Important Announcement
PubHTML5 Scheduled Server Maintenance on (GMT) Sunday, June 26th, 2:00 am - 8:00 am.
PubHTML5 site will be inoperative during the times indicated!

Home Explore Kitang Kita Ko

Kitang Kita Ko

Published by Cha Gatchula, 2023-01-26 08:36:43

Description: kitang kita ko - digital 2

Search

Read the Text Version

LEARNING COMPETENCY Nakapagbabahagi ng sariling karanasan o makabuluhang pangyayaring nagpapakita ng pang-unawa sa kalagayan/ pangangailangan ng kapwa EsP4P-IId–19

COPYRIGHT NOTICE All rights reserved. No part of this storybook may be reproduced, stored in a retrieval system or transmitted, in any form or any means, mechanical, photocopying, recording or otherwise, without prior written permission of the writer and book designer.



Dug! Dugudug! Dugudug! Dugudug! Ginising ako ng mga nagkakalampagang yabag ng mga paa na animo’y nagmamartsa sa loob ng aming tahanan. Kaya naman mata ko’y tuluyang iminulat at pagkatapos ay nag-inat-inat. Aking kinapa-kapa ang mga pares kong tsinelas, sabay bangon at hakbang nang paunti- unti diretso bukas ng bintana.



Bumungad sa akin ang napakalamig at sariwang simoy ng hangin, ang halimuyak ng berdeng mga halaman, makukulay at namumukadkad na mga bulaklak sa aming hardin, siguradong sa bawat talulot nito ay maraming nagdadapuang paruparo, naririnig ko rin ang malamusikang huni ng maraming- maraming ibon at ang bawat tilaok ng mga matitikas na tandang na manok. Dulot ng ulan kagabi ay masigla rin ang agos ng batis na ‘di kalayuan sa bahay namin at kasabay nito ang napakakulay na bahaghari na katabi ng mga ulap na animoy mga bulak. Hay! Nararamdaman ko na napakaganda talaga ng umagang ito. Kitang-kita ko!



“Nanay gising na po ako,” masiglang sigaw ko. “Nariyan na Iris anak ko,” masayang tugon ni Nanay. Magsasampung taong gulang na ako pero todo asikaso pa rin sa akin si nanay. Mula sa paliligo hanggang sa pagpili ng mga isusuot ko ay palagi akong sinasamahan ni Nanay. “Nanay gusto ko pong isuot ang bestidang regalo ninyo sa akin ni Tatay noong Pasko, gusto ko ang malaking disenyo nitong laso sa likod at gusto ko rin ang kulay nitong rosas dahil bagay raw sa akin sabi ni Tatay.” Isinuot na rin ni Nanay sa akin ang mahaba kong medyas at ang paborito kong sapatos na kulay rin ay rosas. Sa harap ng salamin nilagay na rin ni Nanay sa buhok ko ang bagong biling ipit na medyo maliit. Sabay taktak ng pulbos at wisik ng pabango sa mga balat ko. “Ayan Iris anak lalo kang gumanda,” galak na sabi sa akin ni Nanay. “Oo nga po Nanay kitang-kita ko!” Masayang tugon ko.



Sa ilang hakbang palabas ng aming kuwarto ay sinalubong ako ng mga nakagugutom at nakatatakam na amoy ng mga lutuing galing sa kusina, naririnig ko rin ang maya’t mayang kalansingan ng mga kasangkapan na para bang mga nagsisipag-sayawan. Nararamdaman ko ang kumakaripas na paghihiwa ng kutsilyo at ang pag-eespadahan ng mga siyanse at sandok, ang mga nagkikiskisang mga platito at plato, pati na rin ang mga nagbubungguang mga kawali at kaldero, kasabay nito ay ang mga biruan at halakhakan. Siguradong masarap ang bawat lutuin kapag punong-puno ng kasiyahan at pagmamahalan. Sa paglingon ko naman sa sala ay abalang- abala sa pag-aayos ng dekorasyon sina Ate Tinay kasama pa ng iba kong mga pinsan. “Napakaganda mo naman sa suot mong rosas na bestida Iris! Kakulay mo ang mga lobo, ang keyk at mga banderitas sa paligid,” masayang sabi ni Ate Tinay. “Totoo po ba Ate Tinay? Maraming salamat, kulay na rosas ang paborito kong kulay, ‘yan ang hiling ko kina nanay at tatay,” galak na sambit ko.



Ang ganda rin ng paligid, ang mga lobo ay para bang mga masisiglang kumakaway-kaway sa aming lahat at ang mga banderitas naman ay paulit-ulit na nagsisipag-indakan sa bawat pag-ihip ng hangin. At ang keyk, ay parang ako, kulay rosas, sigurado akong sobrang lambot ng tinapay nito na para bang mga unan ko sa kama at sigurado rin akong tamang-tama ang tamis nito na hindi sasakit ang mga ngipin ko, at ang disenyo naman ay napalilibutan ng mga bulaklak na parang isang hardin na matapos hipan ay pwedeng nang kainin, pero ang mas nagpapaespesyal dito ay ang mga letra na bumubuo sa pangalan ko katabi ng bilang ng magiging edad ko. Napakaganda ng mga ito! Kitang-kita ko!





Ang oras ay ganap na ika-siyam ng umaga, sigurado akong wala na ang makulay na baghaghari at tuluyan na ring nahawi ang mga mapuputing ulap sa kalangitan, nagsitahimik na rin ang mga umaawit na mga ibon at ang mga tumitilaok na manok pero bakit wala pa rin si tatay?, tanong ko sa aking sarili. Bakit kaya wala pa si Tatay? Siya na lamang ang aking hinihintay. Kanina pa ako nakabihis ng bestidang regalo nila sa akin ni Nanay. Luto na rin lahat ang masasarap na putahe at nakahanda na ang mga lobo at keyk na aking hihipan, nagtatakang tanong ko sa aking sarili.

Hindi ko na napigilan na magtanong kay Nanay, “Nanay, darating po ba si Tatay?”, malungkot na tanong ko. “Iris anak, sa Maynila nagtatrabaho ang tatay mo at malayo ang lugar na iyon dito sa atin. Maraming-maraming lugar ang kaniyang daraanan bago siya makarating dito sa bahay. Ngunit sigurado akong darating ang tatay mo maya-maya lang,” nakangiting sagot sa akin ni Nanay. Hindi ko maiwasang mag-isip. Gaano nga ba kalayo ang Maynila pauwi rito sa bahay namin? Bakit kaya ang tagal ni tatay? Sabi ni nanay maraming-maraming lugar ang kaniyang daraanan, umakyat ba si tatay sa napakataas na mga bundok na sintaas ng mga pinagpatong-patong na mga gusali para lang makauwi rito sa amin. Teka parang nalulula ako.



Siguro sumakay siya ng eroplano pauwi rito sa amin. Teka... Paano siya papara sa himpapawid pababa sa bahay namin? Kapag tumalon siya, baka tangayin siya ng napakalakas na hangin papalayo, mas lalong mapapatagal ang pag-uwi ni tatay.

Baka naman nakisabay si tatay sa bangkang de sagwan ni Lolo Mar at naglayag sa karagatan pauwi rito sa amin, pero ilang libong pagsagwan kaya ang kailangang gawin ni Tatay? Hay, ‘di kaya mangawit si Tatay, sana katulad sa mga galamay ng pugita ang kamay ni Tatay para mas marami at mapabilis ang pag-uwi niya rito bahay.





O di kaya’y umangkas siya sa likod ng matandang kalabaw ni Lolo Selo. Naku! Masipag ang kalabaw ni Lolo Selo pero sabi nila parang pagong na ito kumilos, sigurado akong gagabihin si tatay ‘pag dito siya sumakay.





Hay! Nasaan na kaya si Tatay? Gaano ba katagal akong maghihintay? Baka sa sobrang dami ng ginagawang trabaho ni Tatay sa Maynila hindi na niya ako naaalala. Baka nakalimutan niyang naghihintay ako. Malumbay na bulong ko sa aking sarili. Napapikit at napabuntong-hininga na lamang ako, para bang may malawak at madilim na ulap na bumabalot sa dibdib ko, ayokong hindi siya dumating sa espesyal na araw na ito.



Hindi ko na namalayan, tumulo na pala ang luha ko. Nang bigla na lang may pumahid ng luha sa mga mata ko. Heto ang mga malalaki at magagaspang na kamay na umaalalay sa akin na katuwang ni nanay simula pa noong pagkabata ko, sabay yakap mula sa likuran ko. Heto ang bisig na yumayakap at nagpapatahan sa akin tuwing umiiyak ako sa pagkakadapa. Teka muna, parang kilala ko ang yakap na ito, ito ang yakap na nagpaparamdam sa akin na lagi akong ligtas sa lahat ng oras. Alam ko na! Yakap ito ni Tatay! Nasasabik na banggit ko sa aking sarili. “Tatay, akala ko po nalimutan niyo na ang araw na ito?” “Akala ko po hindi niyo na ako mahal?”, mangiyak-ngiyak na sabi ko. “Imposible ‘yun anak ko, mahal na mahal kita, patawarin mo ako at matindi ang trapiko sa Maynila pauwi rito sa atin, hayaan mo anak at hindi na mauulit,” mahinahong sagot sa akin ni Tatay.

Napawi ang lungkot na nadarama ko, tuluyang nahawi ang dilim sa aking dibdib, at napalitan ng saya na para bang may napakagandang bahaghari na bumalot sa aking puso. Tama nga si nanay malayo lang talaga ang pinanggalingan ni Tatay, nagagalak na sabi ko sa aking sarili.



Ngayong nandito na si Tatay at kompleto na kami ay sabay-sabay silang nagsiawit. Sina nanay, tatay at ang iba ko pang mga mahal sa buhay. Habang inaawit nila ang maligayang bati ay magkakahawak-hawak kami ng kamay, para akong pinaghehele habang nasa itaas ng mga ulap, iba-iba man ang tono at tunog ay musikang tunay sa aking pandinig kay sarap pakinggan! Ramdam ko ang saya ng pagiging kumpleto naming pamilya, kumpleto kami! Kitang-kita ko.



“Happy birthday Iris!”, masiglang bati sa akin ng lahat. “Maligayang kaarawan Iris!” nakangiti at sabay na bati sa akin nina Nanay at Tatay. Masaya kong hinipan ang kandila ng napakaganda kong keyk, nagpasalamat ako at humiling sa Diyos na patuloy kong makita ang pagmamahalan sa aming lahat. Nagpapasalamat ako dahil hindi nila ako itinuring na kakaiba.



Tatlong taon na simula noong tuluyang nawala ang paningin ko nang dahil sa sakit. Heto ang mga panahon na walang pinagkaiba ang pagdilat ko sa pagpikit, kahit pakalakihan ko ang pagmulat ay wala akong makitang kahit kaunting liwanag. Akala ko ay puro dilim na lang ang makikita ko sa bawat paggising at pagbangon ko, pero nagkamali ako. Simula noong nawala ang paningin ko ay kayo na ang nagsilbing mga mata ko na umaalalay sa akin at naglalarawan sa akin kung gaano kaganda ang mundo.



Kung gaano kaganda ang mga ulap at bahaghari sa langit sa bawat umaga, at kung gaano kaningning ang buwan at mga bituin sa pagsapit ng gabi. Kung gaano kakulay ang mga bulaklak at paruparo sa ating hardin. Kung gaano nakatatakam kainin ang bawat lutuin.



At higit sa lahat ay kung paano ninyo ipinakita sa akin ang isang pamilyang umaalalay at nagmamahalan. Lahat ng ito ay kitang-kita ko! Kitang-kita ko kahit bulag ako. Kitang kita ko... Dahil ipinadarama ninyo.







Nakita mo na ba ang makulay na bahaghari sa malawak na kalangitan? Ang mga nagliliparang paruparo sa mga makukulay na bulaklak sa hardin? Ang masasarap na lutuin na nakahain sa hapag-kainan? At ang wagas na pagmamahal? Halika at samahan natin si Iris sa pinakamahalagang araw ng buhay nya.


Like this book? You can publish your book online for free in a few minutes!
Create your own flipbook