Bababa na po ba ang mga Tala? Most Essential Learning Competencies: Nakapagpapakita ng tapat na pagsunod sa mga batas pambansa at pandaigdigan tungkol sa pangangalaga sa kapaligiran.- EsP6PPP- IIIf–37 Nasasagot ang mga tanong tungkol sa napakinggang/nabasang pabula, kuwento, tekstong pang-impormasyon at usapan. - F6PN-Ia-g-3.1 Nakapagbibigay ng hinuha sa kalalabasan ng mga pangyayari bago, habang at matapos ang pagbasa. - F6PN-Id-e-12 Discusses ways to keep water and air clean and safe. - H6EH-IIIc-3
Treasury of Storybooks This storybook is a product of the National Competition on Storybook Writing 2022 of the Department of Education. Pursuant to the Intellectual Property Code of the Philippines, no copyright shall subsist in this work of Government of the Philippines. However, prior approval of the Department of Education shall be necessary for exploitation of such work for profit. DepEd may, among other things, impose as a condition the payment of royalties. No prior approval or conditions shall be required for the use for any purpose of statues, rules and regulations, and speeches, lectures, sermons, addresses, and dissertations, pronounced, read or rendered in courts of justice, before administrative agencies, in deliberative assemblies and in meetings of public character. This storybook is a product of the National Competition on Storybook Writing 2022 of the Department of Education. Bababa na po ba ang mga Tala? DepEd-BLR, 2022.
Ano ang wish mo sa tuwing bertdey mo? Naniniwala ka ba na matutupad ang hiling mo? Sa kuwentong ito, alamin natin kung matutupad ang hiling ni Art. Bababa nga kaya ang mga tala?
“Ano pong wish ninyo?” tanong ko kay Papa habang inaayos niya ang lupa sa paligid ng bagong tanim niyang puno ng mangga. “Sana mabilis na lumaki ang mga tanim ko para bumaba na ang mga tala at makita mo na,” sagot niya sa akin. Humagalpak ako. Ganiyan ang isinasagot niya pagkatapos magtanim ng puno tuwing bertdey niya. Ayon sa kanya, bumababa raw ang mga tala kapag marami ang puno at halamang tanim sa paligid. Hindi ako naniniwala pero nagtatanim na rin ako tuwing bertdey ko. Kapag tinatanong ako ng mga kaibigan ko kung anong wish ko, kagaya rin ni Papa ang sagot ko. At kagaya ko, tumatawa rin sila sa hiling ko.
“Hindi bababa ang mga tala, Papa. Sabi ng guro ko, masusunog tayo kapag lumapit tayo sa mga tala. Ang araw nga po, malayo na sa atin ay mainit na, paano pa po kaya kung napakalapit na?” paliwanag ko kay Papa. “Sabi niya rin, ibaiba ang hugis ng mga tala; may malaki, maliit at katamtaman. Ngunit, may mga tala na mas malaki pa ang hugis kaysa sa mundo. Sigurado po, hindi ‘yon kasya sa bakuran natin,” dagdag ko pa. Ngumiti lamang si Papa sa sinabi ko. Ilang puno na rin ang nakatanim sa bakuran namin. Kung totoo man na bababa ang mga tala, baka hindi rin sa amin pumunta. Matataas na gusali kasi at kalsadang puno ng sasakyan ang maaabutan nila.
“Tawagin mo na ang Mama mo at aalis na tayo,” sabi ni Papa. Kinuha ko ang gamit ko at sabay kaming sumakay sa kotse. Nagsimula na ang biyahe namin patungong probinsya. Bibisitahin namin si Lola. Ilang taon na rin nang huli kaming nakabisita. Sanggol pa raw ako kaya hindi ko na maalala. Pitong oras pa at makikita ko na si Lola.
“Art, gising na. Malapit na tayo,” gising ni Mama sa akin. Nakatulog pala ako. Bumungad sa akin ang malawak na palayan, nagtataasang mga puno, huni ng mga ibon, lagaslas ng tubig sa batis at sariwang hangin. Namangha ako. Bigla akong natuwa. Maraming puno… “Bababa na po ba ang mga tala?” bulalas ko. Nagtawanan sina Mama at Papa.
Nakangiting nag-aabang si Lola Talya sa labas. Sinalubong niya ako ng yakap at nagmano naman sina Mama at Papa. “Kumusta, Art? Napakalaki na ng apo ko. Dati ay dinuduyan pa kita sa ilalim ng mga punong tanim ng Lolo mo,” kuwento ni Lola. Naroon pa rin ang mga puno ng mangga. Marami. Malalaki. Malawak din ang bakuran nila. “Lola, magkakasya kaya rito ang mga tala kung bababa sila?” tanong ko kaya tumawa silang tatlo.
Nagyaya na si Lola para sa hapunan. Habang kumakain ay mga tala pa rin ang iniisip ko. “Lola, nakita mo na bang bumaba ang mga tala?” Nakangiti si Lola at tiningnan si Papa. “Oo naman, Apo. Pero mahirap bago mo sila makita. Dapat ay magtanim ka muna ng napakaraming puno,” paliwanag niya.
“Tuwing bertdey ko po ay nagtatanim ako. Pitong puno na po ang naitanim ko,” nagmamalaking sagot ko kay Lola. “Talaga?” natutuwang sagot ni Lola. “Dapat mas marami pa. Hayaan mo. Bukas ay tulungan mo kaming magtanim ng Papa mo. Baka sa susunod na gabi ay bumaba na nga ang mga tala,” dagdag pa niya.
Pagkatapos kumain ay nagkuwentuhan muna sila. Umakyat ako sa kuwarto at inayos ko ang aking mga gamit. Natanaw ko ang mga tala. Nasa langit pa rin sila. Maliwanag. Kumikislap. “Kailan kaya sila bababa?” tanong ko sa sarili ko.
Matutulog na ako nang pumasok si Lola sa kuwarto ko. “Lola, bababa na po ba ang mga tala?” tanong ko muli. “Para bumaba ang mga tala, dapat ay walang sindi ang mga ilaw,” sagot niya sa akin. “Hindi po ako sanay, Lola. Pero, sige po, hipan na ninyo ang ilaw,” sagot ko.
Kinabukasan, maaga akong nagising. Nakahanda na sina Lola at Papa. Pupunta kami sa bukid para magtanim ng mga puno ng mangga. “Lola, dapat marami akong maitanim para mamayang gabi ay bumaba na ang mga tala,” wika ko. Natuwa si Lola sa sinabi ko. Nagsimula na kaming maglakad patungo sa bukid.
Tanaw pa rin ang malawak na palayan at nagtataasang puno. Dinig pa rin ang lagaslas ng tubig sa batis at ang huni ng mga ibon. Masarap pa rin langhapin ang sariwang hangin. Kung nakita nga ni Lola at Papa ang mga tala rito, sigurado akong ganito ang lugar na gustong puntahan ng mga tala. Sabi ng guro namin, magiging marami ang ibon kung marami rin ang kanilang tirahan. Magiging malinis ang tubig at sariwa ang hangin kung maraming puno sa kapaligiran.
Bukod sa pagbaba ng mga tala, hihilingin ko na rin na sana maging ganito ang kapaligiran sa bakuran namin. Ikukuwento ko ito sa mga kaibigan ko para magtanim na rin sila ng mga puno at halaman sa bakuran nila. “Art, ano? Sasama ka pa ba sa pagtatanim ng pu no,” tawag ni Papa sa akin. Hindi ko namalayan na nakalayo na pala sila dahil sa kaiisip ko. Dali-dali akong naglakad para makahabol sa kanila.
Marami kaming naitanim. Sabi ni Lola, baka raw bumaba na ang mga tala dahil nakita nila ang paghihirap ko. Pag-uwi namin, naghanda ng champorado si Mama. Mainit. Matamis. Masarap. Naglinis ako ng katawan at nagpahinga. Handa na akong makita ang pagbaba ng mga tala.
“Arttttt!” malakas na tawag ni Papa. Nakatulog na naman ako. Madilim na ang paligid. Gabi na pala. Bumaba ako. Wala sila sa kusina pati na rin sa sala.
Pumunta ako sa labas. Walang ilaw. Nakatayo sila at nakatingala sa langit. Tumingala rin ako. Nakita ko ang maliwanag na buwan at ang mga talang kumikinang. Naroon pa rin ang mga tala. Nalungkot ako. Hindi yata bababa ang mga tala.
Nagulat ako nang lagyan ni Papa ng piring ang mga mata ko. “Ngayon, tingnan mo ang mga puno ng mangga,” bulong ni Papa sa akin. Pagbukas ng mga mata ko ay nanlaki ang mga ito. Maliwanag. Kumikislap. Kagaya ng nakikita ko sa langit. Kinusot ko ang mga mata ko. Maliwanag nga at kumikislap. “Mga tala!” sigaw ko sa tuwa. .
Tumakbo ako papunta sa puno. Nagtawanan sina Lola, Mama at Papa. Sinubukan kong hulihin ang isa. “Bakit hindi malaki? Bakit hindi nakapapaso?” sambit ko. Tumawa ulit sina Mama at Papa.
“Hindi ‘yan tala, Apo,” paliwanag ni Lola. “Mga alitaptap iyan. Sila ang mga tala rito sa lupa. Marahil ngayon mo lang iyan nakita dahil malala na ang polusyon sa inyong lugar. Dito ay sariwa pa ang hangin at marami pa silang matitirahang puno,” dagdag pa niya.
“Sasabihan ko po ang mga kaibigan ko na totoong bumaba ang mga tala, Lola. Sasabihin kong mas marami pang puno ang dapat itanim namin para bumaba ang mga tala,” sagot ko. “Puwede ko po bang dalhin ito sa bahay namin, Lola,” pahabol ko pa. “Kawawa naman, Apo. Baka mamatay lang sila. Mababawasan ang tala rito sa lupa,” nag-aalalang sagot niya.
“Hindi bale na po. Bababa rin ang tala sa bahay namin,” siguradong sagot ko. Nagtawanan muli sila. Hindi man bumababa ang mga tala, may mga alitaptap naman sa lupa. Dapat ay dumami pa sila. Maraming puno ang dapat itanim pa.
Search
Read the Text Version
- 1 - 28
Pages: