F6PT-Ii-4.2 Nabibigyang kahulugan ang salitang hiram F6PT-Id-1.14 Naibibigay ang kahulugan ng pamilyar at di kilalang salita sa pamamagitan ng gamit sa pangungusap F6PB-If-3.2.1 Nasasagot ang mga tanong na bakit at paano sa kuwento F6PB-IIIa-20 Nagmumungkahi ng iba pang pangyayari na maaaring maganap sa binasang teksto F6PB-IVf-5.6 Napagsunod-sunod ang mga pangyayari sa
Treasury of Storybooks ……………………. This storybook is a product of the National Competition on Storybook Writing 2022 of the Department of Education. Pursuant to the Intellectual Property Code of the Philippines, no copyright shall subsist in this work of Government of the Philippines. However, prior approval of the Department of Education shall be necessary for exploitation of such work for profit. DepEd may, among other things, impose as a condition the payment of royalties. No prior approval or conditions shall be required for the use for any purpose of statues, rules and regulations, and speeches, lectures, sermons, addresses, and dissertations, pronounced, read or rendered in courts of justice, before administrative agencies, in collaborative assemblies and in meetings of public character. For the purpose of citation, the following is recommended. DEVELOPMENT TEAM
Bitbit ang napakabigat na lambat at timbang kinalalagyan ng mga isda, nagmamadaling tinahak ni Tatay ang aming bahay. Sa kusina siya palaging dumaraan. Doon ay inilagak niya ang mga isda. Si Nanay na ang bahala sa mga ito para sa aming tanghalian at hapunan. Tutuloy na si Tatay sa banyo at mabilis na maliligo. Inihahanda ni Nanay ang kaniyang kape kaya naisip kong matatagalan pa siya. “Tay, mauuna na po ba ako?” may pagkainip kong naitanong. “Sige anak, hahabol na lang ako sa iyo,” ang sagot niya. Madalas na ganito ang eksena namin tuwing umaga. Mabuti ngang mauna na ako kay Tatay. Itago ko man, nararamdaman ko talagang nahihiya akong kasama siya.
Dumating ako sa eskuwela. Pagpasok ko pa lang ay tinanong na ako ng security guard, “Nasaan ang tatay mo?” “Nasa bahay pa po,” sagot ko habang nakayuko. Sunod namang nagtanong ang aming janitor, “Nasaan ang tatay mo?” “Susunod po siya,” tugon ko. Pagpasok sa silid-aralan, tumutok sa akin ang tingin ng mga kaklase at narinig ko sa kanila, “Nasaan ang tatay mo?” Hindi ko na sila sinagot. Punong-puno na talaga ako. Tila puputok na ang dibdib ko. Ayoko na talagang sumagot.
“Junior, nasaan ang tatay mo?” “Ma’am, nasa bahay pa po pero papasok din po siya.” Mula sa labas ng silid ay malalaman na nariyan na ang Tatay. Ang ehem niya at hingal ay kilalang-kilala na halos ng lahat. “Magandang umaga po, Ma’am!” Heto na nga siya. Klasmeyt ko si Tatay. Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip niya at nag-enrol siya sa Grade 6. Dati kasi ay nasa ALS siya. Mabuti pa noong nasa ALS siya kasi sa bahay lang siya nag-aaral. Pinupuntahan lang siya doon ng taga-ALS. Noon, hindi siya laging nagmamadali sa pagpasok kung umaga. Hindi siya laging abala dahil nakatutok lamang siya sa pangingisda. Hindi siya balisa sa mga assignment na hindi niya nasasagutan. Higit sa lahat, hindi ako napapahiya sa aking mga kaklase dahil kuwarenta na siya, elementarya pa lang. Nakakahiya talaga ang tatay ko.
Bakit ba hindi siya katulad ng tatay ni Luis na pulis sa munisipyo ng bayan? Sana ay katulad na lang siya ng daddy ni Grace na OFW sa Oman o papa ni Jomer na nag-oonline selling at nagba-vlog. “Anak, nakasimangot ka, may problema ba? Napansin yata ni Tatay ang pagkayamot ko. Gusto ko na talagang sagutin si Tatay ngunit hindi ko naman kayang gawin iyon sa kaniya. Mabuti siyang tao. Hindi nga niya ako pinagagalitan kahit pa may kakulitan ako. Mahal na mahal din niya si Nanay. Ginagawa niya ang lahat para sa amin. Alas dos nang umaga, umaalis na siya para mangisda. Dumarating siya at ang mga kasamahan niya ng alas sais o alas siyete. Ibibenta niya ang mga isda sa mga nag-aabang sa baybayin. Ang benta ay ibinibigay niya kay Nanay. Lagi siyang nagtitira ng isda para sa amin. Mahirap man ang buhay ngunit hindi kami nakaranas magutom. Laging nariyan si Tatay. Nakaagapay siya sa amin.
Bilib ang marami sa kaniya, kaya lang bakit pa kailangang mag-aral siya at klasmeyt pa kami? “Ehem, anak, nakasimangot ka, may problema?” ulit ni Tatay. “Wala po, Tatay! Hindi ko lang maintindihan ang tinuturo ni Ma’am.” “Di bale anak, kuhang-kuha ko iyan. Magaling yata ako sa Math. Tuturuan kita mamaya,” tugon niya sa akin. Alam ko naman ang pinagsasabi ni Ma’am. Talagang inis lang ako sa sitwasyon namin ni Tatay.
Nang uwian na, nagpaiwan ako sa paaralan. Sandali muna kaming naglaro ng mga kaklase ko. Ang totoo, ayoko talagang sumabay kay Tatay. Pakiramdamdam ko pinagtatawanan ako ng mga kaklase ko. “Junior, ang galing ng Tatay mo! Na-perfect na naman niya ang Math,” pahayag ni Gina. “Oo nga, at mabait pa siya kaya nga siguro bumait na rin si Romel. Hindi na siya nambubully dahil pinagsabihan siya ng tatay mo at best friend pa sila ngayon,” dagdag pa ni Annie. “Alam mo bang pinayuhan ng tatay mo si Tatay? Kaya baka pumasok na rin ang tatay ko sa Grade 6 sa susunod na pasukan,” nakangiting pagtatapat ni Glen. Totoo ba itong pinagsasabi ng mga kaklase ko? Baka sinasabi lang nila ito dahil kaibigan nila ako.
Habang pauwi ako, nakita ko si Ma’am Selma, guro ni Tatay sa ALS. Binati ko siya. Naitanong ko sa kaniya kung bakit hindi na siya pumupunta sa bahay. “Mas gusto kasi ng tatay mo na pumasok sa pormal na eskuwela kaysa sa ALS.” “Puwede pa po ba siyang bumalik sa ALS?” “Pagka-graduate sa elementarya, puwede naman siyang mag-high school sa ALS,” paliwanag ni Ma’am. Maaring napansin ni Ma’am Selma na nalulungkot ako. Tinapik niya ang balikat ko at sinabing, “Mabuti nga ang tatay mo, may pagpapahalaga sa edukasyon at may pangarap.” “Kaso Ma’am, kuwarenta na siya. Matanda na po siya para mag-aral sa Grade 6.” “Walang matanda sa taong nais matuto.”
Ito ang iniwang aral sa akin ni Ma’am Selma. Tama naman siya pero bakit nahihirapan pa rin akong intindihin si Tatay? Pagdating sa bahay, naroon na si Tatay. Naghahabi siya ng bago niyang lambat. Hindi na sana aabutin ng halos isang buwan ang paghahabi kung hindi siya pumapasok sa eskuwela. Dati naman dalawang linggo lang ay tapos na niya ito. Napansin ni Tatay ang pagdating ko kaya ngumiti siya sabay kaway sa akin. Hudyat ito na dapat akong tumulong sa paghahabi. Inilapag ko lang sa sala ang aking mga gamit at tumungo na kay Tatay.
“Anak, gusto mo pa rin bang mag-seaman?” tanong ni tatay. “Tay, hindi na po seaman ang tawag diyan, seafarer na po,” pagwawasto ko sa kaniya. Tumawa siya at sinabing, “Oo nga pala, ilang beses mo na ba akong sinabihan niyan. Ang galing mo talaga anak! Mana talaga ako sa iyo!” “’Tay, kayo po, ano po ang pangarap ninyo pagkatapos ng elementarya?” Tumawa nang malakas si Tatay at pagkatapos ay tumahimik.
“Hindi pa ako magiging guro pagkatapos ng elementarya. Dapat mag-high school at magkolehiyo muna ako,” pahayag ni Tatay. “Ano po? Magiging guro kayo?” “Anak, kaya nga pumasok ako sa eskuwela para maobserbahan ko kung paano ang maging guro. Sa ALS kasi, mag-isa lang akong tinuturuan ni Ma’am Selma samantalang doon sa eskuwela natin, marami tayo ang tinuturuan ng mga guro natin. Gustong-gusto ko ang kanilang ginagawa. Sa tingin ko, ang sarap maging katulad nila. Puso at utak lang ang kailangan. Kaya nga nag-aaral akong mabuti. May puso na kasi ako, talino na lang ang kulang.”
Ang gulo ng mga sinabi ni Tatay ngunit parang nauunawaan ko na rin siya. Nang tumawag na si Nanay para magpahinga na ako, hinawakan ni Tatay ang aking mga kamay at sinabing, “Anak, hindi ko iiwan ang pangingisda pero magtuturo talaga ako. Nais kong maipagmalaki mo ako dahil hindi ako sumuko sa aking mga pangarap.”
Hindi ko maintindihan ang aking sarili. Parang na-guilty ako kay Tatay. Bakit ko ba siya ikinahiya? Dapat ay proud ako sa kaniya. Ang sama-sama ko yatang anak pero hindi bale, babawi ako kay Tatay. Agad ko siyang hinagkan at sinabing, “Sabay tayo sa pagtupad sa ating mga pangarap, ‘Tay!” Kinaumagahan, naroon na naman si Tatay, bitbit ang lumang lambat at timbang may mga isda. Pansin ko ang kaniyang pagmamadali. Ramdam ko rin ang pagod niya sa pangingisda. Sinalubong ko siya at kinuha ang timba at dinala sa kusina. “Anak, nandito ka pa? Alas siyete na.” “Hinihintay ko po kayo, ‘Tay. Bilisan ninyo na lang. Sabay tayong papasok sa eskuwela.”
Mangingisda ang tatay ngunit hindi rito nagtatapos ang kaniyang pangarap. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa Grade 6. Ito ang dahilan kung bakit nainis sa kaniya ang kaniyang anak. Naging magklasmeyt pa sila. Lalong hindi ito matanggap ng anak. Buo ang pangarap ng ama na tapusin ang pag-aaral ngunit hindi ito naiintindihan ng anak. Isang seryosong pag-uusap ang kailangan upang maunawaan ang dahilan ng pagbabalik-eskuwela ng ama. Ito ang nagpabago sa pananaw ng anak sa muling pag-aaral ng kaniyang ama.
Search
Read the Text Version
- 1 - 32
Pages: