Mga Palatandaang Kasanayan Naipakikita ang kahalagahan ng pagiging responsable sa kapwa: pangako o pinagkasunduan; Pagpapanatili ng mabuting pakikipagkaibigan; pagiging matapat; EsP6P- IIa-c–30 Posts and shares materials on wikis in a safe and responsible manner, TLEIE6-0c-5 Posts and shares materials on blogs in a safe and responsible manner, TLEIE6-0c-6 Participates in video and audio conferences in a safe and responsible manner, TLEIE6-0d-7 Relate oneself to others , HGIPS-Ie-11 Share the lessons from personal experiences by empathizing with others, HGIPS-Ie-12 Nagagamit ang magagalang na pananalita sa iba’t ibang sitwasyon: • sa pagpapahayag ng saloobin/damdamin, F6PS-Id-12.22 • pagbabahagi ng obserbasyon sa paligid, F6PS-IIc-12.13 • pagpapahayag ng ideya, F6PS-IIIf-12.19 • pagsali sa isang usapan, F6PS-IVg-12.25 • pagbibigay ng reaksiyon, F6PS-IVh-12.19
TREASURY OF STORYBOOKS This storybook is a product of the National Competition of Storybook Writing 2022 of the Department of Education. Pursuant to the Intellectual Property Code of the Philippines, no copyright shall subsist in this work of Government of the Philippines. However, prior to the approval of the Department of Education shall be necessary for exploitation of such work for profit. DepEd may, among other things, impose as a condition the payment of royalties. No prior approval or conditions hall be required for the use for any purpose of statues, rules and regulations, and speeches, lectures, sermons, addresses, and dissertations, pronounced, read or rendered in courts of justice, before administrative agencies, in deliberative assemblies and in meetings of public character. For purposes of citation, the following is recommended: Si Tabugon at ang Antuking Alimukon, DepEd-BLR, 2022. DEVELOPMENT TEAM Writer: Illustrator: Editor: Layout Artist: Book Designer: Learning Resource Manager: LRMS|DIVISION REGION
Malawak at masukal na gubat ang ngayo’y pinagmamasdan ng nalilitong si Tabugon. Maga pa ang kaniyang mga mata na halos hindi maimulat dahil sa magdamag na pag-iyak. Kahit saan siya tumingin, tanging mayayabong na puno, malalaking bato sa gilid ng sapa, asul na kalangitan, at nagbabagang init ng araw ang kaniyang nakikita. Bagama’t ang isang asong tulad niya ay may nakamamanghang kakayahan at pang-amoy, tuluyan siyang naligaw nang malaglag sa isang bangin habang tumatakbo. Sa una kasing pagkakataon ay isinama siya sa pangangaso ng kaniyang amo na taga Tribu Onhan sa paanan ng Bundok Calatong. Nais sana ng amo niya na turuan siya sa pangayam, isang uri ng tradisyonal na pangangaso, ngunit hindi siya pamilyar sa lugar kaya hindi niya namalayan ang matarik na bangin. Mula pa kahapon ay bigo siya sa paghahanap ng daan palabas sa gubat. Kung sana nakapagdala siya ng selpon, isang teleponong walang kawad, maaari sana siyang makahingi ng tulong. Ilang pirasong damit, kaunting pagkain, lubid, at maliit na kumot lamang ang laman ng kaniyang dalang buslo.
Nakaramdam siya ng bahagyang panunuyo ng lalamunan. Lumapit siya sa sapa. Nakita niya ang kaniyang repleksiyon sa tubig. Madumi at puno ng putik ang kaniyang makapal na balahibong kulay abo. Ikinakawag niya ang kaniyang munting buntot nang mapansin ang sugat sa kaniyang kanang hita. Unti-unti siyang lumusong sa tubig upang linisin ang katawan. Nakaramdam siya ng kaginhawaan at kapayapaan.
Ilang sandali pa ay dumating si Angwang. “Kaibigan, parang ngayon lamang kita nakita sa gawing ito ng gubat,” bati niya sa naliligong si Tabugon. “Naligaw ako, Kaibigan. Nalaglag ako sa bangin at hindi ko matunton ang daan palabas sa gubat. Maaari mo ba akong tulungan?” pakiusap ng aso sa bagong dating. “Patawad. Dito na ako lumaki sa gubat at kailanman ay hindi ako nagtangkang lumabas sa lugar na ito. Payapa at sagana sa yaman ang gubat, kaya walang dahilan para ito ay aking lisanin,” paliwanag ng dalagang kalabaw. “Kung hindi mo man mahanap ang daan palabas, maaari kang manatili sa lugar na ito. Isang paalala lamang, Kaibigan. Huwag kang lalapit sa malaking punong iyon, lalo na kung gabi,” dagdag pa niya habang lumalakad palayo sa sapa.
Natulala si Tabugon sa narinig. Lubos ang kaniyang pagtataka sa sinabi ng bagong kaibigan. “Ano kaya ang mayroon sa punong iyon?” Lalo siyang nakaramdam ng pagkabalisa. Matapos magpalit ng kasuotan, nagsimula siyang muli sa paghahanap ng daan pauwi. Habang naglalakad, paulit-ulit siyang nanalangin.
Sa di kalayuan, nakasalubong niya si Simaron. May dala siyang martilyo, lagari, at metrong panukat. Pupunta ang ginoo sa isang kliyente na magpapagawa ng lamesa at mga upuan. “Kaibigan, parang ngayon lamang kita nakita sa gawing ito ng gubat,” hindi napigilang tanong ng panday matapos mapansin ang kasalubong na si Tabugon. “Naligaw ako, Kaibigan. Nalaglag ako sa bangin at hindi ko matunton ang daan palabas sa gubat. Maaari mo ba akong tulungan?” pakisuyo ng aso. “Nais man kitang tulungan ay hindi ko magagawa. Ang lahat ng kliyenteng aking nakausap at nakatrabaho ay mga taga-rito lamang. Hindi pa ako nakararanas na magtrabaho sa labas ng gubat,” malumanay na paliwanag ng matipunong kabayo. “Kung hindi mo man mahanap ang daan palabas, maaari kang manatili sa lugar na ito. Isang paalala lamang, Kaibigan. Huwag kang lalapit sa malaking punong iyon, lalo na kung gabi,” wika niya habang nagpatuloy sa paglalakad.
Tumigil siya upang magpahinga, pakiramdam niya ay mauubusan siya ng lakas. Lubos na sagana at payapa ang lugar, subalit nais niyang makauwi sa amo, iba pa rin ang pakiramdam ng nasa kinalakihang tahanan. Hindi rin mawala sa kaniyang isip ang malaking puno at ang hiwaga nito. Umupo siya sa kahoy na malapit sa gilid ng daan. Nadaanan siya ni Ginang Kanding na nagbibisikleta. Marami siyang dalang prutas at gulay na kaniyang ihahatid sa mga mamimili. “Kaibigan, parang ngayon lamang kita nakita sa gawing ito ng gubat,” pamilyar na bati ng tinderang kambing. Nabuhayan ng loob ang asong si Tabugon. Naisip niyang marahil ay matutulungan siya ni Ginang Kanding, naglalako ito at marami nang narating na iba’t ibang lugar. “Naligaw ako, Kaibigan. Nalaglag ako sa bangin at hindi ko matunton ang daan palabas sa gubat. Maaari mo ba akong tulungan?” nagsusumamong wika ng aso.
“Naku! Bukal sa loob na nais kitang tulungan subalit ang aking mga paninda ay sariling tanim. Hindi ako umaangkat kaya’t kahit kailan ay hindi pa ako nakalalabas ng gubat na ito,” sagot ng tinderang kambing. “Kung hindi mo man mahanap ang daan palabas, maaari kang manatili sa lugar na ito. Isang paalala lamang, Kaibigan. Huwag kang lalapit sa malaking punong iyon, lalo na kung gabi,” paalala ng tindera habang palayo lulan ng kaniyang bisikleta.
Lalong nanlaki ang mga mata ng asong si Tabugon, hindi sa pagkamangha, ngunit sa sobrang takot. Lalo siyang nagkaroon ng interes na malaman kung ano ang mayroon sa tinutukoy na nakakikilabot na puno. Hindi na siya nakatiis at hinabol niya si Ginang Kanding upang tanungin. “Kaibigan, maaari ko bang malaman kung ano ang mayroon sa malaking puno? Bakit hindi ako dapat lumapit doon?” “Mahiwaga ang punong iyon. Tahimik iyon sa umaga, ngunit maliwanag sa gabi. Iba’t ibang ingay rin ang maririnig doon. Walang sinoman ang naglalakas-loob na lumapit sa punong iyon,” may pananakot ang tinig ng ginang habang nagpapaliwanag.
Likas kay Tabugon ang pagiging mausisa. Kahit nangangamba, nais niyang alamin ang katotohanan. Balak niyang manmanan ang paligid ng puno. Sa kabila ng paalala ng mga bagong nakilala, pumunta siya sa kuweba malapit sa puno. Madilim na ang paligid nang magsimulang maglabasan ang nagniningas na mga alitaptap. Maririnig din ang mga huni ng iba’t ibang hayop sa gubat. Kahit nanginginig sa takot ay sumilip si Tabugon sa durungawan ng kuweba. Dito niya nakumpirma ang babala ng mga kaibigan. Nagulat siya sa iba’t ibang kulay ng liwanag na lumabas sa maliit na butas sa gitna ng malaking puno. Nais niyang makita ng malapitan ang mga mahiwagang liwanag. Bahagya siyang lumapit nang biglang iba’t ibang tunog ang kaniyang narinig. May mga himig ng awitan, may umiiyak, minsang sumisigaw o di kaya nama’y tumatawa. Hindi niya maipaliwanag ang mga tunog na nanggagaling dito.
Kinabukasan, inabangan niya kung lalabas ang mahiwagang nilalang na nakatira sa puno. Iniisip niya kung ano ang itsura nito. “Mayroon kaya itong malalaking tainga, sungay sa noo o mahabang buntot? Marami kaya ang kaniyang mga mata? Naku! Baka nakatatakot ang kaniyang anyo,” bulong niya sa sarili.
Inabot na siya ng mataas na sikat ng araw at lubos nang nangangalay sa kaniyang paghihintay nang biglang may lumabas sa butas ng punongkahoy. Lumaki ang kaniyang mga mata sa pagkamangha. Ang inaasahan niyang malaki at nakapaninindig-balahibong nilalang ay isa palang maliit at kulay-kayumangging ibon na may puting tainga! Mukhang mahina ang katawan nito at namumula ang mga mata.
Lumipad ang ibon papalayo. May dala itong maliit na supot. Maaaninag dito ang kuwaderno at lapis. Nahulaan agad ni Tabugon kung saan ang tungo ng marikit na ibon. Sinundan niya ito nang palihim. Nakarating siya sa animo’y paaralan sa gitna ng gubat. May mga upuan at lamesang kahoy, mga palamuti, at malaking pisara na nakasabit sa puno ng mangga. Iba’t ibang hayop ang kaniyang nakita. May mga mag-aaral na gansa, labuyo, ahas, baboy, at pagong. Maya-maya pa’y dumating ang isang baka na may dalang mga aklat. Marahil ay ito ang kanilang guro.
Bagamat nasa likod ng mga halaman at manhid na ang mga binti sa pagsilip sa maliit na puwang, nalibang si Tabugon sa pakikinig sa klase. Nagulat siya nang makitang inaantok ang mahiwagang ibon hanggang tuluyan na nga itong nakatulog. Sa lakas ng hilik at hagok nito ay napansin ng guro ang nakayukong ibon. Nilapitan niya ito. “Alimukon! Mabuti pang umuwi ka na at doon ka matulog. Nakakaistorbo sa klase ang paghilik mo!” Naiinis na sabi ni Gurong Baka. Yumuko lamang ang ibon na hindi mawari kung nahihiya ba siya sa ginawa o wala siyang lakas para sagutin ang kaniyang guro.
Nais sanang kausapin ni Tabugon ang ibon nang makauwi galing sa paaralan. Pumunta siya sa harap ng puno at tumawag subalit hindi siya nito narinig. Sinubukan niyang umakyat subalit hindi sapat ang kaniyang lakas upang marating ang ukâ ng puno. Matagal na siyang naghihintay ngunit tahimik pa rin sa paligid ng puno. Naisip ng aso na marahil ay may sakit ang ibon at nagpapahinga. Inantay sana niyang lumabas na muli ang ibon, subalit nakatulog na siya sa paghihintay.
Nagising siya ng biglang may bumagsak sa kaniyang ulunan. “Aray!” sigaw ng aso. Nang habulin niya ng tingin ang bagay na bumagsak, nakita niya na ito ay isang maliit at pulang selpon. Halos kasabay ng pangyayari’y dumating naman ang ibon.
“Naku! Pasensiya na, Kaibigan. Nakatulog pala ako habang ginagamit ito,” pagtukoy niya sa nalaglag na bagay. Biglang lumaki ang mga mata ni Tabugon. Namangha siya. Dito pala nanggagaling ang hiwaga. “Alam mo ba na natatakot ang mga hayop na nakatira sa gubat na ito dahil sa mga kakaibang liwanag at mga tunog na mula sa selpon mo?”
Nagkatinginan at nagkatawanan ang dalawa. Halos hindi makahinga ang dalawa sa hindi mapigilang pagtawa. Dumapo ang ibon sa ugat sa tabi ng aso. Tila ba matagal na silang magkakilala sa sarap ng kanilang kuwentuhan. “Maaga ka pa bukas, Alimukon. May klase ka at kailangan mo nang magpahinga,” wika ni Tabugon.
“Kaibigang Tabugon, hindi ko na nais pang magpatuloy sa aking pag-aaral. Madalas akong tuksuhin ng aking mga kaklase, palibhasa ay madalas na wala akong maisagot sa mga pagsusulit,” biglang nabakas ang lungkot sa mukha ng ibon. “Madalas nila akong tawaging antuking ibon at tuksuin na palagi rin daw akong nangingitlog tuwing may pagsusulit. Bukod pa rito, palagi akong napagsasabihan ng aking guro.”
“Ang tunay na kaibigan ay nagsasabi nang tapat. Nais kong magpayo sa iyo bilang kaibigan. Hindi kaya lubos kang nahuhumaling sa paggamit ng selpon? Gabing-gabi na kung ikaw ay matulog. Kaya namumula ang iyong mga mata, inaantok, at hindi ka nakapag-aaral ng mga aralin. Marahil ay dapat limitahan mo ang iyong sarili. Mainam din na may makausap kang kaibigan upang malibang,” mahabang paliwanag ng aso. Napaisip ang ibon sa sinabi ng tapat na kabigan. Ngumiti ito at nagpasalamat, pagkatapos ay nagpaalam na upang magpahinga. Itinabi niya sa ilalim ng pugad ang selpon at natulog nang mahimbing.
Kinabukasan, nagising si Tabugon sa maagang paghuni ni Alimukon. Masigla ito at halatang masaya. “Magandang umaga, Kaibigan! Maaga akong nagising. Sa katunayan ay nakapag-aral pa ako ng aralin kanina. Halika, kumain tayo pagkatapos ay pupunta tayo sa paaralan. Tiyak na magugustuhan ni Gurong Baka kung ikaw ay magpapalista bilang mag-aaral,” paghihimok ng ibon. “Nais ko man ang iyong suhestiyon. Kailangan ko nang magpatuloy sa paghahanap ng daan palabas sa gubat. Naligaw lamang ako sa lugar na ito at nais ko nang umuwi sa aking tahanan. Marami na ang aking napagtanungan subalit walang nakaaalam ng daan palabas,” nakayukong wika ng aso. “Maaari ko sanang gamitin ang aking selpon sa pagtukoy ng daan. Mayroong aplikasyon na nagpapakita ng mga mapa. Subalit, nangako ako sa aking sarili na kailanman ay hindi ko na gagamitin ang gadyet na iyon,” paliwanag ni Alimukon.
“Kaibigan, kagabi ay pinayuhan kitang limitahan ang paggamit nito, subalit hindi ko sinabi na kailangan mong itigil. Ang selpon ay gadyet na mahalaga. Kung mayroong hindi magagandang dulot sa paggamit nito, ay napakarami rin namang kapakinabangan. Ang dapat mong gawin ay disiplinahin ang iyong sarili. May oras ng paggamit ng gadyet, may oras ng pag-aaral, at oras ng pagtulog,” sagot ng aso.
“Tama ka Tabugon, kung gayon pala ay ano pa ang hinihintay natin? Halika na at hanapin na natin ang daan mo pauwi,” nakangiting sabi ng ibon.
Naghiwalay ang dalawa nang marating ang gilid ng burol. Nangako silang hindi kalilimutan ang isa’t isa, lalo’t higit ang mga aral na kanilang natutuhan. Sabik na naglakad pauwi si Tabugon. Ang tanging nasa isip niya ay kung paano ipaliliwanag sa amo na kailanman ay hindi siya matututo sa pangangaso.
Naliligaw si Tabugon sa Bundok Calatong. Sa paghahanap niya ng daan ay hindi siya makapaniwala na wala ni isa sa kaniyang mga nasasalubong ang makapagturo ng daang palabas sa gubat. Makakabalik pa kaya siya sa kanyang tahanan sa Tribu Onhan? Matuklasan din kaya niya ang hiwagang mayroon ang isang malaking punongkahoy sa gitna ng gubat? Halika at samahan natin si Tabugon sa kanyang paglalakbay habang binubuo ang pagkakaibigan at bagong karunungan sa isang pambihirang karanasan.
Search
Read the Text Version
- 1 - 44
Pages: