A ng “Smart-Shaming” ay isa sa mga lumilitaw na isyu sa Pilipinas sa kasalukuyang panahon pagdating sa aspeto ng komunikasyon. Ito ay isang negatibong asal na karaniwang nakikita sa pag-uugali ng mga Pilipino. Maituturing itong isang panlipunang isyu sapagkat sa paglipas ng panahon, tila lumalaganap at lumalala ito sa buong Pilipinas, partikular sa sosyal midya, sa mga paaralan, o kahit sa daan. Sa partikular na isyung ito, ang mga matatalino ang nagiging biktima at nakakaranas ng pamamahiya o verbal bullying. Halimbawa, sa tuwing ang isang tao ay nagbigay ng malalim at makabuluhang pahayag o impormasyon, karaniwan itong sinasagot ng “Edi wow!” o “Ikaw na ang magaling.” Bukod dito, sa tuwing nagsasalita naman ng Ingles ang isang tao, at nagiging seryoso na ang usapan ay sinasabihan ito ng mga bukambibig na “Nosebleed” o “Wow, deep!” Sa halip na pakinggan at unawaing mabuti, nababalewala ang talino ng isang indibidwal dahil sa Edi Complex ng ibang tao. Dahil dito, may nabubuong hiya at takot na magpahayag ang mga taong naging biktima nito. Hindi man nila intensyong ipamukha sa iba na sila ay matalino, iyon ang tila nais ipahiwatig ng mga smart shamers. Ang buklet na ito ay naglalayon na bigyang liwanag ang panlipunang isyu kagaya nito. Maglalaman ito ng mga impormasyong kailangang malaman patungkol sa paksa, mga teoryang maaaring makatulong sa pagtalakay sa isyu, sa kung ano ang mga maaaring maging dahilan kung bakit umaali-aligid pa rin ang kulturang ito sa mga Pilipino at gayundin ang ilang mga hipotesis na magpapalalim sa usapin ng Edi Complex.
Likas sa mga Pinoy ang pagiging palabiro o palatawa. Kung papansinin, ito ang dahilan kung bakit napakaraming tumatangkilik sa mga komedyante, memes, o maging mga katatawanang bidyo mula sa TikTok at Facebook. Ngunit sa kabila ng bawat halakhak o tuwang dulot ng mga ito, may mga pagkakataon kung saan ang mga naturang biro ay masyadong nagiging sensitibo at umaabot sa puntong nakakasakit na ng damdamin ng ibang tao. Isa sa mga naglilitawang isyu sa Pilipinas sa kasalukuyan pagdating sa komunikasyon ay ang “Smart-Shaming” o “Anti-Intellectualism” din kung tawagin. Sa pagtagal ng panahon Bagamat wala pa itong opisyal na pagpapakahulugan, ang “Smart-Shaming” ay isang asal na karaniwang nakikita sa pag-uugali mga Pilipino lalo na sa kasalukuyang panahon. Sa partikular na isyung ito, ang mga matatalino ang nagiging biktima at nakakaranas ng pamamahiya at verbal bullying. Ang mga katagang kadalasan nilang natatanggap ay “Edi wow!”, “Edi ikaw na magaling!”, at “Ikaw na matalino.” Maituturing itong isang isyung panlipunan sa Pilipinas sapagkat sa paglipas ng panahon, tila lumalaganap ang asal na ito sa buong bansa, partikular sa sosyal medya at maging sa mga paaralan mismo. Ang gawaing ito ay nakaugnay din sa isyu ng “Crab Mentality.” Sa panahon ngayon, tila nakagawian na ng maraming Pilipino ang mamahiya at manghila pababa ng kanilang kapwa. Makakita lamang sila ng taong umaasenso o higit na mas matalino sa kanila ay susubukan na nilang hilahin ito pababa o ipahiya, kahit kadalasan ay walang mga katuturan o katotohanan ang kanilang mga binibitawang salita. Sa kasalukuyan, hindi gaanong nabibigyang-pansin ang mga kontemporaryong isyu kagaya nito. Patunay lamang dito ang iilang pananaliksik
tungkol sa konsepto at ang patuloy nitong paglaganap sa bansa. Kung kaya’t bilang mga mananaliksik sa larangan ng Sikolohiya, mahalagang bigyang linaw at malay ang paksang ito; lalo na at mayroon itong negatibong epekto sa mga taong nakararanas nito at maging sa sambayanang Pilipino, partikular na sa aspeto ng kanilang mental health. Malaking ambag din ang maidudulot ng papel na ito, partikular sa Sikolohiyang Pilipino, sapagkat hindi lamang nito mabibigyang kahulugan ang naturang paksa, makatutulong din ito upang mabigyan ng kamalayan ang mga tao ukol sa mga negatibong epekto ng gawaing ito. Bukod dito, nais ding pagtugma-tugmain ang mga teorya ng mga mananaliksik sa loob at labas ng Pilipinas.
Mayroong apat na hipotesis na nais mabigyang pagpapakahulugan ang booklet na ito, at ang mga iyon ay ang mga sumusunod. 1. Maaaring hindi maganda ang tono na ginamit sa pagtatama ng impormasyon (mocking). 2. Ang pagkakaiba ng estado ng mga tao sa buhay at ang pananaw nila pagdating sa ‘talion’ ay siyang nakaaapekto sa usapan sa pagitan ng dalawang tao. 3. Nagiging mahiyain at takot ng magsalita ang mga taong biktima ng smart-shaming. 4. Mas nakakaranas ng smart-shaming ang mga taong nagsusuot ng salamin at mga taong ang pananamit ay mukhang pangmatalino.
A ng Edi Complex ay isang maka-Pilipinong pag-uugali na lumilitaw sa tuwing nagkakaroon ng intelektwal na usapan sa pagitan ng dalawang tao na kung saan ay pinipigilan ng tagatanggap ng mensahe ang paparating na mensahe na para sa tingin nila ay masyadong intelektwal kaya hindi nila maunawaan. Kung iisiping mabuti, ito ay hindi maikakailang maihahambing at malapit sa konsepto ng smart-shaming, ngunit sa usapin ng Edi Complex, mas binibigyang linaw nito ang mga maka-Pilipinong pag -uugali patungo sa anti-intelektwalismong kilusang laganap ngayon. Ang smart-shaming ay isang negatibong reaksyon sa matatalinong tao at intelektwal na kontent sa pamamagitan ng pamamahiya (Rodriguez, 2017). Sa tuwing lumalalim ang usapan at may isang tao na nagbigay ng malalim na pahayag, karaniwan itong sinasagot ng “Edi wow” o “Ikaw na ang magaling.” Kadalasan ay hindi batid ng isang taong nang-i-smart shame na ginagawa niya ito o kaya naman ay wala itong masamang intensiyon sa pagsasabi ng mga salitang nabanggit; ngunit malaki ang nagiging epekto nito sa mga taong nakaranas ng smart-shaming. Ika nga nila: “The axe forgets; the tree remembers.” Hango mula sa salawikain ng mga Aprikano. Hindi lamang sa loob ng sosyal midya makikita ang smart-shaming, karaniwan ding nagaganap ang smart-shaming sa loob ng paaralan, sa tahanan, o kahit sa daan. Sa tuwing nagsasalita ng Ingles ang isang tao ay sinasabihan ng “nosebleed” at sa tuwing nagiging seryoso na ang usapan ay biglang sasabihan ng “wow, deep!” Sa halip na pakinggan at unawaing mabuti, binabaliwala at ipinaparamdam pa na hindi maganda ang pagiging sobrang matalino.
Nang dahil sa smart-shaming, may nabubuong hiya sa mga taong naging biktima nito. Kahit hindi nila intensyong ipamukha sa iba na sila ay matalino, iyon ang ipinapahiwatig ng mga smart shamers. Takot naman ang namumuo sa iba kaya naman hindi na lamang sila nagsasalita. Para sa mga smart-shamers, hindi mahalaga ang mga ideya at hindi binibigyang importansiya ang mga intelektwal na tao (Biana, 2019). Maiuugnay ito sa anti-intellectualism kung saan kinokontra ang paglalim ng mga intelektwal na usapan at pagturing sa mga intelektwal na tao bilang iba sa nakararami at banta sa lipunan. Ayon kay Sison (2015), sa kasaysayan, ginamit ng mga diktador ang anti-intellectualism upang ang mga edukado ay ipinta na banta sa pagkwestiyon ng mga ito sa norms at established opinions. Noong 1970’s, pinaslang ng Khmer Rouge sa Cambodia ang mga sibilyang nakapagkamit ng higit pa sa edukasyong elementarya, partikular na ang mga nagsusuot ng salamin sa kadahilanang nagpapahiwatig ito ng karunungan. Noong panahon naman ng Batas Militar ay itinuturing ang mga edukado na hindi makabayan at mapanghimagsik. Matagal nang laganap ang anti-intellectualism at nagmumungkahi ito ng hindi magandang pagtingin sa mga matatalinong tao. Sa halip na bigyan ng atensyon ang intelektwal na kontent ay isinasantabi ang mga ito na malugod namang tinatanggap ng lipunan. Nawawalan ng boses ang mga matatalino at namamayani ang kamangmangan ng karamihan. Malaki ang naging papel ng sosyal midya sa paglaganap ng smart-shaming. Ayon kay Biana (2019), mas naging lantad ang smart-shaming sa pagdating ng ibat -ibang online social media platform tulad ng Facebook at Twitter. Karaniwang nagiging target ng smart-shaming ang matatalinong tao na tumatalakay sa mga paksang tulad ng pulitika, relihiyon, mga kasalukuyang pangyayari, at iba pang isyung kontrobersiyal (Rodriguez, 2017).
Maaring mangyari ang smart-shaming sa ibat-ibang paraan. Ang mga taong nagbibigay ng kanilang opinyon ay madalas ma-bash lalo na kung nakasaad ang mga ito sa wikang Ingles o kaya naman ay sa paggamit nila ng mga salitang “tunog matalino”. Ayon uli kay Rodriguez (2017), kadalasan ay may mga taong mas marami ang alam tungkol sa isang partikular na usapin at maaari rin naman nais lamang itama ng “matalinong” tao ang interpretasyon ng isang user ngunit nauuwi sa smart-shaming ang diskusyon. Nagiging karaniwan na ang pagkwestiyon sa katalinuhan ng isang tao at nagiging negatibo ang pagiging matalino. Ayon kay Romana (2015) ito ay makikita sa eleksiyon, kung saan ang mga “matatalinong” kandidato ay ibinababa ang halaga ng kanilang academic achievement upang makaapela sa masa. Si Gibo Teodoro ay pinuna sa pagiging “sobrang matalino” nito. “Matalino pero corrupt” naman ang madalas na kritisismo kay Gloria Macapagal Arroyo. Iniuugnay naman ng karamihan ang unstable behavior ni Sen. Miriam Santiago sa kanyang katalinuhan. Ilan lamang ang mga ito sa mga halimbawa kung saan ang katalinuhan ay nakikita bilang isang negatibong katangian ng isang tao. Ayon kay Cusi (2019), mahalaga na maunawaan ang konsepto ng kultura upang ang kultura sa likod ng panghihiya sa matatalino o smart-shaming ay higit na mas mapalalim at maunawaan. Mayroong tatlong nibel ang kultura: mga nakikitang artepakto (observable artifacts), pagpapahalaga (values), at mga pinagbabatayang pagpapalagay (underlying assumptions). Tintukoy sa nakikitang artepakto ang mga nasisilayan, nadadama at nararanasan sa mababaw na nibel ng mga pagkilos ng tao. Upang mas maunawaan ang kakumbakitan ng ginagawa ng tao, mahalagang makita ang pagpapahalaga ng tao. Ang pagpapahalagang tinutukoy ay makikita sa paggalang at pagmamano ng mga Pilipino. Ang mga pinagbabatayang pagpapalagay ay tumutukoy naman sa dahilan ng kultura o pagkilos ng tao.
Kabilang sa kaniyang pagninilay ukol sa kultura ng smart-shaming ay ang mga dahilan kung bakit talamak ang pangyayaring ito. Nakalahad sa papel na iyon ang iba’t-ibang dahilan kung bakit nagiging laganap ang konsepto ng laban- intelektwalismo dito sa Pilipinas ayon kay Niels Mulder. Kasama sa mga dahilang ito ay ang konsepto ng pakikisama ng mga Pilipino, ang hindi pagpupunyagi sa mga gawaing pagbabasa at pag-aaral kung ito ay walang pakinabang sa ekonomiya o ang kapitalistang istruktura ng lipunan, at ang Pilipinong konsepto ng isang maganda at maayos na buhay. Kung nais na mapalalim ang usapin tungkol sa smart-shaming, marapat na intindihing mabuti ang mga teorya na maaaring makatulong sa pagtalakay sa isyung ito. Ang isa sa dalawang teorya na maaaring magamit dito ay ang Cognitive Dissonance Theory ni Festinger at ang Pakikipagkapwa ni Enriquez. Ayon sa Cognitive Dissonance Theory (CDT), naaapektuhan ng mga aksyon ng isang tao ang kaniyang mga paniniwala o saloobin. Katumbas nito, ayon kina Austria at Diaz (2019), nabibigyang diin ng CDT ang kapangyarihan nito upang ma -rationalize at mabigyang katwiran ang pagpapahayag ng saloobin ng isang tao na nakabatay sa sariling persepsyon at motibasyon. Higit pa rito, ayon naman kay Luttrell (2016, July 7), sinabi niya na ang CDT raw ay ang pagkakaroon ng inconsistency o ang pagpapabago-bago sa kaisipan at sa aksyong ginagawa at nagawa na ng isang tao. Samakatuwid, nais ipahiwatig ng CDT na ang smart- shaming ay, kapag ito ay nagawa na, lalo lamang itong nabibigyang katwiran upang mabawasan ang pagkakaroon ng inconsistency sa mga nagawa ng isang tao. Alinsunod dito, nabanggit din nina Austria at Diaz (2019) na naihahambing ng mga smart-shamers ang mga taong ‘matatalino’ bilang mga arogante kahit pa alam nilang tama o kaya naman ay artikulado ang mga taong nabanggit. Ang isa pang teorya na mai-iugnay rin ang konsepto ng smart-shaming ay ang Teorya ng Kapwa o Pakikipagkapwa ni Dr. Virgilio Enriquez. Sa isang
pagbabalik-aral nina Clemente at Belleza (2008), isinipi nila mula kay Enriquez (1992), na ang teorya ng Kapwa o Pakikipagkapwa ay ang pagtrato sa ibang tao at hindi ibang tao bilang kapwa at ang bawat isa ay magkakapantay. Kung palalalimin pa nang kaunti, ang pagkakapantay-pantay, pagkakaisa, pagkakasundo, at pagkamagalang ang siyang naglalaro sa loob ng teoryang ito. Subalit, paano nga ba naging parte ng konsepto ng smart-shaming ang teorya ni Enriquez kung magkasalungat ang mga ideya ng dalawang konseptong ito? Ayon kay Baygan (n.d.) isa sa mga dahilan kung bakit mayroong kultura ng smart- shaming sa Pilipinas ay dahil sa kahirapan, na siya namang nagdudulot upang mawalan ng pagkakataong makamit ang edukasyong makakapagpayabong sa pagiging intelektwal ng isang estudyante. Dahil dito, sa presensiya ng isang kapaligirang walang matatag na pundasyon ukol sa pagiging intelektwal at pagkakaroon ng malayang daluyan ng ideya; nagiging sanhi ito upang maituring na ang mga ideyang hindi nakagawiang makasalamuha bilang isang arogante o mapagmataas na pagpapakita ng talino at opinyon sa mga bagay-bagay. Maiuugnay rin ang smart-shaming sa iba't-ibang konsepto ng sikolohiya (Kanluraning Sikolohiya at Sikolohiyang Pilipino). Nagsagawa ng pag-aaral si Rodriguez (2017) upang makita ang relasyon ng smart-shaming sa kapwa, hiya, Social Dominance Orientation (SDO) at Big Five Personality Factors. Sa isinagawang pag-aaral ni Rodriguez (2017), nakitang may relasyon ang smart-shaming sa Big Five Personality Factor. Ang Agreeableness (A) o ang inklinasyon ng isang tao na mapanatili ang mabuting relasyon sa iba, ay mayroong negatibong relasyon sa smart-shaming, kaya naman mataas ang posibilidad ng pagsasagawa ng smart-shaming ng mga taong mababa ang A. Parehong resulta rin ang nakita sa Neuroticism (N) na sa konteksto ng isinagawang pag-aaral, ang mababang N ay ang pagtaas ng score sa emotional
stability. Mahina at negatibo naman ang relasyon na nakita sa smart-shaming at egalitarian ng kapwa. Ito ay dahil sa pagbaba ng egalitarian ng kapwa ay ang pagtaas ng tingin ng tao sa kanyang sarili at sa kagustuhan na ibaba ang ibang tao. Maaring gawin ito sa pamamagitan ng smart-shaming. Mababa naman ang relasyon na nakita sa pagitan ng hiya at smart-shaming. Ito ay marahil normatibo na para sa mga tao ang pagsasagawa ng smart-shaming kahit pa ito ay hindi katanggap-tanggap. Samantala, positibong relasyon naman ang nakita sa SDO at smart-shaming. Ang paniniwalang mayroong hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan (SDO) ay nagpapataas ng posibilidad ng pagsasagawa ng smart-shaming. Ito ay marahil sa pagtingin na ang matatalino ay mas nakakaangat sa lipunan. Kung iisipin nang mabuti, may isang tanong na kinakailangang masagot upang maintindihan nang maayos, malinaw, at mabuti ang konsepto ng smart- shaming sa Pilipinas:
>> Pabibo << Madalas na tinatawag ng smart-shamers na pabibo ang mga matatalinong tao kapag nagpapahayag ang mga ito ng kanilang ideya. Ang pabibo ay ang tawag sa mga taong gustong magpakitang gilas at ipakitang sila ang pinakamagaling. >> Pabida << Bukod sa pabibo ay tinatawag din na pabida o bida-bida ang mga taong biktima ng smart-shaming. Ang pabida ay tawag sa taong gusto na nasa kanya lamang ang atensyon ng mga tao. >> Pakikisama << Madalas, ang mga smart-shamers ay ang kaibigan mismo ng biktima ng smart shaming. Nang dahil dito, sa halip na magsalita at magalit ang biktima, pipiliin na lamang nito na manahimik at makisama sa kaibigan. >> Crab mentality << Isa sa mga dahilan ng smart-shaming ay ang pakiramdam na nakaka-angat ang isang tao sa sarili. Dahil dito, sa pamamagitan ng smart-shaming ay pilit nilang ibinababa ang mga taong matatalino o taong nakakaangat sa kanila. >> Kapwa << Kaugnay ng crab mentality ay ang pananaw ng Filipino sa kapwa. Para sa mga Filipino ang “ako” at “iba sa akin” ay magkapwa, nangangahulugan na “hindi ako iba sa aking kapwa”. marahil ibinababa ng smart shamers ang matalinong tao upang hindi ito ay maging iba sa kanya o upang siya ay makaangat sa lebel nito.
>> Masayahin << Ang mga Filipino ay likas na masayahin at mahilig magpatawa. Ginagawang joke ng ilan ang smart shaming upang makapagpa-saya ng iba nang walang masamang intensyon ngunit hindi alam na nakakaapekto pala ito sa mga biktima nito. >> Social Acceptance << Isa sa mga values ng mga Filipino ay ang social acceptance o ang pagiging isa o katanggap-tanggap sa isang grupo. Maaaring mang-smart-shame ang isang tao upang mai-angkop ang kanyang sarili sa mga taong katulad niya na hindi gaanong marami ang kaalaman sa bagay-bagay. >> Hiya << Ang hiya o shame ay isa sa mga pinahahalagahan ng mga Filipino. Isa sa mga kahulugan nito ay ang negatibong emosyon mula sa paggawa ng hindi kanais- nais na bagay. Ipinapahiya ang matatalino upang maiparamdam dito na hindi kaaya-aya ang pagiging matalino nila. >> Balat-sibuyas << Madamdamin ang mga Filipino. Ito ang dahilan kung bakit kahit hindi naman gustong iparamdam ng taong matalino ang kanyang kagalingan ay minamasama ito ng iba. >> Kababaang-loob << Isa sa mga itinuturo sa mga Filipino bata pa lamang, ay ang pagkakaroon ng kababaang loob. Isa sa mga madalas na sabihin ng mga smart-shamers ang “Ang yabang mo naman” sapagkat inaakala nila na nagiging mapagmataas ang mga ito sa pagbibigay ng mga kritikal na ideya.
Makikitang mistulang naiinis ang babae sa lalaking nagsasalita. Ilustrasyon ni Maria Elize Mercado Mga karaniwang bukambibig ng mga smart-shamers Ipinapakita ang epektong dulot ng smart-shaming para sa mga nagiging biktima nito.
Meme 1 na nagsasaad ng mga salitang karaniwan na naririnig mula sa mga smart shamers sa Pilipinas. Meme 2 na nagsasaad ng mga salitang karaniwan na naririnig mula sa mga smart shamers sa Pilipinas. Ipinapakita ng larawan kung paano karaniwang nangyayari ang smart- shaming. Salamin. Isang bagay na karaniwang ikinokonekta ng mga Pilipino sa pagiging matalino.
Meme 3 patungkol sa isyu ng smart- shaming sa Pilipinas. Meme 4 patungkol sa isyu ng smart- shaming sa Pilipinas. Meme 5 patungkol sa isyu ng smart- shaming sa Pilipinas. Meme 6 patungkol sa isyu ng smart- shaming sa Pilipinas.
Isang Facebook post patungkol sa kasalukuyang isyu ng smart-shaming sa Pilipinas. Meme 7 na nagsasaad ng mga salitang karaniwan na naririnig mula sa mga smart shamers sa Pilipinas. Karaniwang litanya ng mga smart-shamers.
A ng pagsasabi ng katotohanan, simple man o kumplikado, sa normal na pag-uusap, madalas ay natutugunan ng mga hindi sa lugar na kumento. Makukuha mo ang mga titig mula sa buong talahanayan kapag nagbibigay ka ng isang malakas na opinyon tungkol sa kung ano ang tinatalakay. Kapag nagwawasto ng grammar ng isang tao, tatawagan ka ng mga hindi kanais-nais na label. Maging ang pagpasa ng anumang bar o board exams— batas, gamot, inhinyero—ay sapat na munisyon para sa mga tao na atakehin ka (Pieraz, 2022). Ang isang kolehiyalang mayroong digri, kapag nagkamali, mabilis na naaatake ng mga tao sa mga katagang tumutumpok sa kung paanong siya ay nakapagtapos ngunit hindi alam ang isang bagay na iyong tinutukoy. Madalas nangyayari ang pagpapahiya sa mga matatalinong tao. Minsan hindi intensyunal ngunit madalas intensyunal sa paraan ng mga biro. Ayon kay Eusebio (2020) ang smart-shaming ay maaaring magmula sa isang karaniwang logical fallacy na ad hominem, o isang fallacy na tumugon sa isang argumento sa pamamagitan ng pag-atake sa tao sa personal na pamamaraan. Tinatanggal nito ang posibilidad na makabuo ng isang pang-edukasyon at intelektwal na diskurso kung saan ang mga paksa ay tinatalakay sa isang obhektibong paraan nang hindi napupunta sa hindi mahalagang pag-uusap ukol sa kadiskurso. Sa kasamaang palad, nakakaapekto rin ito sa kondisyon ng biktima ng smart-shaming dahil nababawasan nito ang kanilang pagpapahalaga sa sarili at kumpiyansa sa pagsasalita. Ang smart-shaming ay maaaring lumitaw sa pag-aalangan upang gabayan ang iba, dahil hindi nila maaaring tanggapin ito nang bukas.
Mga Hipotesis 1. Maaaring hindi maganda ang tono na ginamit sa pagtatama ng impormasyon (mocking). Maaaring mag-iba ang mensahe ng isang pangungusap depende sa tono na ginamit dito. Ang hindi paggamit ng tamang tono ay maaaring humantong sa maling interpretasyon sa pangungusap at maging sanhi ng hindi pagkakaunawaan. Minsan, kahit hindi sinasadya ay nagmumukhang mayabang ang isang tao sa paraan ng pagsasalita nito. Maari itong maging dahilan ng smart-shaming. Kung hindi maayos ang tono ng pagtatama ng isang tao, maaring maramdaman ng kausap nito na siya ay mangmang at walang alam. Dahil dito, hindi maiiwasan na sabihan nila ang matalinong tao ng “Ikaw na ang maraming alam.” Kapag nararamdaman ng isang tao na nakakaangat sa kanya ang kanyang kapwa, kinukutya niya ito at hindi kinikilala ang kanyang ideya (Cusi, 2019) Mas laganap naman ang ganitong pangyayari sa sosyal midya o sa mga text/ chat. Dahil hindi naririnig at bumabase ang isang tao sa paraan ng kanyang pagbasa sa comments o chat, maaring ibang tono ang kanyang magamit dito sa halip na ang tonong ginamit ng nagpadala ng mensahe. Mabibigyan niya ito ng maling pakahulugan at dahil dito ay ipapahiya niya ang tao. Kahit hindi masama ang intensyon ng taong matalino at gusto lamang nitong magbigay kaalaman, nagiging masama ang impresyon nito sa ibang tao dahil sa maling tono na nailapat sa mensahe. 2. Ang pagkakaiba ng estado ng mga tao sa buhay at ang pananaw nila pagdating sa 'talino' ay siyang nakakaapekto sa usapan sa pagitan ng dalawang tao. Sa lumalaking agwat sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap ay siya ring paglobo ng diskrimasyon sa lipunan. Madalas na nagiging tema at tinatalakay ng mga telenobela sa bansa ang mga pag-iibigang “langit-lupa” kung saan nabibigyang-diin kung paanong naapektuhan ng estado ng buhay ang kanilang mga pananaw sa buhay. Batay sa pag-aaral nina Stumm at Plomin (2015), may makabuluhang epekto ang socioeconomic status sa intellectual quotient ng mga bata. Mas maganda ang
resulta ang performance ng mga batang nagmula sa privileged homes o higher socioeconomic status kumpara sa average worse performance ng mga batang nasa lower socioeconomic status. Bigyang-pansin ang salitang pribilehiyo. Kung ito ang pagbabasehan ng talino ay siguradong mas matalino nga ang mga nakaaangat sa buhay sapagkat mayroon silang sapat na kakayahan upang mabuksan ang iba’t-ibang pinto ng oportunidad. Maaari nilang maipasok ang mga anak sa mga ekstra pang klase, kumuha ng private tutor, at ienrol sa paaralang kumpleto ang pasilidad. Nabubuksan din nito ang totoong lagay ng mga paaralang hindi napagtutuuan ng pansin ng gobyerno—ang mga paaralang abot—kaya ng mga kinakapos sa buhay. Ayon kay Baygan (n.d.), isa sa mga dahilan kung bakit mayroong kultura ng smart-shaming sa bansa ay dahil sa kahirapan. Kung tutuusin, ang estado ng buhay ay hindi tahasan o direktang nakakaapekto, nakakadagdag sa problema ng smart-shaming sa bansa lalo na kung bukas naman ang lahat sa malalim na talakayan subalit ang kakapusan ng nakararami ay nakakaapekto kung paano nila haharapin ang usaping ito. Maaaring ang pagkakaroon ng maraming kaalaman ay makita ng iba bilang pagiging arogante lalo na kung sila ay napagkaitan ng pagkakataon. Hindi lahat ay nabibiyayaan ng pagkakataon at oportunidad sa mga resources na napakalaking tulong upang mapalawak ang kaalaman at mahasa ang isipan. 3. Nagiging mahiyain at takot na magsalita ang mga taong biktima ng smart- shaming. Tinutukoy ng sikologong si Aimee Santos ang hiya o takot sa kahihiyan bilang pagpigil (restraint) o pagiging mas konserbatibo (conservative) kumpara sa pagiging outspoken at opinyonado. Sa kanyang pagsasanay, mas mahiyain at hindi ganoong nagpapahayag ng kanilang sarili ang mga Pilipino kumpara sa kanilang mga kasamahang Australyano. Marami sa kanila ang ginagamit na dahilan ay ang kultura at pagiging isang Pilipino (Alfonso-Gregorio & Lazo, 2020). Ang hiya ay nag-uudyok sa mga tao na gawin ang inaasahan sa kanila ng lipunan. Ito ay nagpapakita na ang mga taong sinasabing mayroong hiya ay mas maingat sa kanilang ginagawa at may mababang posibilidad na gumawa ng isang bagay na hindi kanais-nais o hindi naaangkop (Rodriguez, 2017 sa Clemente et. al., 2017).
Ayon sa pag-aaral ni Rodriguez (2017), madalas na nakakaramdam ng pagkabigo at kalungkutan ang mga tao kapag sila ay nakakaranas ng smart- shaming, dahil dito binabago nila ang kanilang pag-uugali sa pagtatangkang maiwasang maranasan itong muli. Katulad nito, natuklasan sa pag-aaral na ang smart-shaming ay may negatibong epekto sa mga taong nakaranas nito, tulad ng mga damdamin ng kalungkutan at mga pagbabago sa pag-uugali. Ilan sa mga kalahok ng pag-aaral na ito ay nalungkot at nadidismaya dahil sila ay napahiya at nakatanggap ng mga masasakit na salita. Pinipigilan ng smart-shaming ang paglawak ng intelektwal ng isang tao, maliban doon ay pinipigilan din nito ang malayang pagpapahayag ng sarili ng isang indibidwal. Dahil sa takot na makutya o mapahiya kapag ang kanilang mga pananaw at opinyon ay sumasalungat, ang mga tao ay may posibilidad na \"hindi na lamang makipag-usap” (Delle, 2016). Dagdag pa rito ay sinasabi na ang mga biktima ng smart-shaming ay natatakot na ipakita kung paano sila tunay na nag- iisip at nakikipag-usap, kahit na sa katotohanan ang kanilang mga opinyon at ideya ay napakahalaga. Maaaring makatulong ang impormasyong ibinabahagi nila, ngunit hindi nila magagawa iyon dahil natatakot silang ituring na know-it-all (Secillano, 2016). Nagdudulot ito na itago at dahan-dahang kalimutan ang mga ideya at opinyon ng mga taong nagnanais magpahayag sa takot na matawag na know-it-all. Sa kabila nito, marapat na tandaang mas mabuti na maging isang know-it-all kaysa sa walang alam (Delle, 2016). Mula sa mga naitalang sangguni, ang smart-shaming ay nagdudulot ng pagbabago sa gawi at nagtatanim ng mga negatibong emosyon sa mga tao. Dahil sa karanasan ng smart-shaming, maraming tao ang bumabaling sa pag-iwas sa mga salita o aksyon na maaring ika-smart-shame nila. Bunga rin nito ay ang pagpapahiya sa mga tao na siyang nagdudulot sa kanila na mahiya at tuluyang mabahala at mag-ingat sa kanilang pagsasalita. Ibinulgar ng pag-aaral ni Rodriguez (2017) na mas naging maingat ang halos lahat ng mga smart-shamed na indibidwal sa kanilang ginagawa at mga ipino-post upang hindi na muling mabiktima ng pagpapahiya. Bukod dito, may ibang mga indibidwal na mas pinipiling manatiling tahimik at hindi pansinin ang mga taong gustong magpahiya, samantalang ang iba naman ay patuloy na nagpo-post at nagkokomento ng kanilang opinyon ng may naaangkop na pag-iingat sa pagsasalita.
4. Mas nakakaranas nang smart-shaming ang mga taong nagsusuot ng salamin at mga taong ang pananamit ay mukhang pangmatalino. “Looking genius, knowing nothing” Mayroong nabubuong stereotype sa mga taong nagsusuot ng salamin. Madalas, sila ang napapag-isipang matatalino sa halip na malabo lamang ang mata or mayroong astigmatism. Dahil sa paunang pag-iisip ng tao na matalino ang mga nagsusuot ng salamin, madalas rin silang madismaya kapag nalamang salungat sa kanilang iniisip na matalino ang isang indibidwal. Kung mapapansin sa kasalukuyang panahon, tila likas na sa mga Pilipino ang pagiging mapanghusga o “judgemental”. May mga pagkakataon na nailalarawan agad nila ang pamumuhay o katangian ng isang tao kahit hindi nila ito personal na kilala. Makita lamang na kakaiba ang kasuotan o iba ang kulay ng buhok sa nakararami, kung ano-anong salita na agad ang bibitawan. Sa karaniwang pag-iisip ng ilang mga Pilipino, masasabi nilang matalino ang isang tao nang bumabatay lamang sa panlabas nitong itsura. Kapag ang isang tao ay may suot na salamin at palaging tila pormal ang kasuotan, mas malaki ang tyansa na nakikita o napapagkamalan siyang matalino. Maaaring tumatak ang kaisipang ito sa isip ng mga Pilipino dahil na rin sa nakikita o naoobserbahan niya sa kanyang paligid, sa mga kapwa tao, at lalo na sa mga palabas sa telebisyon at maging sa mga babasahin. Halimbawa na lamang sa mga napapanood sa palabas o pelikula, kapag ang isang karakter ay may katangiang matalino, ito ay karaniwang nakikitang nakasuot ng makapal na salamin. Gaya na lamang ni Velma na kilala bilang nerd sa palabas na Scooby Doo, si Dexter mula sa Dexter’s Laboratory, at si Simon mula sa Alvin and the Chipmunks. Dahil dito, tila naging simbolo na ang salamin ng pagiging matalino ng isang tao. Ayon sa pag-aaral, mula noon ay karaniwang nagsusuot ng salamin ang mga taong nagsasagawa ng intelektwal o may kasanayang trabaho. Dahil dito, naiuugnay ng mga tao ang salamin sa iba't ibang katangiang nauugnay sa kakayahan, kasipagan, at higit sa lahat ay ang katalinuhan. (Lerner, 2022) Bukod dito, sa larangan naman ng sikolohiya, nasasabing mayroong sikolohikal na koneksyon ang pagsusuot ng salamin, pisikal na anyo at ang katalinuhan ng isang tao. Kung saan ang mga taong nagsusuot ng salamin ay karaniwang nakikita bilang matalino, mabait, at matapat kumpara sa mga taong
hindi nagsusuot nito. Patuloy na naiilarawan ang mga taong may salamin, bilang matalino, masipag, at matagumpay, ngunit hindi gaanong aktibo, o palakaibigan, kumpara sa mga taong may parehong katangian na hindi nakasuot ng salamin. Sa kabilang dako, sa larangan naman ng siyensya, bagamat mayroon ngang sikolohikal na koneksyon, hindi pa rin ito napapatunayan ng mga eksperto. (CEENTA, 2022) Samantala, maaari rin na sa mismong pananaw ng taong nagsusuot ng salamin na wala itong koneksyon sa kanyang isip at talino. Ngunit, ang mga taong nakapaligid sa kanya lamang ang nakakapagpa-isip sa kanya na mayroon. Marami pang dahilan kung bakit naikokonekta ng mga tao na ang pagsusuot ng salamin sa pagiging matalino. Ayon kay Lerner (2022), maraming siyentipiko ang naniniwala na ang kaisipang ito ay isang mental shortcut na natututunan at naitatatak sa isip ng tao. Dagdag pa niya, dahil tila natutunan at nakasanayan na ng mga tao ang kaisipang ito, hindi na ito nakakagulat sa nakararami at tinatanggap na lamang nila ang kaugnayan sa pagitan ng salamin at katalinuhan.
Sa tuwing nagkakaroon nang malalalim na usapan, hindi maipagkakaila na may mga pagkakataong hindi nagiging maganda ang kinahahantungan lalo na pagdating sa mga maiinit na isyu. Maaaring sa kalagitnaan ng diskusyon ay mayroong isang tatayo at magsasalitang, “tama na ‘yan. Masyado na kayong magagaling.” Oo nga’t maaaring likas sa kultura ng mga Pilipino ang pagiging palabiro subalit kaakibat nito ay ang hindi magandang pagtingin sa mga matatalino. Maaaring sa isang biro ay matuldukan ang isa sanang makabuluhang talakayan. Ang smart-shaming o anti-intellectualism ay matagal nang nagaganap sa kultura ng mga Pinoy. Ayon nga kay Cusi, maiging matingnan at masuri ang kultura upang makita kung bakit, saan, at paano nagmula ang panghihiya sa matatalino. Ayon sa Cogntive Dissonance Theory (CDT) ni Festinger, ito ay kakayahang mai-rationalize ang isang pahayag base sa sariling persepsyon. Dahil hindi ito nakaugat sa katotohanan, nagkakaroon ito ng iba’t-ibang bersyon at humahantong sa inconsistency. Tingnan din ang Teorya ng Pakikipagkapwa ni Enriquez, tumutukoy ito sa pagtrato sa kapwa bilang magkakapantay. Kung pagtutuunan ng pansin ang salitang pagkakapantay, hindi maikakailang malayo ito sa reyalidad lalo na at malaki ang agwat ng mahirap at mayaman. Hindi naman talaga basta na lamang na kabuteng tumubo ang kulturang ng smart- shaming sa bansa na ngayon nga ay maituturing na rin na isyung panlipunan. Mayroon itong pinagmulan at kung mayroon sapat na edukasyon ukol dito, hindi malayong hindi ito matuldukan. Ang smart-shaming o anti-intellectualism ay isang asal ng mga Pinoy na nararapat lamang na i-unlearn. Kasabay nang pagpupugay sa edukasyon, matiyak rin nawa ang pag-alis sa sistema ang pamimihiya sa katalinuhan. Ang kakayahang magpahayag nang pinag-isipang pananaw ay hindi nakahihiyang gawain at hindi dapat na ikinahihiya. Isa itong patunay na patuloy na pagiging kritikal ng mga tao at isang indikasyon ng progresibong lipunan.
Alfonso-Gregorio, N., & Lazo, C. (2020, December 6). Mga epekto ng Filipino values sa iyong mental health. SBS Your Language. https://www.sbs.com.au/ language/filipino/audio/mga-epekto-ng-filipino-values-sa-iyong-mental- health Austria, M. & Diaz, I. (2019). Emotion regulation: Predicting smart-shaming tendency on social media communication. Journal of Information System and Technology Management, 4(11), 1-21. Biana, H. T. (2019). A Call for Feminist Critical Thinking In A Smart-Shaming Culture. Social Ethics Society Journal of Applied Philosophy, 5(1), 65–80. http://ses-journal.com/wp-content/uploads/2017/09/4_Biana_A-Call-for- Feminist-Critical-Thinking_SESv5n1_2019.pdf CEENTA. (2022). ARE PEOPLE WHO WEAR GLASSES SMARTER THAN PEOPLE WHO DON’T? Retrieved from https://www.ceenta.com/news-blog/ are-people-who-wear-glasses-smarter-than-people-who-dont Baygan, J. (n.d.). Making sense of smart-shaming in the Philippines. Retrieved from https://www.academia.edu/34758374/ Making_sense_of_Smart_Shaming_in_the_Philippines Clemente, J. & Belleza, D. (2008). Revisiting the kapwa theory: Applying alternative methodologies and gaining new insights. Cusi, M. P. (2019). Isang Pagninilay sa Kultura ng Panghihiya sa Matatalino. PAP: Beyond. Philosophical Association of the Philippines Mid-Year Conference 2019, University of the Philippines, Los Baños, Laguna , Philipppines. https://www.academia.edu/40980060/ Isang_Pagninilay_sa_Kultura_ng_Panghihiya_sa_Matatalino_A_Reflection_ on_the_Culture_of_Smart_Shaming_ Delle, C. (2016, August 11). Why Stop Smart-Shaming? Vigorbuddy.Com. https://www.vigorbuddy.com/stop-smart-shaming/ Eusebio, E. S. (2020, November 28). Smart-Shaming: A Filipino ‘Thinking’ That Should be Gone. PressReader. https://www.pressreader.com/
philippines/sunstar-pampanga/20201128/281754156880270 Lerner, C. (2022). The Real Reason People with Glasses Look Smart. Retrieved from https://www.rd.com/article/why-people-with-glasses-look- smart/ Luttrell, A. (2016, July 7). Cognitive dissonance theory: A crash course [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=9Y17YaZRRvY Pieraz, A. (2022, May 16). What Is Smart Shaming and Why Do We Do It? Wonder. https://wonder.ph/popculture/smart-shaming/ Rodriguez, R. (2017). E, di Ikaw na ang Matalino! Isang Pagsusuri sa Penomenon ng Smart-Shaming sa mga Pilipinong Gumagamit ng Facebook. DIWA E-Journal, 126–162. https://www.researchgate.net/ publication/328066432_E_di_Ikaw_na_ang_Matalino_Isang_Pagsusuri_sa _Penomenon_ng_Smart- Shaming_sa_mga_Pilipinong_Gumagamit_ng_Facebook Romana, B. J. J. M. (2015, July 6). Smart-shaming and our Pinoy culture of anti- intellectualism | SciTech |. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/ news/scitech/science/517026/smart-shaming-and-our-pinoy-culture-of-anti- intellectualism/story/ Sison, S. (2020, October 15). What’s up with the smart-shaming? RAPPLER. https://www.rappler.com/voices/imho/smart-shaming/ Secillano, I. (2016, June 25). Why We Need To Stop Smart Shaming. Candymag.Com. https://www.candymag.com/features/why-we-need-to- stop-smart-shaming-a314-20160625 Stumm, S. & Plomi, R. (2015). Socioeconomic status and the growth of intelligence from infancy through adolescence. https:// www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4641149/ The Shaming of One’s Smarts in the Filipino Culture. (2020, December 14). WritingBros. Retrieved May 30, 2022, from https:// writingbros.com/essay-examples/the-shaming-of-ones-smarts-in-the- filipino-culture/
Search
Read the Text Version
- 1 - 32
Pages: