Most Essential Learning Competencies *Naipapakita ang pagiging responsible sa kapwa: a. pangako o pinagkasunduan b. pagpapanatili ng mabuting pakikipagkaibigan c. pagiging matapat EsP6P-IIa-c-30 *Nailalarawan ang tauhan batay sa damdamin nito at tagpuan sa binasang kuwento F6RC-IIa-4 *Nasasagot ang tanong na bakit at paano F6PB-If-3.2.1 *Napagsusunod-sunod ang mga pangyayari sa kuwento sa tulong ng nakalarawang balangkas at patnubay na tanong F6PB-Ib-5.5, F6RC-Iie-5.2 *Nakapagbibigay ng hinuha sa kalalabasan ng mga pangyayari bago, habang, at matapos ang pagbasa F6PN-Id-e-12, F6PB-IIIf-24 *Demostrate appropriate first aid for common injuries or conditions H5IS-IV-c-j-36 A
Masagana ang lupain ng Bang-a, isang kubling komunidad sa gitna ng kagubatan kung saan napaliligiran ito ng mga malalago at matataas na puno. Dito namumuhay nang tahimik at payapa ang mga Kagulwa, ang tribung kilala sa lugar na ito.
Siya si Bulaw, ang kaisa-isang anak ng babaylan ng mga Kagulwa. Maliban sa kanyang angking kagandahan ay espesyal kung ituring siya ng mga Kagulwa dahil siya ang bukod-tanging pinagkalooban ng isang misteryosong Boon, isang uri ng basket na sinasabing kayamanan ng tribu.
“Walang sinoman ang mangangahas na buksan ang Boon na ito sapagkat isang sumpa ang mapapasaiyo,” malumanay na wika ni Bulaw sa harap ng mga Kagulwa. Natakot ang mga nakarinig sa kanya maliban lamang kay Melawe. “Sinasabi mo lang ‘yan dahil gusto mong masolo ang kayamanan,” pag-ismid na sabi ni Melawe sa sarili.
Sagrado para sa kanila ang Boon at wala pang nangangahas na buksan ito. Maging si Bulaw man ay hindi alam kung anong laman nito. Binabalot niya ito ng puting balabal bago tinatago sa isang lumang baul. “Habang ako’y nabubuhay, poprotektahan kita gaya ng pinangako ko kay Ama,” bulong ni Bulaw.
Isang gabi, binalot ng kasamaan ang puso ni Melawe. Mayroon siyang maitim na balak sa kayamanan ng tribu. “Kailangan kong makuha ang Boon na iyon!,” wika niya na wari'y nagliliyab ang apoy sa kanyang mata sa sobrang inggit.
Habang mahimbing na natutulog ang mga Kagulwa, tinangka ni Melawe na nakawin ang Boon. Tinakpan niya ng itim na bandana ang kanyang mukha upang hindi siya makilala. Doon niya isinakatuparan ang kanyang plano.
Matagumpay niyang nakuha ang Boon nang walang nakakakita sa kanya. “Sa wakas, napasakamay ko na ang kayamanang ito, hahahahahaha!,\" pagbubunyi ni Melawe. “Ito ang magiging daan upang kilalanin akong dakila ng aking mga katribu,” ani pa niya.
Dagli niya itong binuksan at bumungad sa kanya ang nakasisilaw na liwanag. “Ahhhhhhhhhhh, anong nangyayari?! Wala akong makita!,” sigaw niya.
Nabulabog ang buong tribu. Sinundan nila kung saan nanggagaling ang nakasisilaw na liwanag na umabot sa kalangitan.
Nadatnan nila si Melawe na nakaluhod habang tinatakpan ang kaniyang mga mata. “Bakit ka nangahas na nakawin ang mahiwagang Boon ng ating tribu, Melawe? Hindi ba’t mahigpit na ipinagbabawal na hawakan o buksan man lang ito? Nilagay mo sa kapahamakan ang buong tribu!,” sumbat ni Bulaw. Tuluyang nabulag si Melawe sa pangyayaring iyon.
Natakot ang mga Kagulwa sa maaaring sumpa na dulot ng kalapastanganan ni Melawe. Agad nila itong tinalikuran habang siya ay namimilipit sa sakit.
Kinabukasan, habang abala sa gawain ang mga Kagulwa ay biglang yumanig ang lupa. Nagsigawan ang mga tao. Tumakbo sila papalayo sa mga malalaking puno na maaaring matumba. Marami sa kanila ang nasaktan at nasugatan. “Tulong!”, sigaw ng lahat. Habang ang iba naman ay nakahanap ng ligtas na lugar na kanilang pagtataguan. “Simula na ito ng sumpa! Kasalanan mo ito Melawe!,” paninisi ng isang Kagulwa.
Samantala, si Bulaw ay naging abala sa pagbibigay ng paunang lunas sa mga nasaktan niyang kasamahan. “Aray!,” reklamo ng isang Kagulwa habang hinahagod ang isang binti nito. “Naku! Huwag mo munang igalaw ang iyong mga binti at baka may bali ito,” pag-aalalang tugon ni Bulaw. Nilagyan niya ng patigas na patpat ang binti ng biktima bago ito binendahan ng kapirasong tela na pinunit niya mula sa kanyang suot na damit.
Hindi pa man humuhupa ang tensyon ay biglang umihip ang napakalakas na hangin. Dumilim ang kalangitan at bumuhos ang malakas na ulan. Kumulog at kumidlat na parang galit na galit ang langit. Nabuo ang buhawi at tuluyang umapaw ang tubig sa buong lupain.
“Halikayo! Doon tayo sa mas mataas na lugar upang hindi tayo anurin ng baha!,” yaya ni Bulaw sa mga kasamahan niya.
Sumunod sila sa sinabi ni Bulaw. Inakyat nila ang tuktok ng burol ngunit habang papaakyat sila ay biglang naalala ni Bulaw ang mahiwagang Boon sa lumang baul. “Mauna na kayo sa taas ng burol. May babalikan lang ako sa bahay,” wika niya.
Hinanap ni Bulaw ang lumang baul na kinalalagyan ng Boon. Nang makita niya ito ay agad niyang sinukbit at dali-daling umalis.
Habang pabalik sa burol, nakita niya ang bulag na si Melawe na umiiyak at mahigpit ang kapit sa isang puno. “Tulungan ninyo ako, may tao pa ba diyan?,\" pagmamakaawa niya. Tinulungan siya ni Bulaw. “Halika Melawe! Ako 'to, si Bulaw. Kumapit ka at tayo’y aakyat sa burol.” “Maraming salamat, Bulaw,” nanginginig na boses ni Melawe.
Sa gitna ng malakas na hangin at ulan, inakay ni Bulaw si Melawe paakyat ng burol. Nang malapit na sila sa tuktok, sinalubong sila ng mga Kagulwa. “Bakit mo pa niligtas ang babaeng nagdala ng kapahamakan sa ating lahat?,” galit na sigaw ng isang Kagulwa.
Humagulgol si Melawe sa mga narinig niya. Tumakbo siya papalayo hanggang sa bumagsak ang katawan niya sa damuhan. Nilapitan siya ni Bulaw at niyakap. “Hindi ako nararapat sa iyong kabaitan, Bulaw,” sabi ni Melawe. “Hindi ka namin puwedeng pabayaan, Melawe. Isa kang Kagulwa at responsibilidad nating tulungan ang isa’t isa,” sagot ni Bulaw.
Humarap si Bulaw sa mga Kagulwa habang kayakap si Melawe. “Makinig kayo. Sa panahong ang tribu natin ay nasa panganib, lahat tayo ay dapat magtulungan. Iwaksi ang galit at alitan. Magkaroon tayo ng pusong mapagmahal at mapagpatawad,” pangaral ni Bulaw sa kanila. “Patawarin ninyo ako , huhuhuhu,” pagmamakaawa ni Melawe.
Sa yungib na nagpalipas ng gabi ang mga Kagulwa habang binabayo ng bagyo ang kanilang lupain.
Paggising nila kinabukasan ay sumikat na ang araw at humupa na rin ang tubig-baha. Nanlumo sila sa mga tumambad sa kanila. Winasak ng malakas na ulan ang kanilang mga tahanan at pananim. “Paano na ‘yan, Bulaw? Wala na tayong makakain. Mamamatay tayo sa gutom dahil wala na tayong mapagkukunan,\" nag-aalalang wika ng mga Kagulwa.
Nabahala si Bulaw sa maaaring kahihinatnan ng kanilang tribu. Wala na siyang ibang maisip na paraan. “Kailangan kong makagawa ng paraan para sa kanila,” bulong niya habang hinihimas ang kanyang Boon. Naalala niya ang bilin ng kanyang Ama noong ipinamana sa kanya ang mahiwagang Boon. “Baka ito na ang takdang panahon para buksan ang Boon na ito,” wika niya sa harap ng mga Kagulwa. “Anoman ang mangyari sa akin, alalahanin ninyo na ginawa ko ito dahil sa pagmamahal ko sa ating tribu,” maluha-luhang sambit ni Bulaw.
Pumagitna si Bulaw bitbit ang Boon. Dahan-dahan niya itong binuksan. Bumungad ang napakatinding liwanag na halos wala na silang makita.
Mula sa kaitaasan ay umulan ng mga gintong butil na sumaboy sa lupain ng Bang-a. Ilang saglit lang ay tila mahikang mabilis na tumubo ang mga butil na naging mga halaman na may bungang kulay ginto.
Namangha ang mga Kagulwa sa kanilang nasaksihan. “Nasaan si Bulaw?,” pagtatakang tanong ni Melawe. “Teka, nakakakita ka na Melawe?,” tanong ng isang Kagulwa. “Oo nga! Parang bumalik na ang aking paningin,\" sabay yakap sa mga katribu niya.
Mula noon ay hindi na nila nakita si Bulaw. Naisip nila na ang halaman na may bungang kulay ginto ay ang nawawala nilang bayani. Patunay nito ang mga buhok na kahawig sa maalon at malambot na buhok ni Bulaw. Nakilala ang lupain ng Bang-a dahil sa masaganang ani mula sa kakaibang halaman na ito. Tunay ngang kayamanan na maituturing ang laman ng mahiwagang Boon ni Bulaw. Wakas
Poot at inggit ang nagtulak kay Melawe para nakawin ang pinakaiingatang Boon ng mga Kagulwa. Tuluyan niyang nilabag ang habilin ng kanyang mga ninuno mapasakamay lamang ang yaman ng kanilang tribu. Ano nga ba ang tunay na laman ng mahiwagang Boon? Kayamanan ba o sumpa? Halina't ating alamin ang hiwagang bumabalot sa Boon ni Bulaw!
Search
Read the Text Version
- 1 - 36
Pages: