Important Announcement
PubHTML5 Scheduled Server Maintenance on (GMT) Sunday, June 26th, 2:00 am - 8:00 am.
PubHTML5 site will be inoperative during the times indicated!

Home Explore Ang Alimangong Walang Sipit

Ang Alimangong Walang Sipit

Published by Paul John C. Padilla, 2023-01-27 03:16:59

Description: Ang Alimangong Walang Sipit

Search

Read the Text Version

Ang Alimangong Walang Sipit ESP Grade 5 EsP5PD-IVa-d–14: 1. Nakapagpapakita ng tunay na pagmamahal sa kapwa tulad ng: 1.1. pagsasaalang-alang sa kapakanan ng kapwa at sa kinabibilangang pamayanan 1.2. pakikiisa sa pagdarasal para sa kabutihan ng lahat 1.3. pagkalinga at pagtulong sa kapwa

TREASURY OF STORYBOOKS This storybook is a product of the National Competition on Storybook Writing 2022 of the Department of Education. Pursuant to the Intellectual Property Code of the Philippines, no copyright shall subsist in this work of Government of the Philippines. However, prior approval of the Department of Education shall be necessary for exploitation of such work for profit. DepEd may, among other things, impose as a condition the payment of royalties. No prior approval or conditions shall be required for the use for any purpose of statutes, rules and regulations, and speeches, lectures, sermons, addresses and dissertations, pronounced, read or rendered in courts of justice, before administrative agencies, in deliberative assemblies and in meetings of public character. This storybook is a product of the National Competition on Storybook Writing 2022 of the Department of Education.



naantok na ang buwan ngunit gising na gising pa rin si Ali Mango, ang pinakakilalang kuto-kuto, o batang Ialimango, sa bayan ng Minaili. Kilala siya hindi dahil sa kagitingang nagawa niya o ng kaniyang mga magulang, kundi dahil sa kaniyang kapansanan.

Hindi tulad kasi sa mga karaniwang kuto- kuto, si Ali ay isinilang na walang sipit. Kaya, ganoon na lamang kung tuksohin siya ng mga kababatang kuto-kuto.

“Ali Mango, Ali, Ali Mango, ang alimangong walang sipit!” kanta ng ilang kuto-kuto. Gayundin ang tingin sa kaniya ng ilang mga magulang na alimango. “Naku, ayan na naman iyong batang walang sipit. Lumayo at huwag na huwag kayong makikipaglaro sa salot na iyan, mga anak. Baka mahawa kayo sa sumpa.” Lagi itong iniiyakan ni Ali. Halos mawalan nga siya ng tiwala sa sarili.

Ngunit sa kabila ng mga ito, nanatiling may mabuting kalooban at matalinong kuto-kuto si Ali Mango. Tango lagi ang sagot ni Ali sa mga utos ng kaniyang mga magulang na sina Aling Mango at Mang Mango. Dahil sa wala siyang sipit, ginagamit na lang niya ang natitirang mga paa at ang kaniyang bibig sa pagtulong.

Hindi siya palalabas ng lungga subalit palakaibigan pa rin siya sa mga napapadaan sa kanilang bahay-butas. Isang araw, biglang may tumawag sa kaniya. “Ali! Tara! Laro tayo,” si Kit, lider ng mga kuto-kutong walang inatupag kundi ang maglaro buong magdamag.

Dali-daling iniwan ng nakangiting si Ali ang mga gawain sa bahay. Sabik na sabik siya sa unang beses na pagyaya sa kaniya. Iyon nga lang, wala siyang naabutang mga kalaro. “Hoy! Hindi kami makikipaglaro sa tulad mong may sumpa. Baka mahawa pa

Labis na nalungkot at iyak nang iyak si Ali. Halos dumagdag sa alat ng tubig ang mga luha niya. “Gusto ko lang namang makipaglaro sa kanila. Gusto ko lang namang mamuhay nang normal, katulad ninyo ‘Nay, ‘Tay,” iyak ni Ali. Niyakap na lamang siya ng mga magulang niya gamit ang malalaki nilang sipit. Patuloy sa pag-iyak si Ali.

Napupunta ang mga luha niya sa tinitingnan niyang malalaking sipit ng nanay at tatay niya. Malalaki ang mga sipit ng nanay at tatay niya. Malalaking-malalaki. Tumigil siya sa pag-iyak. Unti-unti niyang pinunas ang luha, hanggang sa tuluyang naging poot ang nararamdaman niyang lungkot.

“Kung bakit ninyo ba kasi ako isinilang nang walang sipit!” sigaw ni Ali sa mga magulang na noo’y kumalas mula sa pagkakayakap. Dali-dali siyang tumakbo palabas. Hindi niya alam kung saan siya pupunta ngunit ang tanging alam niya ay kailangan niyang lumabas. Kailangan niyang mailabas ang nararamdaman niya. Iyon ang unang beses na ginawa ito ni Ali. Kaya, bagama’t nag-aalala, walang nagawa ang mag-asawa kundi ang sundan na lamang ng tingin ang papalayong anak.

Nagpatuloy lang sa paglangoy, pagtakbo at paglakad si Ali, hanggang sa marating niya ang hindi pa niya napupuntahan. Isa iyong malawak na buhanginan. Bigla niyang naalala ang bilin ng kaniyang nanay na iwasan ang ganitong mga lugar. Naalala niya rin bigla ang mga kuwento ng kaniyang tatay tungkol sa mga hindi maipaliwanag na pagkawala ng mga kuto-kuto.

Parapoon o ang namumunong tagapagdasal sa Minaili ang nanay ni Ali. Katuwang ang mga kantora, o ang mga tagaawit sa pagdarasal, araw- araw nilang ipinapanalangin na bumalik ang mga nawawalang kuto-kuto para sa kanilang mga naghihintay na mga magulang. Itinataas nila ang kanilang mga sipit sa pagdarasal. Waring pinagdirikit upang bumuo ng hugis puso, tanda ng kanilang pagmamahal at paniniwala sa kanilang diyos.

Para sa kanila, ang pagdarasal ang gagabay sa pagbabalik ng mga nawawala at ang magbibigay proteksiyon sa mga kuto-kuto ngayon sa kanilang bayan. At para kay Ali, alam niya sa kaniyang puso na may magagawa rin ang kaniyang munting dasal kahit wala siyang sipit na maitaas upang gawing hugis puso.

Samantala, sa bawat pagtatapos ng dasal ay lagi niyang naririnig ang usapan ng mga matatandang alimango tungkol sa mga nawawalang kuto-kuto. Ayon sa kanila, magandang klase raw kasi ang mga kuto-kuto sa Minaili na siyang ipinupuslit mula sa Isla, at ipinagpapalit daw ng pera ng mga tao, saka dinadala at pinalalangoy sa malayong-malayong sabang, malayo sa kanilang piling.

“Hmm! Pananakot lamang iyon sa akin nina Nanay at Tatay upang hindi ako maglalalabas,” pagpapakalma niya sa sarili, na naalala ang tampo sa mga magulang. “Aaaaaaaaaaah!” narinig niyang sigaw. “Ah, e, mu-mukhang kailangan ko nang bumalik,” panginginig ni Ali.

Sumipol-sipol siya sa paglakad. Waring inihihihip palabas ang takot sa dibdib. At pabalik na nga siya nang biglang marinig niya ang sabay-sabay

“Inay ko po! Multong Alimango! ‘Nay ko! Huwag n’yo po akong kunin! Huwag po!” pagmamakaawa ni Ali habang paikot-ikot na hinahanap ang pinagmumulan ng tunog.

Napatigil siya sa pag-iyak nang makita ang daan- daang kuto-kutong tumatawag sa kaniya. Nasa loob sila at nagsisiksikan sa isang napakalaking agahid. Umiiyak sila at humihingi ng tulong. “Ito kaya’ng dahilan kung bakit maraming nawawalang kuto-kuto sa amin?” aniya.

“Ali! Tulungan mo kami!” pagmamakaawa ng isang pamilyar na boses. Si Kit! Si Kit pala ang tumatawag sa kaniya ngunit hindi niya makita dahil sa dami nila. Unti-unti nang umaangat ang agahid kasabay ng takot na nararamdaman niya. Humarurot si Ali pakaliwa at pakanan sa mga buhanginan sa pagkataranta, subalit hindi siya makaalis sa kaniyang puwesto.

Kung pababayaan niya ang mga kapwa kuto-kuto, ilang magulang na naman ang malulungkot sa kanilang pagkawala? Ilan na naman ang gabi-gabing magdarasal sa pagbabalik ng anak?

Kung wala siyang gagawin, ano pa ang pinagkaiba niya sa mga ibinabatong kantiyaw sa kaniya na salot at may sumpa? Kung tatayo lang siya at titingnan ang mga kapwa kuto-kutong kinukuha, ano pa nga ba ang silbi niya bilang isa sa mga batang alimango sa bayan ng Minaili? At, ano pa ang halaga ng kaniyang mga dasal?

Huminga nang pagkalalim-lalim si Ali. Walang ano-ano’y tumakbo siya nang napakabilis patungo sa kumpol ng mga kuto-kuto. Buo na ang kaniyang desisyon. Tutulungan niya ang mga kapwa kuto-kuto. Kailangang may gawin siya para sa mga kapwa kuto-kuto, para sa kinabukasan ng bayan ng Minaili.

Dali-dali siyang pumuwesto sa bunganga ng agahid. Ngunit, bigla na lamang na may humila sa kaniya pababa. “Bakit mo ginawa iyon? Sino pa’ng magliligtas sa atin?” sigaw ng isa sa mga kuto-kuto. “E, wala namang magagawa ang putol na iyan! Mas mabuti pang magsama-sama na lang tayo rito kaysa sa umasa sa wala,” pangangatwiran nito.

Hindi kumibo si Ali. Hindi niya pinansin ang narinig. Tiningnan niya ang agahid. Ito ang unang beses niyang makakita nito. Manghang-mangha siya kung paano ito nakahuhuli ng mga kuto-kuto. Sadyang maliliit ang mga butas nito upang lumusot ang mga maliliit na alimango. “Isa lang ang paraan upang makatakas tayo rito,” biglang sabi ni Ali. “Putulin ninyo ang inyong mga sipit!”

Biglang tumahimik ang lahat. Nanlaki ang kanilang mga mata, at animo’y tumigil lahat sa paghinga nang ilang sandali. Hindi nila malaman kung ano ang magiging reaksiyon sa sinabi ni Ali. At bigla na lamang may tumawa nang malakas. May mga nagalit!

“Hoy! Huwag mo kaming idamay sa sumpa mo! Mas gugustuhin ko pang magpahuli sa agahid na ito kaysa sa mawalan ng sipit, tulad mo! Paano ka pa naging alimango kung wala ka namang sipit?” sigaw ng isa. Hindi na ito nagawang palampasin ni Ali.

Napaiyak siya sa narinig, lalo pa at dinuduro siya ng sipit nito. “Paano nga naman paniniwalaan ang tulad kong walang sipit, ang natatanging alimangong walang sipit?” bulong niya sa sarili. Pinikit niya ang mga mata, kasabay ng pagdaloy kaniyang mga luha.

Bigla niya na lamang ilinusot ang katawan niya sa mata ng agahid. Nakita iyon ng ibang mga kuto-kuto. Napatahimik silang lahat, maging ang mga nanlait kay Ali. Pababa na siya sa buhangin nang biglang may sipit na humila sa kaniya pataas.

“Nahihiya ako sa mga ginawa ko, Ali. Pero naniniwala ako sa iyo. Kung ito ang tanging paraan,” wika ni Kit, na alam ang kabutihang loob ni Ali sa kabila ng pangunguyta na tinatamo niya sa mga kapwa kuto-kuto, lalo mula sa kaniyang grupo. Tumango si Ali, saka pinunas ang mga luha.



Agad inipit ni Kit ang sariling mga sipit. Sipit sa sipit. Huminga siya nang malalim at saka pinutol ang mga ito. “Agudooooooooooy!” Dinig sa buong sabang ang sigaw ni Kit dahil sa sakit. Halos mawalan siya ng malay. Bigla na lamang siyang lumusot sa mata ng agahid. Sinalo siya ng likod ni Ali at dahan-dahang ibinaba sa buhangin. Hindi mawari ni Ali ang nararamdamang sakit ni Kit sa pagputol ng mga sipit kaya’t ingat na ingat siya rito. Nakita ito ng iba pang mga kuto-kuto.

Mangiyak-ngiyak pa man si Kit sa sakit, nagmakaawa ito kay Ali na tulungan din ang iba pa. Tumangong muli si Ali, saka humarurot patungo sa bunganga ng agahid kung saan una siyang hinila kanina. At buong lakas siyang sumigaw. “Magkapit-sipit kayo! Putulin ninyo ang inyong mga sipit! Ito lang ang paraan!” sigaw ni Ali, habang papataas at paahon na ng tubig ang agahid.

Hindi na sila nagdalawang-isip. Nagkapit-sipit silang lahat at sabay-sabay na pinutol ang kanilang mga sipit. Napuno ng sigaw, sakit at kirot ang sabang ngunit napawi lang nang isa-isa na silang nakalusot sa agahid.

Kumalat ang mga sipit sa buhanginan. Mabilis ding kumalat ang balita sa buong bayan ng Minaili at iba pang mga kalapit na bayan.

Nagpasalamat ang mga kuto-kuto at kanilang mga magulang sa kabayanihan ni Ali. Mahigpit na yakap naman ang isinalubong nina Aling Mango at Mang Mango kay Ali. Humingi ng paumanhin si Ali sa nasabi sa mga magulang. Napaiyak siya habang nakatitig sa malalaking sipit na yumayakap sa kaniya. Malaking-malaking-malaki ang mga sipit ng kaniyang mga magulang. Sinlaki ng pagmamahal nila para sa kaniya. “Ano naman, Anak, kung wala kang sipit? Sapat lagi ang pagmamahal namin para sa iyo, at hindi iyon magkukulang ano man ang iyong kakulangan. Kaya huwag mo na kami ulit iiwan nang ganoon, ha?” si Aling Mango na mas humigpit pa ang pagkakayakap sa anak.

Galak na galak ang mga alimango sa Minaili. Nagdasal sila bilang pasasalamat, saka nagdaos ng kasiyahan sa buong bayan. Samantala, naging kaibigan ni Ali ang halos lahat ng mga kuto-kuto sa kanila. At makalipas ang ilang araw na pakikipaglaro at pamumuhay nang normal, napansin na lamang ni Ali ang kaniyang sipit. “Aba’y sipit! May sipit na tumutubo sa ‘king putol na sipit!” Nagtawanan sila ng iba pang mga kuto-kuto. Nasaksihan na lamang nila kung paanong muling tumubo ang sipit ni Ali, bagama’t hindi na ganoon kalaki.

Lumipas ang ilang araw, si Ali, ang noo’y kilalang natatanging alimangong walang sipit, ngayon ay ang tanging kuto-kutong may sipit sa buong bayan ng Minaili. At ang mga kaibigan niya, naghihintay sa muling pagsulpot ng kani- kanilang mga sipit.





Isang misteryosong pagkawala ng mga kuto-kuto o mga batang alimango ang bumalot ng takot sa bayan ng Minaili. Sa kabila nito, ninais pa ring mamuhay nang normal ni Ali Mango, ang alimangong walang sipit, kapiling ang mga magulang at ng iba pang mga alimango sa kanilang bayan. Ngunit, paano niya magagawa ang mga ito kung itinataboy siya dahil sa kawalan niya ng sipit? Samahan si Ali sa kaniyang kapanapanabik na pakikipagsapalaran sa mundong pinaghaharian ng mga sipit, at ang kaniyang pagtuklas at paglutas sa misteryo ng pagkawala ng mga batang alimango sa kanilang bayan.


Like this book? You can publish your book online for free in a few minutes!
Create your own flipbook