lugar, may nasaksihan sina Abong sa Bundok Ligi. Natuklasan nilang ito ang dahilan nang pagkakaroon ng kanilang baryo ng hindi inaasahang pagdalaw, Paano haharapin nina Abong ang kanilang bisita?


Like this book? You can publish your book online for free in a few minutes!
Create your own flipbook