Important Announcement
PubHTML5 Scheduled Server Maintenance on (GMT) Sunday, June 26th, 2:00 am - 8:00 am.
PubHTML5 site will be inoperative during the times indicated!

Home Explore ANG HIWAGA NG PUNONG ACACIA 2

ANG HIWAGA NG PUNONG ACACIA 2

Published by joan.santos005, 2023-07-01 07:11:59

Description: ANG HIWAGA NG PUNONG ACACIA 2

Search

Read the Text Version

Ang Hiwaga Isinulat ni: Iginuhit ni: J



“Pepe! Pepe!, nariyan ka ba?” malakas na sigaw ni Marco sa kaniyang kaibigan. “May nakita akong mga nagtotroso at mukhang papunta sila sa gawing ito ng kagubatan,” nangangambang wika ni Marco. Nakatingala siya sa puno ng acacia na may hindi mabilang na malalaking ugat, ang mga sanga nito ay tila nakadipang nakaharap sa langit. Mayabong ang mga dahon nito na halos hindi pinapatuloy ang sikat ng araw sa kagubatan. Isang makapal na usok ang bumalot sa puno ng acacia, may kakaibang amoy na hindi maipaliwanag, at lumabas ang isang malaking tao na may hawak na tabako. Hithit dito, hithit doon. Buga rito, buga roon. Si Pepe ay aking kaibigan na kapre. Nakilala ko siya noong isang araw ay nawala ako sa kagubatan. Tandang-tanda ko pa kung paano niya ako tinulungang makabalik sa aming tahanan. Binigyan n‟ya ako ng mga alitaptap na aking susundan papauwi upang makalabas nang ligtas sa kagubatan. Mabuting kaibigan si Pepe at tunay na may malasakit sa kagubatan na kaniyang tirahan.

“Talagang inuubos nila ang mga kahoy sa kagubatang ito! Mga mapang-abuso at walang malasakit sa kalikasan,” galit na wika ni Pepe. Pinayuhan siya ni Marco na lisanin na ang punong acacia na kaniyang tinitirahan at humanap na lamang ng ibang puno kung saan ito magiging ligtas sa mga nagtotroso. Ngunit tumanggi si Pepe at nagbigay lamang ng babala hinggil sa magiging epekto ng maling gawaing ito ng mga tao. “Alam mo ba Marco na sa bandang huli, ang mga tao na umaabuso sa kalikasan at ang walang tigil na pagputol ng mga puno ay maaaring magdulot ng panganib sa inyo?” babala ni Pepe sa bata. “Paano po? „Di ba‟t ginagawa lamang nila ito upang kumita ng pera at mabuhay ang kanilang pamilya?” nagtatakang tanong ng bata. Napakamot ito ng ulo at ibinaling ang tingin sa mga punongkahoy na naroon.

“Oo, Marco! Ang pagputol ng puno ang kanilang nagiging hanapbuhay ngunit may tamang panahon at pamamaraan sa pagputol nito at pagpapalit sa kagubatan. Ang puno na aking tirahan ay ginagawa n‟yong bahay. Kailangan ng tao ang mga troso at kahoy na nakukuha lamang sa bundok upang mabuhay. Ginagamit ang mga kahoy sa paggawa ng mga kagamitan sa loob ng tahanan. Aparador, upuan, mesa, pinto at marami pang iba.” Naalala ni Marco ang kanilang mga kasangkapan sa bahay. “Sa kahoy rin nanggagaling ang papel na iyong ginagamit sa pagsulat at pagguhit,” pagpapaliwanag ni Pepe. Hindi na mabilang ni Marco ang bilang ng papel na kaniyang inubos at sinayang sa iba‟t ibang pagkakataon. “Ah, marami palang nagagawa sa kahoy kaya nila ito pinuputol,” wika ni Marco. Manghang-mangha siya sa sinasabi ng higanteng kaibigan. “Naku! Nag-aalala ako sa iyo aking kaibigan. Nawa ay hindi magambala ang iyong tirahan,” nangangambang tinig ni Marco. “Huwag kang mag-alala aking kaibigan, alang mangyayaring masama sa akin. Maraming salamat sa iyong babala at mag-ingat ka pag-uwi,” tugon ng kapre at isang mahiwagang ngiti ang iniwan niya kay Marco.

Pinagmasdan muna ng bata ang nagliliwanag na puno ng acacia bago ito tuluyang naglakad pauwi. Habang naglalakad si Marco ay kasabay niya ang maliliwanag na alitaptap na tila ba bituin sa kalangitan. Ito ang lagi niyang nagiging gabay pauwi nang ligtas sa kanilang tahanan. Sa kaniyang paglalakad ay nakita niya ang bakas ng maling gawain ng mga tao sa kalikasan. Nakita niya ang kalbong kagubatan. Nakita rin niya ang mga hayop na nawalan ng tirahan. At nakita niya ang mga putol na kahoy na nakakalat sa daan. “Walang itinira ang mga nagtotroso kahit ang mga malilit pa na puno ay hindi rin nakaligtas sa kanilang mga kamay.” Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Marco at patuloy na naglakad papauwi sa kanilang bahay kasabay ang maliliwanag na alitaptap.

“Marco! Saan ka ba nanggaling?” nag-aalalang tanong ng kaniyang nanay. “Ah-eh namasyal lamang po ako sa kagubatan,” tugon ng bata. “Halika na! Maghugas ka na ng iyong kamay at nakahain na sa lamesa. Kumain na tayo at nariyan na rin ang iyong tatay na galing sa bundok.” Nagmamadaling naghugas si Marco ng kamay at patakbong nagtungo sa mesa. “Bakit po ginabi na rin si Tatay?” tanong ni Marco. “Aba, Marami-rami ang nakuhang troso ng iyong Tatay. Maganda raw ang nakita nilang pwesto sa bundok,” pagmamalaking sinabi ng kaniyang nanay. “Maraming magagandang uri ng puno gaya ng Molave, Narra, Kamagong, Tanguile, Mahogany at iba pa. Kaya naman, sinamantala na nila ang pagkuha,” sagot ng kaniyang Nanay. Naisip ng bata ang kanilang usapan ng kaniyang kaibigang kapre. Naalala niya ang mga sinabi nito tungkol sa mga taong umaabuso sa kalikasan. “Ganoon din kaya ang aking ama? Pinuputol din kaya niya ang lahat ng puno sa kabundukan kahit na ang mga maliliit pa?” tanong ni Marco sa kaniyang sarili habang nakatitig sa pagkaing nasa kaniyang harapan.

Napansin ni Marco na maraming masasarap na pagkain ang nakahain sa kaniya. May fried chicken, pansit, sabaw ng sinigang at may iba‟t ibang prutas pa. “Mukhang marami ang naibentang troso ni Tatay kaya nakabili at nakapaghanda si Nanay ng masarap na hapunan,” nasaisip ni Marco habang sinasalinan ng tubig ang kaniyang baso. Maya-maya, dumating ang kaniyang tatay at naupo sa tabi ni Marco. “Tay, hindi po ba masama ang pagputol puno?” tanong ni Marco. “Anak, kailangan natin ang mga puno at kahoy upang mabuhay. Doon tayo kumukuha ng ating mga pangangailangan.” Sinandukan niya ng kanin ang anak. “Pero Tay, hindi ba at masama ang sobrang pagpuputol ng puno sa kabundukan? Baka po may magalit sa‟tin,” sabay tingin ni Marco sa mata ng kaniyang ama. Hindi na niya napansin ang mga pagkain sa hapag na unti-unting lumalamig. Tumango lamang ang kaniyang ama at nagpatuloy sa pagkain.

Makatapos kumain ay tinulungan ni Marco ang kaniyang ina na magligpit ng pinagkainan. “Nay, hindi po ba masama ang ginagawa ni tatay kasama ang kaniyang mga kaibigan sa kabundukan?” tanong ni Marco sa kaniyang ina habang nagpupunas ng lamesa. “Anak, ang kabundukan ay biyaya sa atin ng Poong Maykapal. Dito tayo kumukuha ng ating pang araw-araw na pangangailangan. Kaya huwag ka nang matanong pa riyan. Dali! Maglinis ka na ng iyong katawan at matulog na,” utos ng kaniyang ina.

Kinabukasan ay madilim ang kalangitan. Mukhang isang malakas na pag-ulan ang parating. Lumabas si Marco sa kaniyang silid at nakita ang kaniyang ina na nagtitiklop ng nilabahang damit. “Nay, mukha pong may malakas na ulan na parating. Ang dilim po ng kalangitan at ang lakas ng hangin sa labas.” Naupo si Marco sa tabi ng bintana at tinanaw ang langit sabay sinulyapan ang gubat. “Buksan mo nga ang radyo upang malaman natin kung may bagyong parating,” utos ng kaniyang ina. (Tunog ng radyo) “Isang malakas na bagyo ang inaasahang darating sa ating bansa ngayong araw. Tatama sa kalupaan ang nasabing bagyo mamayang hapon. Ibayong pag-iingat at paghahanda ang kinakailangan ng lahat. Pinapayuhan na ang mga nakatira sa baybay- dagat at malalapit sa bundok ay lumikas na at magpunta sa pinakamalapit na evacuation center.” Ulat ng reporter.

“Nasaan po si Tatay?” Nagtatakang tanong ni Marco. “Naku! sumama ang Tatay mo sa pag-akyat sa bundok at pagkuha ng kahoy. May mga tao kasing nagpunta rito kahapon at naghahanap ng magagandang kahoy na gagamitin sa paggawa ng mga muwebles.” Sinilip ng kaniyang nanay ang siwang ng pinto at tila may tinatanaw. Mababanaag sa mukha ng kanyang ina ang pag-aalala sa kaniyang ama dahil sa paparating na bagyo. “Bakit sumama pa po si Tatay? May malakas pong bagyo na parating. Baka po kung ano ang mangyari sa kanya?” sunod-sunod na tanong ni Marco na makikita rin sa mukha ang pag-aalala. “Nalalapit na ang iyong kaarawan at nais ng iyong ama na maging espesyal ang araw na iyon. Kung maganda raw ang kikitain niya sa pag-ahon sa bundok ngayon ay maipaghahanda ka niya. Magkakaroon ka ng malaking cake, spaghetti, pansit, at makukulay na lobo,” paliwanag ng kaniyang ina. Tinungo ni Marco ang kaniyang silid na may pangamba sa isipan. Hindi niya alam kung paano ang kaniyang ama kung abutan ito ng malakas na bagyo sa bundok.

Paulit-ulit na umupo, humiga at dumungaw sa bintana si Marco. Hindi siya mapakali sa kaniyang silid kaya kahit may paparating na bagyo ay tinungo niya ang kaniyang kaibigang kapre. “Pepe! Pepe! Nariyan ka ba? Nais ko sanang magtanong sa iyo,” malakas na tawag ni Marco. Isang makapal na usok ang bumalot muli sa isang malaking puno at lumabas ang isang malaking tao na may hawak na tabako. “Bakit aking kaibigan? Ano ang iyong nais itanong sa akin?” tugon ng kapre. “Nag-aalala ako kay tatay. Umalis siya upang magtroso kasama ang kaniyang mga kaibigan. May paparating na malakas na bagyo at mukhang aabutan sila nito,” pag-aalalang sagot ni Marco. Tumingin ang kapre sa kalangitan at kabundukan. Nababalot ng dilim ang kalangitan. Sumasayaw ang mga sanga ng puno at lumilipad ang mga dahon. Nagsisimula nang humampas ang hangin sa buong paligid. “Babagsak na ang malakas na ulan. Umuwi ka na Marco at baka maabutan ka pa ng bagyo,” utos ng Kapre, marahan itong naupo sa makapal na sanga ng puno.

“Nakita ko ang iyong tatay kanina kasama ang kaniyang mga kaibigan. Mukhang malayo ang kanilang pupuntahan,” kuwento ni Pepe. “ Narinig ko na maganda raw ang nakita nilang puwesto sa kabundukan. Maraming magagandang klase ng puno raw ang makikita sa gawing iyon. Tingin ko ay naroon na sila at nagsisimula nang pumutol ng puno,” pagpapatuloy niya. “Ano ang aking gagawin? Sana ay ligtas na makauwi sina tatay,” nangangambang sagot ni Marco. “Wala tayong magagawa Marco kundi ang magdasal at hintaying makauwi ng ligtas ang iyong tatay at ang kanyang mga kasama. Dali! Bilisan mo! Umuwi ka na sa inyo upang hindi ka abutan ng malakas na bagyo.” Naglakad pauwi si Marco sa kanilang bahay, halos naghahabulan ang kaniyang dalawang paa at natatakot din siyang abutan ng ulan. Mapalad siya na hindi inabutan ng bagyo.

Dumungaw si Marco sa bintana ng kanilang bahay at nakita niya ang itim na itim na kalangitan na tila ba nagpapahiwatig ng isang delubyong parating. Nagsimulang bumuhos ang napakalakas na ulan. Walang tigil. Walang humpay. Kasabay ng napakalakas na ulan ang pangangalampag ng hangin na tila ba nais wasakin ang mga bubong ng bawat bahay na daanan nito. Aandap-andap ang mga ilaw hanggang sa nabalot na ng dilim ang buong kapaligiran. Nawalan na ng kuryente sa buong barangay. Maririnig ang napakalakas na sipol ng hangin at nagngangalit na ulan. Ilang sandali pa ay may isang malakas na ugong ang bumalot sa kapaligiran. Rumaragasa ang tunog. Nakapangingilabot! Gumagalaw at naghihimagsik ang lupa at nais kainin ang bawat madaanan nito.

“Marco! Marco! Halika rito!” takot na sigaw ng kaniyang ina. “Nay! Natatakot po ako! Natatakot po ako!” humahagulgol na tugon ni Marcio habang palabas ng kaniyang silid. Dali-daling binukasan ng kaniyang ina ang kandila upang magbigay ng kaunting liwanag sa bahay na nababalot ng dilim at takot. Patuloy ang pananalasa ng bagyo. Ang tagal ng pagbayo ng malakas na ulan at hangin. Parang walang katapusan. Lumipas ang segundo, minuto, at oras ngunit hindi pa rin dumarating ang Tatay ni Marco. Pag-aalala ang mababanaag sa mukha ng mag-ina habang nakatingin sa kandila na nagbibigay ng liwanag sa kanilang bahay.

Tiktilaok….. Tiktilaok…… ang tunog na nagpagising kay Marco. Payapa na ang kapaligiran. Muli nang nasilayaan ang sikat ng araw. Dali-dali siyang pumunta sa kaniyang ina at nagtanong. “Nay, Dumating na ba si tatay? Nasan po si tatay?” pagtatanong ng bata. Katahimikan ang unang naisagot ng kanyiang ina. “Anak, hindi pa umuuwi ang iyong tatay. Marahil ay nagpalipas muna siya ng malakas na ulan at hindi rin sila nakababa sa bundok.” Pagpapakalma ng kaniyang ina. May malakas na sigaw ang ang lalong nagbigay ng pangamba sa mag-ina. “Mga kapitbahay tingnan ninyo!” malakas na sigaw ng isang babae sa labas. “May gumuhong lupa sa bundok.” Dali-daling lumabas si Marco at ang kaniyang ina upang tingnan ang pagguho. Natatanaw sa kanilang tahanan ang malaking bahagi ng bundok na gumuho at napinsala dahil sa malakas na bagyo. Kitang kita kung paano lamunin ng lupa ang mga kabahayan sa gilid ng bundok. Hindi maipaliwanag ang takot na nararamdaman ni Marco lalo na at hindi pa umuuwi ang kaniyang ama. “Diyos ko ang asawa ko! Nasaan ang asawa ko?” Dalamhating wika ng kanyang ina. Pumatak ang luha mula sa mata ni Marco habang ito ay nakayakap sa kaniyang ina. Umaasa at nagdarasal na walang masamang nangyari sa kanyang ama at muli niya itong makikita.

Sa di kalayuan ay may pamilyar siyang nakikita na naglalakad. “Si Itay!” Tumakbo ang mag-ina papalapit sa lalaki at niyakap ito. Ikinuwento ng tatay ang pagpapalipas nila ng bagyo sa kabundukan. Naging proteksyon nila ang malalaking puno at naitawid nila ang magdamag sa pagkain ng mga napitas nilang bungang-kahoy sa kagubatan. Biglang naalala ni Marco ang kaibigan. Agad-agad itong kumaripas ng takbo. Nagkatinginan na lamang ang mag-asawa. “Pepe! Pepe! Nasaan ka?” Wala siyang tugon na nakuha. Paulit-ulit ang pag- tawag niya ngunit wala pa ring sagot. Nangingilid na ang kaniyang luha dahil may kutob siyang kasama sa pinutol ng kaniyang ama at mga kaibigan nito ang tirahan si Pepe. Hinawi niya ang mga halaman, nakipagpatintero siya sa mga nakabagsak na puno hanggang sa abutin na siya ng dapithapon.

Sa kaniyang pag-uwi, malungkot at nag-aalala na rin siya sa kaniyang kaibigan. Nagulat siya na may mga alitaptap na sumusunod sa kaniya tulad ng dati. Alam niyang naapektuhan si Pepe sa malawakang pagputol ng puno kaya may naisip siya. Bahagyang nainis siya sa kaniyang itay. “Tay, naputol n‟yo po ang bahay ng kaibigan ko?” hagulgol ni Marco. “Lagi niya po akong tinutulungan pero inalisan natin siya ng matitirhan.” Naisip ng ama ang kaniyang pagkakamali dahil nakita niya ang pinsala sa mga kapitbahay na naapektuhan sa pagguho ng bundok. Halos sisihin din siya ng mga kababayan dahil sa madalas na pagpuputol ng mga puno, bata o matanda man ito. ”Huwag ka nang umiyak, may paraan pa para makabawi ako sa iyong kaibigan at kalikasan,” tapik ng tatay sa balikat ng anak. Iniisip ng tatay na baka ang sinasabing kaibigan ni Marco ay ang mga ibon na wala nang madapuan. Hindi niya alam na higit pa roon ang kaibigan ng anak.

Kinabukasan, niyaya ni Marco ang ilang mga kalaro na samahan siyang magtanim ng puno sa kabundukan. Kasama rin niya ang kaniyang ama at mga kaibigan nito. Nagtungo sila sa bakanteng espasyo na tinatayuan ng dating puno ni Pepe at doon sila nagsimulang magtanim. “Salamat, Tay,” nakangiting sinabi ng anak. “Palalakihin natin ang mga acacia na iyan para sa pagbalik ng iyong kaibigan, may bahay na ulit siya.” “Sana nga po ay makabalik na siya.” tugon ni Marco na umaasang muli silang magkikita ng kaibigan. Nagtanim din ng maraming puno ang ka yang ama kasama ang mga kaibigan nito. Pinuntahan nila ang mga lugar kung saan sila troso.

Palaging pinupuntahan ni Marco ang mga puno ng acacia upang diligan ang mga ito. Umaasa siya na sa paglaki at pagyabong nito ay muling babalik ang kaniyang kaibigan. Lumipas ang mga araw, linggo, buwan at taon ay lumaki at yumabong ang mga puno ng acacia na itinanim nila Marco. “Pepe! Pepe!, nariyan ka ba?” malakas na sigaw ni Marco sa kaniyang kaibigan. Nakatingala siya sa puno ng acacia na may hindi mabilang na malalaking ugat, ang mga sanga nito ay tila nakadipang nakaharap sa langit. Mayabong ang mga dahon nito na halos hindi pinapatuloy ang sikat ng araw sa kagubatan. Isang makapal na usok ang muling bumalot sa puno ng acacia, may kakaibang amoy na hindi maipaliwanag, at lumabas ang isang malaking tao na nakaupo sa malaking sanga ng puno. May hawak itong tabako. Hithit dito, hithit doon. Buga rito, buga roon. Nagulat si Marco sa kaniyang nakita. Mga ilang ulit siyang pumikit at dumilat. At sumilay sa kaniyang mga mata ang mga butil ng luha nang muling nakita ang kaibigang kapre. “Pepe, nagagalak akong muli kang makita!” masayang wika ni Marco sabay yakap sa puno. Ang tagal kitang inintay na bumalik at muling makita.

Nilahad ng kapre kung ano ang nangyari sa kaniya. Pinutol nga ng mga magtotroso ang kaniyang tirahan. Walang habas na pinutol ang katawan nito kasama ang mga sanga. “Marco, nilisan ko ang parteng ito ng kagubatan dahil sa mapang abusong tao. Sinira nila ang aking tahanan pati ang kalikasan. Saksi ako sa kanilang kasakiman. Wala silang itinira. Lahat ay kanilang pinutol pati maliit pa man na puno,” kuwento ng kaniyang kaibigang kapre. “Nalulungkot ako sa nangyari sa iyong tahanan aking kaibigan. Nais kong humingi ng paumanhin sa‟yo dahil sa maling gawi ng aking itay at ng kaniyang mga kaibigan,” tugon ni Marco habang nakatingala sa itaas ng puno ng acacia kung saan nakaupo ang kapre. “ Natunghayan ko rin ang pagguho ng lupa na kumitil sa maraming tao at puminsala sa mga nadaanan nito. Ito ang aking sinasabi sa‟yo aking kaibigan. Ang pang-aabuso sa kalikasan at maling gawa ng tao ay tao rin ang mapipinsala at malalagay sa kapahamakan,” pagpapaliwanag ng kapre.

Ibinaling ni Marco ang kaniyang tingin sa kapaligiran. Nakita niya na muli nang nanumbalik ang luntiang kulay nito. Muli nang nakatayo ang iba‟t ibang uri ng puno. Marami na muling mga hayop ang makikita sa kagubatan. Ang mga ibon ay mayroon na ring masisilungan at tahanan. “Pepe, tama ka! Ang maling gawi ng mga tao ay nagdulot ng malaking pinsala sa kanila. Nakalulungkot na may mga buhay pa na nawala at napinsala. Ngayon ay nakita mo na kung paano nila itinama ang kanilang maling gawain.” Tugon ni Marco. Tumingin ang kapre sa luntiang kapaligiran at ibinalik ang kaniyang mga mata kay Marco. Nag iwan ang kapre ng matatamis na ngiti at naglaho ito sa paningin ni Marco.

Nasasagot ang mga tanong sa napakinggan at nabasang kuwento, tekstong pang-impormasyon, at SMS (Short Messaging Text) F4PB-la-d-3.1 F4PB-lb-h-91 F4PB-llh-i-6.2 Nabibigyang kahulugan ang salita sa pamamagitan ng pormal na depinisyon F4PT-la-1.10 Natutukoy ang elemento ng kuwento (tagpuan, tauhan, banghay) F4PB-li-24 Natutukoy ang bahagi ng binasang kuwento-simula-kasukdulan-katapusan F4PB-li-24

Si Marco ay may kaibigang naninirahan sa isang puno ng acacia. Ang puno ay napalilibutan ng maliliwanag na alitaptap na nagiging dahilan upang makarating si Marco ng ligtas sa kanilang tahanan. Mayabong at maganda ang kagubatang nakagisnan ng bata ngunit dahil sa maling gawain at pang-aabuso ng mga tao ay nagkaroon ng isang mapinsalang trahedya na nagdulot ng pagkasira ng mga ari-arian at pagkawala ng mga buhay. Ang trahedya rin ang naging dahilan upang maitama nila ang maling gawi at pamamaraan. Ating sundan ang kanilang kuwento at tuklasin ang hiwaga ng punong acacia sa kabundukan.


Like this book? You can publish your book online for free in a few minutes!
Create your own flipbook