Maikling Kuwento sa Filipino para sa Ikalimang Baitang. Mga Kasanayang Nakapaloob sa Kuwento: Nagagamit ang iba’t ibang uri ng panghalip sa usapan at paglalahad ng sariling karanasan. (F5WG-If-j-3) Naibabahagi ang isang pangyayaring nasaksihan o naobserbahan. (F5PS-Id-3.1) Nagagamit nang wasto ang mga pangngalan at panghalip sa pagtalakay tungkol sa sarili, sa mga tao, hayop, lugar, bagay at pangyayari sa paligid. (F5WG-Ia-e-2)
Mooo…mooo…mooo…Alas sais na ng umaga nang ako’y magising dahil sa lakas na tunog ni Ambaw. Agad akong bumangon at binuksan ang nakasiradong bintana sa aking harapan. Sa aking pagbubukas, aking nasilayan ang naghahamog na bulubundukin sa kalayuan, mga luntiang pananim sa aming paligid at mala-kristal na tubig na dumadaloy sa gilid ng aming munting tahanan. Sa ilalim ng puno, nakita ko rin si Ambaw na nakasubsob ang nguso sa nagluluntiang mga damo. “Kay ganda ng buhay sa bukid,” wika ko sa aking sarili habang inuunat ang aking mga maliliit na braso. Sabado na pala! araw ng pag-ani ng aming mga pananim sa bukid. “Eping! Eping! bumangon ka na at samahan mo ang iyong ama papunta sa bukid nang mabisita ninyo ang mga pananim doon” sabi ni inay. Hindi niya alam na kanina pa pala nakamulat ang aking mga mata at nagmuni muni sa paligid. “Opo! Inay” sagot ko kay inay. Sa oras na iyon ramdam ko na rin ang kumakalam kong tiyan dahil sa nakakalaway na amoy ng niluluto ni inay. Dali-daling akong bumaba sa aming kuwarto at pumunta sa lamesa na nakapuwesto sa gitna ng aming kusina. Nilasap ko ang masarap na almusal na inihanda ni inay. Habang ako’y kumakain, nakita ko si itay sa labas na inihanda ang aming balsahan at si Ambaw. Bigla akong napangiti sapagkat isa na namang magandang paglalakbay ang aking mararanasan sa araw na iyon.
Si Ambaw ang pinakapaborito ni itay sa lahat ng alaga naming hayop. Siya ay regalo ng isa sa kanilang mga ninong nang sila ni inay ay ikinasal. Sa tuwing pumupunta sa bukid si itay, si Ambaw ang lagi niyang kasama. Si Ambaw ang tanging katulong namin sa tuwing kami ay kumukuha ng panggatong, mga pananim sa bukid at mga mabibigat na sako ng prutas. Pagkatapos kong kumain ng almusal, lumabas ako at sinimulan namin ni itay ang paglalakbay sa makipot at maputik na daanan patungo sa aming bukid. Hawak na hawak ni itay ang tali ni Ambaw habang ako naman ay nakasakay sa likod ni Ambaw. Sa tuwing sumasakay ako kay Ambaw, ay para na rin akong nakasakay sa eroplano dahil tanaw na tanaw ko ang magagandang tanawin ng aming bukid, mga nakakwadradong palayan, mga nagsisitayugang mga puno at ang malinis na ilog na dumadaloy mula sa batis. “Kay ganda talagang mamuhay sa bukid,” wika ko sa aking sarili sabay langhap sa sariwa at malamig na simoy ng hangin na dumampi sa aking mukha.
Habang naglalakad kami ni itay, may nakita akong puno ng santol na may maraming hinog na bunga. Sa di kalayuan ay nandoon din si Mang Berto na siya ang may-ari ng puno. “Itay! Maraming hinog ang santol, baka puwede tayong makahingi kay Mang Berto” wika ko kay itay. “O sige ba, kausapin muna natin si Berto, wala naman sigurong kumukuha sa mga bunga na iyan,” sagot naman ni itay. “Pareng Berto, magandang umaga!,” sigaw ni itay. O, Pareng Ben, kumusta? ang aga niyo sa bukid,” wika ni Mang Berto “Oo nga! Mag-aani kami ng mga tanim namin doon,” sagot ni itay. “Puwede ba kaming makahingi ng santol?” dagdag ni itay. “Kumuha lang kayo diyan, nabubulok lang naman ang mga iyan at nasasayang,” sagot ni Mang Berto. Agad na kinuha ni itay ang sungkit na nakasandal sa puno ng niyog. Sinungkit niya ang mga hinog na bunga habang ako naman ang tagapulot sa mga nahuhulog. Nang mapuno ang plastik na aming sisidlan ay agad tumungo kami kay Mang Berto at nagpasalamat.
Nagpatuloy kami sa paglalakbay papunta sa bukid. Bitbit ni itay ang plastik na puno ng santol. Pagkalipas ng ilang oras na paglalakbay, sa wakas ay natanaw na rin namin ang aming munting payag. Nang dumating kami sa aming “payag” ay agad na itinali ni itay si Ambaw sa puno ng Narra. Sa paligid ng puno ay matatabang mga damo na mainam na pangkain ni Ambaw. “Kumain ka lang ng kumain Ambaw at magpakabusog ka!” wika ni itay sa alaga naming si Ambaw. Iniwanan ni itay si Ambaw sa damuhan at pinuntahan niya ako sa payag na panay kain ng santol. Binisita namin ang mga pananim sa bakuran. Agad na kumuha si itay ng tubig sa ilog at diniligan ang mga matatabang mga tanim. Tinulungan ko si itay sa pagdilig at paglagay ng abono sa mga pananim naming kamatis, karot, atsal, okra, kalabasa at sitaw. Pagkatapos paglagyan ng abono ang mga tanim na gulay, binungkal namin ang lupa para sa bago naming pagtataniman. Hawak na hawak ni itay ang pala habang sa akin naman ang bolo.
“Eping, tingnan mo ang mga tanim di kaba natutuwa sa malulusog nitong bunga?” pabirong tanong ni itay sa akin. Medyo mahal ngayon ang gulay sa palengke Eping kaya dapat lang tayo ay magtanim para hindi na tayo gagastos pambili ng gulay” pangaral ni itay sa akin. “Oo nga itay, sana rin marami pang bata na gaya ko na mahilig magtanim”, sagot ko kay itay. Ilang oras ang nakalipas, nakaramdam kami ng pagod dala na rin sa mainit na sikat ng araw. Kami ay naalinsingan dulot ng nag-aapoy na panahon. “Eping, pagkatapos mo diyan ay magpahinga ka na,” wika ni itay. “Opo itay,” sagot ko naman na halatang napagod sa aking ginagawa. Nang matapos kami, pumunta kami sa payag upang kumain at magpahinga. Kinuha ni itay ang pananghalian na nakalagay sa lumang bag. Pinagsaluhan namin ito at pagkatapos ay nagpahinga. Umupo si itay sa silya habang nakikinig sa tugtog ng lumang radyo. Ako naman ay natulog sa nakalatag na banig sa sahig. Pagod na pagod kami sa aming ginagawa sa umaga.
Maya-maya ay nakatulog din si itay. Naging mahimbing ang tulog namin dahil sa malamig na simoy ng hangin na dumampi sa aming mga katawan. Hindi namin napansin ang biglaang pagbabago ng panahon. Naging makulimlim ang paligid, at sa taas naman ay isang malawak at makapal na maitim na ulap. “Tug…tug…tug…” biglang kumulog. Nagising ako sa lakas ng kulog. Agad din bumangon si itay at tiningnan ang paligid. Pagkakita niya sa nagdilim na paligid ay nakaramdam siya ng pagkabahala. “Mooo…. mooo…. mooo…mooo!” tunog ni Ambaw na nakatali sa punong Narra. Si Ambaw ay tila nakaramdam ng takot dahilan sa biglaang pagkulimlim ng paligid. Dali daling kinuha ni itay si Ambaw at inilipat ito sa punong niyog na malapit sa aming “payag”.
“Pareng Ben! May paparating na bagyo! sigaw ni Mang Isko na napadaan lang habang naglakad papauwi. “Ganun ba! Sige anihin muna namin ang mga pananim at makauwi na rin pagkatapos,” wika ni itay kay Mang Isko. Agad na kumaripas akong namitas ng bunga ng pananim. Ganun din si itay. Bitbit ang sako ay inani ni itay ang muntikan ng mahinog na kalabasa at sitaw habang ako naman ay kinuha ang mga atsal, karot, kamatis at okra. Nang matapos kami sa pag-ani ng mga pananim, inihanda ni itay ang balsahan na siyang gagamitin bilang paglalagyan ng aming mga dala at ganun na rin si Ambaw na siyang magdadala ng balsa. Tug…tog…tog…. Isang malakas na kulog. Lalong nabahala si itay dahil baka maabutan kami ng malakas na ulan.
“Mooo…. mooo…mooo” maingay na tunog ni Ambaw na halatang kinakabahan dahilan sa maitim na kalangitan. Maya-maya, nagsimula ng kumidlat na sinabayan ng malakas na kulog. Lumakas ang ihip ng malamig na simoy na hangin at hindi nagtagal ay bumuhos ang napakalakas na ulan. Takot na takot ako habang nakasakay sa likod ni Ambaw. Ang sako na sinisidlan ng aming nakukuhang pananim ay nakatali sa balsahan na nakaguyod sa likod ni Ambaw. Si itay naman ang humawak ng pisi ni Ambaw. Nagsimula kaming maglakad pauwi sa aming bahay sa bayan. Madilim ang paligid, maputik ang daanan at malakas ang buhos ng ulan nang maglakbay kami ni itay at alaga naming si Ambaw. “Itay, tila malakas ang agos ng tubig ngayon sa ilog,” wika ko kay itay na halatang nababahala sa masamang panahon. “Oo nga anak, pero huwag kang matakot, andiyan naman si Ambaw,” wika ni itay.
Patuloy kaming naglakad sa maputik na daanan at sa ilalim na makulimlim na kalangitan. Nang madatnan namin ang ilog, tumambad sa amin ang umaapaw na rumaragasang tubig. Lampas balakang ang lalim nito. Umangal si Ambaw na tawirin ang ilog dahil sa lakas ng tubig na dumadaloy sa ilog. Hawak na hawak ni itay ang tali ni Ambaw habang ako naman ay mahigpit na nakahawak sa kahoy na nasa likod ni Ambaw na kadugtong na rin ng balsahan. “Higpitan mo lalo ang paghawak Eping para hindi ka mahulog sa ilog,” wika ni itay sa akin. “Opo Itay,” sagot ko naman kay Itay. Ambaw, huwag mo kaming ipahamak,” sambit ni itay kay Ambaw.
Matapang naming tinawid ang malakas na agos ng tubig sa ilog. Hindi namin inaalintana ang kaba at takot sa aming mga dibdib. Hinigpitan lalo ni itay ang paghawak sa pisi ni Ambaw. Ako naman ay tila nakadikit na sa likod ni Ambaw. Nang marating namin ang gitna ng ilog ay bigla kong naramdam ang pangangalay ng aking mga kamay. Niluwagan ko ang paghawak sa kahoy at ako’y nahulog bigla sa ilog. Takot na takot akong nakatampisaw sa malakas na daloy ng tubig. “Itay, tulong!” sigaw ko kay itay.
Paglingon ni itay sa akin ay lumingon din si Ambaw. Mabilis na pinuntahan ako ni Ambaw at pinigilan ang aking pagkalunod sa pamamagitan ng kaniyang nguso. Dali daling akong humawak sa balsa at umakyat sa likod ni Ambaw. Nagpatuloy si Ambaw sa pagtawid sa ilog habang ako ay mahigpit na nakayakap sa kaniyang likuran. “Salamat Ambaw! hindi mo talaga kami pinabayaan,” wika ni itay kay Ambaw. “Salamat din Ambaw! niligtas mo ako,” wika ko kay Ambaw.
Ligtas naming tinawid ang ilog at patuloy naming binaybay ang daanan pauwi. Basang-basa kami nang dumating sa bahay. Agad na isinilong ni itay si Ambaw sa kaniyang munting pasungan. “Salamat Ambaw! Maasahan ka talaga sa oras ng sakuna,” wika ni itay. Pagkatapos, agad na umakyat kami ni itay sa bahay. Naghanda si inay ng mainit na kape para kay itay at gatas naman sa akin bilang pangkalma sa masalimuot naming paglalakbay. Ininom namin ang hinandang inumin sa lamesa at ikinuwento ni itay ang buong pangyayari kay inay. Ipinagmalaki ni itay ang ipinamalas na katapangan ni Ambaw.
Tumagal halos buong gabi ang malakas na pagbuhos ng ulan. Marami ang binaha at marami rin ang nasirang pananim. Kinaumagahan, tumambad sa amin ang matinding pinsala ng malakas na ulan na humantong ng labing-apat na oras. Maraming mga puno ang natumba at mga pananim na nasira ng aming kapitbahay at sa karatig na mga baryo. “Naku, kawawa naman! Malaki pala pinsala ng bagyo Ben,” wika ni inay. “Balita ko may mga bahay na nasira at naanod ng baha,” sagot ni itay kay inay. Pinaandar ni itay ang lumang radyo at nakinig sa mga balita sa aming bayan. At sa kaniyang pakikinig ay kaniyang napagtanto na tumulong sapagkat kami ay biniyayaan ng mga pananim at kaligtasan sa bagyo. Lumabas kami sa bahay na bitbit ang sakong may laman na iba’t ibang uri ng gulay. Dahil medyo may karamihan ang aming naani, kami ay namigay sa kapitbahay na labis na naapektuhan ng bagyo. Namigay ako ng prutas na santol sa kabataan habang si inay at itay naman ay namigay ng gulay, kamote at gabi. Laking pasasalamat ng mga kapitbahay sa amin. Hindi nila inaasahan na may mga mabubuting loob na tumutulong sa kanila sa oras ng kagipitan. “Salamat Mang Ben at Aling Iseng,” wika ni Aling Mira na isa sa aming kapitbahay. “Sana ay biyayaan pa kayo ng Maykapal,” dagdag pa niya. Maraming kapitbahay ang natuwa at nagalak sa ginawa namin.
Pagkatapos ng pamimigay namin ng mga gulay, kamote, gabi at prutas na santol sa aming mga kapitbahay, agad na pinuntahan ni itay si Ambaw. Inilabas ni itay si Ambaw sa kaniyang pasungan. Niluwagan niya ang tali nito at dinala niya sa nagbeberdehang damuhan. Hinihimas-himas ni itay ang katawan ni Ambaw habang kumain ito sa kaniyang sabsaban. “Tunay kang bayani Ambaw, iniligtas mo ang aking kaisa-isang anak,” wika ni itay sa mahal naming alagang si Ambaw.
Search
Read the Text Version
- 1 - 34
Pages: