Important Announcement
PubHTML5 Scheduled Server Maintenance on (GMT) Sunday, June 26th, 2:00 am - 8:00 am.
PubHTML5 site will be inoperative during the times indicated!

Home Explore Anino sa Dilim

Anino sa Dilim

Published by Ulap Luna Mallari, 2023-02-07 10:24:42

Description: Anino sa Dilim

Search

Read the Text Version

Learning Competencies EsP4PKP- Ih-i - 26 Nakapagsasagawa nang may mapanuring pag-iisip ng tamang pamamaraan/ pamantayan sa pagtuklas ng katotohanan EsP4PPP- IIIa-b–19 Nakapagpapakita ng kawilihan sa pakikinig o pagbabasa ng mga pamanang kulturang materyal (hal. kuwentong bayan, alamat, mga epiko) at di-materyal (hal. mga magagandang kaugalian, pagpapahalaga sa nakatatanda at iba pa) EsP4PPP- IIIc-d–20 Naipagmamalaki/napahahalagahan ang nasuring kultura ng iba’t ibang pangkat etniko tulad ng kuwentong bayan, katutubong sayaw, awit, laro at iba

TREASURY OF STORYBOOKS This storybook is a product of the National Competition on Storybook Writing 2022 of the Department of Education. Pursuant to the Intellectual Property Code of the Philippines, no copyright shall subsist in this work of Government of the Philippines. However, prior approval of the Department of Education shall be necessary for exploitation of such work for profit. DepEd may, among other things, impose as a condition the payment of royalties. No prior approval or conditions shall be required for the use for any purpose of statues, rules and regulations, and speeches, lectures, sermons, addresses, and dissertations, pronounced, read or rendered in courts of justice, before administrative agencies, in deliberative assemblies and in meetings of public character. Anino sa Dilim. DepEd-BLR, 2022. DEVELOPMENT TEAM Writer: Illustrator: Editor (if applicable): Layout Artist: Book Designer (if applicable): Learning Resource Manager: LRMS l DIVISION REGION



B“ um-bum-bum! Eng-eng-eng! Pot-pot-pot!” Tunog ng iba’t ibang mga instrumento ng banda ng musiko na inaabangan ng lahat sa tuwing panahon ng kapistahan sa aming baryo. Dali-dali akong sumakay sa aking bisikleta upang salubungin ang malalakas na tunog na aming naririnig.

Maraming tao rin ang naghihintay sa daanan upang matunghayan ang mga instrumento na lumilikha ng mga kamangha-manghang tunog. Ang banda ay umiikot sa buong baryo upang maghatid ng mga kaiga-igaya’t magandang tunog, indak at saya para sa lahat.

Naglibot muna kami sa baryo kasama ang aking mga kaibigan gamit ang aming mga bisikleta. Kitang-kita namin ang kasiglahan ng bawat tao dahil bisperas na ng pista sa amin.

Ang mga kalalakihan ay abalang-abala sa paghahanda ng gagamiting panluto sa kapistahan tulad ng panggatong, tubig, at lutuan. Tulong-tulong naman ang kababaihan sa paghihiwa ng mga sangkap na lulutuin habang masayang nagkukuwentuhan.

Iba’t ibang matatamis na kakanin naman ang nakita naming nakahain sa bahay ni Tiya Inas, ang kasunod na bahay na aming natapatan. “Dante, halika! Tikman mo ang gawa kong sumang munggo na alam kong paborito mo,” wika ni Tiya Inas. Mahusay ang aking tiyahin sa paggawa ng mga kakanin. Ito na rin ang kanilang hanapbuhay. Ipinagmamalaki ng aming baryo ang iba’t ibang klase ng suman.

Isa na rito ang sikat na sumang munggo. Gawa ito sa malagkit at munggo na sinamahan ng asukal at latik. Ito ang paborito ko sa lahat ng suman. Mayroon din suman na gawa sa kamote na maaaring lagyan ng latik upang lalong sumarap. Sumang inangit na gawa sa kaning malagkit ang paborito nina nanay at tatay, sinasamahan pa nila ng mangga habang kinakain nila ito. “Marami pong salamat sa sumang munggo, Tiya. Alam na alam nyo po ang aking paborito,” sabi ni Dante sa kanyang tiyahin.

Makikita rin sa daan ang mga nakasabit na banderitas. Pula, dilaw, asul at iba pang mga kulay. Isang mahabang tali na tila walang katapusan ang makikitang palamuti sa buong baryo.

Kaniya kanyang linis ng mga bakuran. Halos lahat ay nagpapalit ng mga bagong laba at makukulay na kurtina sa loob ng mga bahay.

Nadaanan din namin si Mang Kanor na inaani ang kanyang mga pananim na gulay. Sariwang-sariwa ang mga bunga ng kanyang mga tamin na kamatis, samantalang berdeng berde naman ng mga dahon ng petsay. Makikita rin ang iba pang gulay tulad ng okra, sitaw, at upo sa kanyang taniman na hitik sa bunga. “Mang Kanor , madami na naman po kayong ani sa inyo gulayan. Sariwang -sariwa po ang mga gulay,” sambit ko kay Mang Kanor.

“Panghanda ang iba, Dante. Marami ang aming inani kaya ipagbibili rin namin ang iba. Lumapit kayo at mag-uwi kayo ng gulay!”Sigaw sa akin ni Mang Kanor. Labis kaming nagpasalamat sa aming mga gulay na natanggap.

Kinagabihan sa peryahan naman kami pumunta. Marami at iba’t iba ang mga paninda. Mga kagamitan at damit gayundin ang mga pagkain na talagang matatakam ka. Kapag ganitong okasyon, talaga namang hindi mawawala ang mga palaro.

“Tsubibo, sakay po tayo,” sambit ko nang makita ang isang malaking hugis bilog na umiikot habang nagsisigawan ang mga nakasakay rito. Nakakakaba man at nakakahilo, hindi namin pinapalampas ang pagkakataon na makasakay kaming magkakasama.

Bago maghating gabi kami ay umuwi sa kani-kaniyang tahanan. Kahit minsan lamang sa isang taon ay sinusulit namin ang kapistahan sa aming baryo. Bahagi na ito ng kultura dito sa amin. Habang nagpapahinga at nagpapaantok, bigla kong naalala na tuwing kapistahan din ay taon-taon kong nakikita ang aking kinakatakutan.

Hindi ko pa rin maunawaan na sa kabila na ang lahat ay nagsasaya hindi nawawala ang mga anino sa dilim na may nanlilisik na mata. Mula sa dilim ay naglalakad sila na sa iisang direksyon ang punta. Minsan naman sa mga pinto ay kumakatok pa. Takot man ay agad rin akong nakatulog dahil na sa pagod.

Maaga kaming gumising para magsimba. Kasama sina Nanay at Tatay, madilim pa ay tutungo na kami sa simbahan. Habang nasa daan, may mga anino na naman sa dilim akong nakikita. Nakikita kong naglalakad sa gilid ng kalsada, isang direksyon lang din ang tungo nila.

Madilim dahil maaga pa, ipinipikit ko na lamang ang aking mga mata upang hindi ko na sila matanaw. “Nanay, Tatay, may mga anino po, tara na!” Takot na takot kong sambit dahil unti-un- ti kong nakikita na sama-sama ang kinakatakutan kong mga anino noon pa. Nanginginig at halos maiyak ako sa takot ng mga sandaling iyon.

Unti-unti nang lumiliwanag at akin na silang malinaw na nakikita. Ang aking mga kinatatakutan, ang mga aninong aking iniiwasan nagtutungo rin pala lahat sa simbahan.

May mga hawak na kandila, ang kanilang katawan ay balot ng tuyong dahon at putik. Ang akala kong mga matang nanlilisik ay namasdan kong pumipikit at nanalangin ng pagpa- pala mula sa langit. Niyakap ako ni Nanay at sinabi sa akin, “Hindi sila mga anino anak, mga namamanata sila tuwing kapistahan ng ating Patron na si San Juan Bautista. Ang tawag sa kanila ay mga taong putik at Pagsa-San Juan ang tawag sa kanilang panata.” Paliwanag ni Nanay.

“Sila ang mga nasa daan kanina. Mula sila sa iba’t ibang lugar. Mayroon silang kahilingan at ipinamamanata nila ito. Tuyong dahon at putik ang nasa katawan nila, kumakatok sa mga tahanan upang makahingi ng limos at kandila.” Pagpapatuloy naman ni Tatay.

Paliwanag pa ni Tatay na bahagi ito ng aming relihiyon , hindi lahat ay pagbubuksan sila ng pinto at bibigyan ng limos o kandila. Ngunit hindi ito dapat ikalungkot dahil ang mahalaga ay may respeto tayo sa iba’t ibang paniniwala at pananampalataya.

Nakita ko si Mang Kanor na nagbigay sa amin ng mga gulay, nakasuot din siya ng tuyong dahon. “Palagi n’yo po ba itong ginagawa?” Pabulong na tanong ko kay Mang Kanor. “ Taon-taon akong namamanata, nagtutungo ako sa bukid dala ang mga tuyong dahon ng saging upang aking maging damit at pinupuno ko ng putik ang aking katawan. Ginagawa ko ito upang hilingin na patuloy kami, ilayo sa sakit at magpasalamat na rin sa mga biyayang kaloob ng Diyos sa amin,” sagot niya sa akin.

Binigyan niya ako ng kandila at sabay-sabay kaming nagtulos at nakinig kami ng isang banal na misa.

Bago kami umuwi ay ipinakita sa akin ni Tatay ang mga nakaukit sa pader ng labas ng simbahan. “Nagsimula ang paniniwala tungkol sa Taong Putik noong pahanon ng pananakop ng mga Hapones.

Nagalit ang mga Hapones sa pagkasawi ng kanilang mga kasamahan dahil sa pakikipaglaban sa mga kababayan nating gerilya. Sa pagnanais ng mga Hapones na makaganti , tinipon nila ang lahat ng mga kalalakihan sa harap ng kapilya ng barangay upang parusahan. Haharap man sa tiyak na kapahamakan sila ay sama-samang nanalangin at nagsumamo sa Diyos, mataimtim na dumalangin sa kanilang patrong si San Juan Bautista upang makaligtas sa panganib.

Dinala sa plaza ang mga kalalakihan upang duon ay parusahan sa pamamagitan ng firing squad, katanghalian tapat noon at ito ay isasagawa sa harap ng mga kababaihan at mga bata.

Biglang bumuhos ang malakas na ulan at hindi naisagawa ang pagpaparusa. Paniniwala ng mga Hapones na sumasamba sa araw, isa itong senyales na hindi nila dapat ituloy ang kanilang gagawin at pinalaya na lamang nila ang mga kalalakihan.

Naniniwala ang mga taga-Bibiclat sa bayan ng Aliaga na ang ulan ay tubig ng kanilang patron na si Juan Bautista ang nagligtas sa kanila sa kapahamakan. Simula noon, taon taon nang ipinagdiriwang ang Taong Putik Festival tuwing ika-24 ng Hunyo. Tuwing magbubukang liwayway ang mga namamanata ay nagpapahid ng putik sa kanilang katawan kasabay ng pagsusuklob ng mga halamang baging o mga tuyong dahon ng saging.

Sinisimbolo ng putik ang payak na katayuan ng mga mamamayan na ang karaniwang ikinabubuhay ay pagsasaka. Tanda naman ng kaisahan at pagkakapantay-pantay ng mga deboto ang sinasagisag ng mga halamang baging at tuyong dahon ng saging. Nanglilimos sila habang binabaybay ang daan patungo sa simbahan upang magtulos ng kandila, magpsalamat, manalangin at ialay sa kanilang mahal na patron ang kanilang napaglimusan.” Kwento sa akin ni Tatay.

Labis akong namangha sa aking narinig. Mula sa ‘di kalayuan ay lumapit sa akin si Mang Kanor at isinuot sa akin ang mga dala nyang sobrang tuyong dahon ng saging.

“Nais mo bang subuking magsuot nito?” Tanong niya sa akin. Tumango naman ako bilang tanda ng aking pagsang-ayon. Nakaramdam ako ng kakaiba. Nalungkot sa aking inasal dahil natakot ako sa aking mga nakita. Ngunit naisip ko na taon-taon naman ang kapistahan kaya may pagkakataon pa.

Umuwi na kami sa aming tahanan at masayang ipinagdiwang ang kapistahan. Nagkikita-kita ang magkakapamilya , kumakain nang sama-sama. Mas naunawaan ko na ang tradisyon at pinaniniwalaan ng aming baryo. Ang mga anino sa dilim pala na aking kinatatakutan ay ang mga namamanata na matatag na pananampalayata na nagsisilbing liwanag at pag-asa.



SINOPSIS Halika sa aming baryo upang maranasan ninyo ang masayang pagdirawang ng aming kapistahan. Masasayang mamamayan, masasarap na pagkain at masaganang ani. Sa kabilang ng mga ito samahan ninyo rin akong tuklasin ang lihim na bumabalot sa aming lugar. Alamin natin ang sikreto ng mga anino sa dilim.


Like this book? You can publish your book online for free in a few minutes!
Create your own flipbook