THE LATHE GROUP OF PUBLICATIONS BalangAraw ESPESYAL NA KALIPUNAN NG MGA TULA AT DAGLI MAYO 2020
© RAMON JR M. OMAGAP
Mula sa mga editor Mapagpalaya ang mga salita. Malayo ang maaaring maabot ng bawat tanaw. Sa isa-isa nating pagsasalaysay ng mga damdaming nakakulong sa lungkot o ligalig, hinahayaan rin nating unti-unting matanaw ng pagal na nating mga mata ang nais pa ring puntahan o marating balang araw. Iba't iba ang mukha ng gusto nating tahakin—maaaring nagmula sa sariling tahanan, nakatago sa bawat silid ng ospital, o nakalatag lamang sa mga lansangan. Sulyap ang mga kwentong nakapaloob sa mga damdaming nais lumaya at maging malaya. Sa pamamagitan ng mga koleksyon ng akda, dibuho, at larawan, hangad ng publikasyong magpaabot ng katatagan at pag-asa sa gitna ng pandemyang kinakaharap ngayon ng bansa. Bagaman sa kasalukuyan ay malabo kung saan pupunta, sa bawat pagtitiis at paghihintay, hindi maaaring mawala ang pagtanaw sa sunod na umaga. Malayo pa man ang maging malaya, balang araw, ang mga salita ay hindi na salita lamang. Maligayang pagbabasa! MARJUN R. RAYOS Patnugot ng Panitikan XAVIER M. TOMAS Punong Patnugot
TALAAN NG NILALAMAN 7 Pamamaalam 13 Pagtanggap 19 Paglaya 9 Pagtitiis 15 Pagtanaw 21 Sa tahan 10 Distansya 16 Curfew 22 Frontline
a 25 Sa pamilihan 31 Sa lansangan nan 27 Sa checkpoint 33 Sa ospital er 28 Quarantine 34 Ayuda
© RAMON JR M. OMAGAP | BS Computer Engineering
BALANG ARAW Pamamaalam JACOB A. ESGUERRA | BS Development Communication \"Delia, naging magaan ang buhay dahil katuwang kita.\" Nasa kalagitnaan ako ng pagbabasa ng sulat na iniwan mo sa ospital habang lumalaban kang mag-isa Gustong gusto ko noong madalaw ka sapagkat sabik na sabik pakinggan ang iyong paghilik, sabik na sabik sa mga yakap mo't halik. \"Ikaw na ang bahalang magpaliwanag kay Tantan.\" Para akong napilayan, nanghihina ang katawan, at pader ang naging sandalan Hindi ko alam kung paano niya maiintindihan na hindi mo na siya makakalaro ng baril-barilan, hindi ka na makakasali sa tagu-taguan, na tayong tatlo’y hindi na makapagkikilitian. Saksi ang papel sa mga luhang walang tigil na pumatak sa tatlong salita nagtapos ang sulat: \"Palagi kang mag-iingat.\" 7
© CAMILLE FE D. MANGUIAT BS Development Communication
BALANG ARAW Pagtitiis MIRAFLOR B. PEREZ | BS Business Administration Major in Financial Management Tindi ng init ang sa mukha ko’y kumakapit habang binabaybay ang mga pasilyong kay sikip “Nandyan na naman sila,” mga narinig kong tinig nang titigan ko’y panay silang naniningkit Nanuot na naman ang sakit sa dibdib sa dami ng mga pulang sa akin ay nakalibid “Dalawang kilo lang ng bigas?” narinig ko sa tabi ako’y nanghina at nalungkot sa sarili “Dinaya na naman ng mga taong iyan,” kanilang banggit matapos mabigyan ng bigas, gamot, at kaunting pang-ulam— samu’t saring mga punang sasarilihin na lamang Takipsilim na nang makarating sa tahanan, binuksan ang telebisyon at napapikit na lamang nang marinig sa balitang, “Mahaba pa ang laban.” Sa sampung daliri ko ako’y napabilang, ilang araw pa kaya ang titiising dumaan? 9
Distansya © CAMILLE FE D. MANGUIAT | BS Development Communication
BALANG ARAW
© JOHN JEFFERSON L. GARO BS Information Technology
BALANG ARAW Pagtanggap EDMARIE JOY E. PANGANIBAN | BS Mechanical Engineering Madalas akong magtampo noon kay Mama, palagi lang siyang nasa trabaho at bihira pang umuwi Kung minsang nasa bahay, isang tawag lang sa kanya, ay agad rin namang aalis nang nagmamadali. Labis-labis ang pag-aalaga ni Mama sa iba, hangga’t kaya pang maglingkod ay gagawin niya, Walang pipiliing oras, walang pipiliing sandali, kahit pa sariling kaligtasan ay kanyang isasantabi. Pero nitong nakaraan lang, labis ang tampo ko sa kanya, nangako siyang ipapasyal ako kapag nagka-day off siya Ngunit paano na iyon mangyayari ngayong wala na si Mama, tinangay na ng hangin ang mga pangarap naming dalawa. Hindi ko man lang siya nayakap sa mga huling sandali niya, marami pa kaming planong hindi nagagawa nang magkasama Ngunit gustuhin ko mang magalit ay hindi ko magagawa, sapagkat batid kong kaligayahan niyang makatulong sa kapwa. Kaya pasensya na, Mama, kung nagtampo ako sa’yo, buong puso kang naglingkod hanggang sa huling sandali mo Ikaw ang bayaning habambuhay na ipagmamalaki ko, at balang araw, Mama, itutuloy ko naman ang laban mo. 13
© RAMON JR M. OMAGAP | BS Computer Engineering
Pagtanaw BALANG ARAW MARJUN R. RAYOS | BS Accountancy 15 Kung papalarin muling magkadaupang palad sa daungan man o dalampasigan ay sumandal kahit sandali at saglit ang sigalot ay titigil; patatagalin ang isang iglap na kahit sa hinagap ay hindi mahagilap ni mahagip; kaya’t kung pahihintulutan at hahayaan pa ay marahang haharanahin ka kahit pa hiniram lamang; hihintayin hindi man batid kung kailan, kung darating o darayain, kung mailap na makakapiliing, o darating pa ba— papariyan kahit paparoon abutin man ng dapit-hapon ang dapat sana’y kahapon sa isang dipa pang pagkakataon, kung papalaring muli.
Curfew © CHRISTMAE R. PAGLINAWAN | BS Architecture
BALANG ARAW
© CHRISTMAE R. PAGLINAWAN | BS Architecture
BALANG ARAW Paglaya XAVIER M. TOMAS | BS Psychology Sa seldang ito nahulma ang sugat na mariing inukit ng bakal na kalawang, mananatiling nakakandado habang ang susi’y pasalin-salin sa kamay ng mga tampalasan Hindi tetano ang kikitil, ni ang panlilimahid sa maruming kwadrado, o maging ang malayong pagtanaw sa Kataastaasan At kahit na sumiklab ang pusong naghihimagsik, patuloy pa rin ang paghamak ng may kapangyarihan ng mga naturingang edukado’t mayayaman o samakatuwid baga’y ng mga lapastangan ng mga walang pakialam ng mga kurakot at mapanlamang ng mga nadadamitan ng puting mapagkunwari at palibhasa’y malinis tingna’y ganoon na rin ang pagtingin sa sarili Hindi kailanman masusupil ng tama ang katarungang baluktot sa kahirapan o sabihin nang sa bulok na sistema ng pamahalaan Ngunit sa walang hanggang pasubali ng damdamin ng mga tapat o sa madaling sabi’y ng mga aba ng mga may tanikala ng mga pusong walang bahid ng mga patuloy na nilabanan ang galit Dadagsa ang kalayaan na parang agos sa dalampasigan sapagkat ang tunay na paglaya’y sa katotohanan. 19
© RAMON JR M. OMAGAP | BS Computer Engineering
BALANG ARAW Sa tahanan HARRIETTE JOSHUA B. HERNANDEZ | BS Development Communication Dis-oras na ng gabi. At tulad ng tipikal na setting sa gitna ng masukal na bukirin, malamig ang simoy ng hangin. Maliwanag ang buwan at walang kahit anong pagbabadya ng pag-ulan ang kalangitan, animo’y nakikisama sa mga kagaya mong nangangailangan. Magandang tagpo na sana, sa isip-isip mo. Kaso, wala na ang mga alitaptap na kinagisnan ng batang ikaw at sa halip ay mga gamu- gamong nakikiagaw sa liwanag ng cellphone mo ang lumalapit sa iyo. Kaunting tiis na lang. “Kuya! Pasok ka na sabi ni Nanay,” ang sigaw ng nakababata mong kapatid. “Wait lang!” ang sigaw mo pabalik. Napabuntong hininga ka na lang, nakakapagod na kasi. Sa higit kalahating buwan, ito na ang naging gabi-gabi mo; kahit paano’y aasa kang saulo na nila. Kaunting tiis pa. Hindi pa natatapos ang isang minuto ngunit narinig mo na naman ang sigaw niya. “Kuya, pasok na raw! Malamok na, sabi ni Nanay!” “Wait nga lang, ‘di pa rin mag-send ang assignment ko!” 21
Frontliner © JOHN JEFFERSON L. GARO | BS Information Technology
BALANG ARAW
© RAMON JR M. OMAGAP | BS Computer Engineering
BALANG ARAW Sa pamilihan MARJUN R. RAYOS | BS Accountancy Wala namang komplikado sa listahang hawak-hawak ngayon ni Noel. Madali ring matukoy kung nasaan ang mga kailangang bilhin dahil hindi naman kalawakan ang grocery store na pinuntahan niya; mga pangunahing pagkain at supplies lang talaga ang makikita. Mula nang umalis ng bahay para pumuntang pamilihan ay tutok na sa cellphone at sunod-sunod ang update niya sa asawa. Sa halos trenta minutos nitong paghihintay makapasok dahil limitado lamang ang mga maaaring nasa loob ay abot-abot pa rin ang mga text na ipinapadala nito. Aminado kasi ang ginoo na hindi pamilyar sa ganitong gawain dahil sanay siyang si Leni ang naggo-grocery magmula nang magsama sila sa iisang bahay. Subalit kailangang sa kanya ipangalan ang quarantine pass na nakalaan kada isang pamilya. “Beh. Ngaun pa lng aq ppasok s loob. Mcxadong mhba ang pila s lbas.” Malalim na buntong hininga muna ang pinakawalan ng lalaki. Kailangang pagkasyahin ang limandaang pisong natitira sa huling sinahod ni Noel bago matigil ang operasyon ng pabrikang pinapasukan bunsod ng lockdown. Mabilis ang sumunod na mga kilos nito, halatang balisa at gustong gusto nang makauwi. Pagkalabas na pagkalabas rin ay hinagilap niya ang cellphone. “Bhe. Pauwi n aq, wla kcng ksama cna u2y s bhay. Pgaling ka dyan ha, mis k n dw nla yakapn.” Isang linggo na ring kinukumusta ni Noel ang asawa. Wala mang natatanggap kahit isang reply, umaasa siyang mababasa iyon ni Leni. 25
© IAN JOSHUA A. TALAISA | BS Architecture
BALANG ARAW Sa checkpoint EMMANUEL M. REYES | Bachelor of Secondary Education Major in Filipino Alas syete ng gabi nang umupo si Mang Kiko sa kanyang trono. Mag- aantanda at bubulong ng litaniyang hindi n’ya pinagsasawaang dasalin. Aayusin ang suot na sobrero’t paparahin ang paparating na sasakyan. Bagaman halata sa mata ang puyat, ganado na ulit niyang sasambitin, “Sir, magandang gabi ho! May quarantine pass po ba? Saan po kayo pupunta?” Gagalugarin ng kanyang flashlight ang laman ng magarang sasakyan. Lulan nito ang lalaking naka-face mask habang nakalatag naman sa backseat ang mga nakasupot na pinamili. Nakatawag-pansin sa kanya ang kahon ng gatas at diaper na nakahiwalay. Naalala n’ya tuloy ang nag-iisang sampung buwan na anak. Matagal na n’ya itong hindi nayayakap. Nangilid ang luha sa mga mata ni Mang Kiko. Naputol na lamang ang kanyang pag-iisip nang iabot sa kanya ang quarantine pass at valid ID ng lalaki. Sinuri n’ya iyon at itinutok ang thermal scanner sa noo nito. “Pauwi na ho ako, manong. D’yan lang sa ikatlong kanto ang bahay ko.” Nasa normal ang temperatura ng mama. Ibinaba na n’ya ang scanner. “Manong, salamat ho sa ‘di matatawarang serbisyo n’yo. Pasasaan ho’t matatapos din ang lahat sa tulong ng mga kagaya ninyo. Ingat ho kayo,” anang driver. Umandar nang bahagya ang sasakyan. Muling huminto’t bumusina. Mula sa bukas na bintana nito’y dumungaw ang driver at sumaludo kay Mang Kiko. Bumalong sa pisngi ni Mang Kiko ang kanina pang nangingilid na luha. Bumalik s’ya sa kanyang trono at natanaw ang paparating na dalawa pa n’yang kasama. Hindi s’ya nag-iisa sa laban. 27
Quarantine© RINA MARIE M. ARELLANO | BS Development Communication
BALANG ARAW
© LEI TRINNAH A. LONTOC | BS Architecture
BALANG ARAW Sa lansangan ROLAND R. REYES | BS Development Communication Sa pagpatak ng alas dose y media, gayak na ang haligi ng tahanan na si Arturo upang magtungo sa bayan. Bitbit ang wallet, quarantine pass, at ecobag, binakas niya ang apat na kilometrong lakarin na kung may biyahe lang sana ang mga tricycle ay matutunton niya sa loob lamang ng limang minuto. Sa salaysay ng pagkakataon, ang limang minuto ay magiging apatnapu. Sekyu siya ng isang tindahan ng RTW sa bayan at isang pamilyar na mukha sa mga parokyano. Noong mga nakaraang buwan ay nakakatuliro ang ingay ng mga sasakyan at mamimili, subalit ang ingay na ito ay napalitan ng bulungan at tensyon sa pagitan ng mga rumorondang nakauniporme. Bakas pa rin ang kaba ng mga tao sa paligid kahit isang linggo na ang nakalipas mula nang tumumba si Ka Senyo rito matapos makainitan ng mga pulis. Nasa lansangan na siya pauwi nang harangin siya ng naka- backride na pulis—nakauniporme at marahang nakapatong ang kamay sa M16. Kinausap siya at tinanong kung may alak ba sa loob ng kanyang ecobag. Nang mapatunayang wala ay iniwan din siya kaagad. Umuwi siyang may dalawang bungkos ng pinamili. Si Arturo na rin kasi muna ang tatayong ama ng tahanang iniwan ng yumao niyang kapatid. Walang oras para magluksa at magalit. Paubos na ang kandila kaya’t nagtirik na siya ng bago. 31
© IVANNE BENHUR M. BRIONES BS Civil Engineering
BALANG ARAW Sa ospital NIÑA ANGELA GRACIA C. PEREZ | BS Chemical Engineering Tahimik ang buong silid kaya’t rinig na rinig ang mga nagmamadaling yabag ng paa sa labas, gayundin ang pagbubukas-sara ng ilang pintuan. Abala ang lahat ngayon. Pangalawang beses ko pa lamang mapapunta sa ospital; unang beses noong ipinanganak ni ate si Chuchoy, limang taon na ang nakakaraan. Bagaman pamilyar na ang lugar, ito ang unang beses kong maging pasyente mismo kaya klase- klaseng lungkot na ang nararamdaman ko lalo at mag-isa. Nagkakaroon lang ako ng kasama tuwing bumibisita si Ate Gwen, ang naging kaibigan ko nang nurse mula nang dumating ako kahapon. “Kumusta?” Si Ate Gwen, magmo-monitor na ulit. “Mas maayos kaysa kahapon, ate,” tugon ko bago halos mapabalikwas ng bangon nang makita ang dala nito. “Mabuti naman. Pasensya na ha kung ito lang ang dala ko, ito lang kasi ang mayroon kami sa quarters,” anito habang iniaabot ang ilang piraso ng bond paper, lapis, at ballpen. Dahil sa naisip paglibangan, unti-unting nawaglit ang takot at lumbay sa sistema ko. Tila bumilis ang takbo ng panahon hanggang sa dumating ang ikaanim na araw, dala na ni Ate Gwen ang magandang balitang pinakahihintay kong marinig. COVID-19 survivor na ako. Hindi ko napigilan ang pag-iyak sa tuwa pagkarinig ng balita. Dahil hindi ko mayayakap si ate, inabot ko na lamang sa kanya ang isang papel na siya nitong ikinagulat tanggapin. “Ninakawan kita ng picture noong isang araw, ate. Sorry,” paliwanag ko bago dagli ring ipinakita ang sketch ni Chuchoy na ipinangako kong regalo sa nalalapit na birthday nito. “Maraming salamat, ate. Ang laki ng utang na loob ko sa iyo, sa inyo. Mag- iingat kayo rito, ha? Hayaan mo’t balang araw ay tutulong ako sa inyo.” Mula sa matamis na ngiti ay gumuhit ang pagtataka sa mukha ni Ate Gwen sa aking sinabi. “Nursing student ako, ate. Simula next year.” 33
Ayuda© DYJAY YVANN T. DIMASACAT | BS Architecture
BALANG ARAW
The LATHE Group of Publications BalangAraw Ang Opisyal na Paaralang Pampahayagan ng Espesyal na Kalipunan ng mga Tula at Dagli Pambansang Pamantasan ng Batangas Mayo 2020 EDITORIAL BOARD Xavier M. Tomas PUNONG PATNUGOT Marjun R. Rayos PATNUGOT NG PANITIKAN John Jefferson L. Garo, Christmae R. Paglinawan MGA PUNONG DIBUHISTA Camille Fe D. Manguiat, Ramon Jr M. Omagap MGA PUNONG LITRATISTA Jacob A. Esguerra, Harriette Joshua B. Hernandez, Edmarie Joy E. Panganiban, Miraflor B. Perez, Nina Angela Gracia C. Perez, Emmanuel M. Reyes, Roland R. Reyes MGA MANUNULAT Ivanne Benhur M. Briones, Dyjay Yvann T. Dimasacat, Ramon Jr M. Omagap, Ian Joshua A. Talaisa MGA DIBUHISTA Rina Marie M. Arellano, Lei Trinnah A. Lontoc, MGA LITRATISTA Dr. Vanessah V. Castillo KATUWANG NA DIREKTOR, office of student publications Upholding responsible scholastic journalism
Search
Read the Text Version
- 1 - 36
Pages: