Important Announcement
PubHTML5 Scheduled Server Maintenance on (GMT) Sunday, June 26th, 2:00 am - 8:00 am.
PubHTML5 site will be inoperative during the times indicated!

Home Explore Kons-Pag 4-6

Kons-Pag 4-6

Published by joe angelo basco, 2022-11-13 09:29:08

Description: Kons-Pag 4-6

Search

Read the Text Version

Ang mamamayan ng Brgy. Silangang Malikboy ay may bilang na tatlong libo, siyam sa raa’t pito. (3,907) at ang nakatalang manghahalal ay may kabuuang bilang na isang libo walong daan at dalawa (1,802). Sa kasalukuyan parin, ang mga proyekto nakatayo sa Barangay Silangang Malikboy ang mga sumusunod: Barangay Multi-Purpose Hall, Day Care Center Development, Silangang Malicboy Multi-Purpose Cooperative Inc. Bldg Coop, Mini Palengke (Talipapa), Barangay Feeder Road, Waiting Shed, New Annex Intake New Water Reservoir. Sagutin ang mga tanong. 1. Ano-ano ang bumubuo sa kapuluan ng Pilipinas? 2. Paano hinati ang bawat pulo sa Pilipinas? 3. Paano binigyan ng pangalang malikboy ang lugar na ito? 4. Paano inilarawan sa kuwento ang Brgy. Silangang Malikboy? 5. Ano-ano ang mga sitio na bumubuo sa lugar na ito? 6. Paano nagkaroon ng pag-unlad ang lugar na ito? Pagpapayaman ng Talasalitaan Basahin ang mga parirala. pagdating ng mga dayuhang Amerikano Papag at Bilao napadpad sa isang bayan sa bintana ng kanilang mga tahanan mangaso at manghuli ng mga isda doon sa maraming pagong. namangha sa dami ng huli Brgy. Mapagong Adapted from Aklat Ng Pagbilao Noong unang panahon, matapos na ang mga Pilipino ay lumaya sa pananakop ng mga dayuhang kastila....... Noong panahon ng pagdating ng mga dayuhang Amerikano sa Pilipinas ang ilan sa mga ito ay napadpad sa isang bayan na kung tawagin ay “Papag at Bilao” na mas kilala sa pangalan na Pagbilao. Nanirahan sila sa isang “barracks” na kanilang itinayo sa malapit sa gitna ng bayan na kung tawagin ay Castillo, kasama ang ilang mga Pilipino. Palibhasa likas na sa mga dayuhang Amerikano ang pangangaso (hunting), kaya naman isang araw ng linggo ay nagkatuwaan ang mga ito sa pangangaso. Dalawa sa mga ito ay nagawi sa isang lugar sa gawing timog ng 44

kanilang “barracks” at habang sila ay naglalakad napansin ng mga ito na may ilang katutubo na naninirahan dito at ng sila ay makita ay lumubog ang mga ulo nito sa bintana ng kanilang mga tahanan. Sa dakong latian naman sa parting matubig ay napansin nila ang napakaraming mga pagong at iba pang uri ng mga hayop tulad ng ibon na nasa dakong ilog. Naroon din ang napakaraming isda, hipon, alimango at hibasanan (shellfish). At nag- umpisa na nga silang mangaso at manghuli ng mga isda. Sa kanilang pag-uwi ay namangha ang kanilang mga kasamahan sa dami ng kanilang mga huli. Nagtanong ang mga ito kung saan sila nakahuli ng ganoon kadami. “Di namin alam” tugon nila. Ang naaalala namin ay doon sa maraming pagong. Nang muling magbalik ang mga ito sa lugar upang mangaso, may kasama na silang mga Pilipino. Nang umalis na ang mga dayuhang Amerikano, nanirahan na doon ang mga kasama nilang Pilipino at ang mga ito na ang nanghuhuli sa lugar na maraming pagong. Kapag sila ay tinatanong ng mga kapit-bahay pagkakatapos manghuli ng mga hipon, isda, atbp., agad silang tumutugon “doon sa maraming pagong” na kinalaunan ay tinawag nang “Barrio Mapagong”. Noong late 70’s sa pamamagitan ng bagong konstitusyon, nang ang mga baryo ay muling tawagin bilang isang baranggay, ito ay tinawag ng Barangay Mapagong hanggang sa kasalukuyan. Sagutin ang mga tanong. 1. Saan nanirahan ang mga dayuhang Amerikano nang sila ay dumating sa Pilipinas? 2. Ano ang katangian ng mga Amerikanong dumating sa bayan n g Pagbilao? 3. Sa iyong palagay, bakit lumubog ang ulo sa bintana ng kanilang tahanan ang mga katutubong nakakita sa mga mga dayuhang Amerikano? 4. Paano inilarawan ang dakong latian sa lugar na ito? 5. Bakit namangha ang kasamahan ng mga dayuhang Amerikano sa kanilang pag-uwi? Pagpapayaman ng Talasalitaan Basahin ang mga parirala. naglalagos sa kanayunan maliit na tumpukan nagsilikas na sa nayon digmaang Amerikano laban sa Hapon napakalapit lamang sa kabayanan 45

Brgy. Mayhay Adapted from Aklat Ng Pagbilao Simula una hanggang sa kasalukuyan ay Mayhay ang tawag sa nayong ito. Ang pangalan nito ay nagbuhat sa pangalan ng ilog na naglalagos sa kanayunan. Ang nayon ay nagsimula sa isang maliit na tumpukan o magkakalapit ng bahay. Noong 1900 ay nagdaan dito ang malakas na bagyo, at sa loob ng bayan ay maraming nagibang tahanan. Ang iba sa mga nagibang tahanan ay iniwan ng tumitira at nagsilikas na sa nayong ito ng Mayhay, sapagkat ito ay malapit lamang sa bayan. Ang mga taong nagsialis dito sa bayan ay nagsilipat lamang sa kabilang panig ng nayong ito sa may ilog ng Pagbagyo. Ang ilog na ito ang siyang pumagitan sa bayan at ng Mayhay. Nang panahong iyon ay iilan lamang ang taong naninirahan doon, kaya’t sila ay naitala sa kasaysayan ng nayong ito ng Mayhay, bilang pangunahing tao ng nayon. Ayon sa kasaysayan, sila ay ang mga sumusunod: Ludovico Ayapana, Quintin Mercurio, Simeon Merene, at Simeon Glorioso. Taong 1941 noong sumiklab ang digmaang Amerikano laban sa Hapon, sapagkat ang nayong ito ay napakalapit lamang sa kabayanan, ito ang unang hinintuan ng mga taong nagmula dito sa bayan. Ito ang nayong pinuntahan ng mga tao bilang pag-ilag sa digmaang nagaganap. Sagutin ang mga tanong. 1. Saan nagmula ang pangalang Mayhay? 2. Bakit nagsilikas ang mga tao sa kalapit barangay? 3. Ano ang pumagitan sa lugar na ito mula sa bayan? 4. Sa iyong palagay, bakit iilan lamang ang naninirahan sa lugar na ito? 5. Kung ikaw ang tatanungin nais mo rin bang manirahan sa lugar na ito? Bakit? Pagpapayaman ng Talasalitaan Basahin ang mga pangungusap. 1. May malagong kagubatan sa lugar na ito. 2. Napakalalim at napakalawak na ilog ang kailangang tawirin upang marating ang kabilang pook. 3. Ang mga bata sa daan ay nagbababag. 4. Maputik ang baku-bakung daan papunta sa kagubatan. 5. Malakas ang tilaok ng manok sa madaling-araw. 46

Brgy. Ibabang/Ilayang Palsabangon Adapted from Aklat Ng Pagbilao Ang kasalukuyang pangalan dito ay Palsabangon maging noong una pa man ay gayundin. Nang dumating ang mga kastilang pari ay tinawag ito Sto. Niño de Padua. Noong unang panahon ay kagubatan ito na nasa gitnang gubat na iyon sa dakong ilayahan ay nagsanga ang dalawang malaking ilog. Ang pook na pinagsangahan ng ilog ay tinawag na “Pinagsabangan” ngunit nabago ng nabago sa kinalaunan ang tawag ng mga tao. Ang pangalan ng malaking ilog na ito ay Palsabangon na nagdaraan sa pusod ng nayon. Mga Pook o Sitio: Iringan, Nagiting-giting, Kamaluya, Pinanay at Tilaok Iringan Ang tawag na Iringan ay nanggaling sa dalawang ahas na nagbabag sa tabi ng ilog. Ang pangalan ng ahas na iyon ay Oringan. Nang malaman ng mga tao roon ang ganitong balita ay tinatawag ng Oringan ng ilog. Subalit ng malaunan na ay naging Iringan. At dahil sa pangalan ng ilog na ito ay iyan na rin ang itinawag sa pook na dinadaluyan ng nasabing ilog. Camaluya Itoy tinawag na Camaluya pagkat ang lupa rito ay angkop na angkop na tamnan ng luya. Galing sa salitang kastila. Cama ay taniman at luya ding kilalang mahalang. Pinanay Ang tawag na Pinanay ay nakilala ng mga unang tao doon noong pang 1889. Sapagkat ang pook na ito ay liba-libahong, ngunit kailangang maging maayos upang pagdaanan ng malaking kahoy na kinuha sa kabundukan, upang dalhin sa bayan ay ipinaayos ito ni G. Lodirico Tiña, isa sa may kinalaman sa gawaing ito upang maging maalwan at mabilis ang pagpapadaan ng mga kahoy. Ang nasabing pag-aayos ay ang pagpapanay ng daan. Mula na noon ang buong pook ay tinawag ng mga tagaroon na “Pinanay”. Tilaok Ito’y tinatawag na tilaok sapagkat noong una kung saan ay iilan pa ang mga bahay doon, may isang ilog na naghahati dito, subalit sa may bandang ibaba ay may isang bukal, na may naririnig na tilaok ng manok. Ang sabi ng mga tagaroon ay kung saan raw naririnig ang tilaok na iyon ng manok ay naroon ang tubig, kaya’t di rin natagalan at ito’y tinatawag na Tilaok. Sagutin ang mga tanong. 1. Nang dumating ang mga kastila sa Palsabangon, ano ang itinawag nila sa lugar na ito? 2. Ilang sitio ang sumasakop sa Brgy. Palsabangon? 3. Ano-ano ang mga ito? 4. Sa apat na sitio sa Palsabangon, alin ang pinakagusto mo? Ipaliwanag. 47

Pagpapayaman ng Talasalitaan Ibigay ang kahulugan n g mga sumusunod na salita: lipos maiilap lumalawig Ibabang /Ilayang Polo Adapted from Aklat Ng Pagbilao Noong unang panahon ang pangalan ng nayong ito ay basta lamang Polo, pagkat noon ay hindi nahahati ang nayon sa dalawa. Nang panahon nang Amerikano ay pinagdalawa ang nayong ito. Ilaya ang tawag sa Ilayang Polo, tinawag itong Polo sapagkat ito’y isang kapuluang maliit na lipos ng dagat. Ang nayon ito na ilayang Polo ay nababahagi ng pangkat o sitio tulad ng mga sumusunod: Bagolayog, Pinya, Kulasi, Maulawin, Pinaglupaan at Anday. Nagsimula ito ng panahon ng Kastila. Ang nayong ito ay kilala sa mapa ng Polo Grande ng dagat kipot, noong hindi pa nararating dito sa Pagbilao ang mga Kastila, ang pook na ito ay nababalot pa ng makapal na kagubatan at wala pang mga taong naninirahan doon. Nang dumating ang mga Kastila sa bayan ay nagging taguan ito ng ilang mga taong ayaw pasakop sa Kastila. Bagama’t silay mga takas at tahimik naman nabubuhay. Kung minsan ay dinadalaw ito ng mga taong taga bayan ng Pagbilao at ibang pook, upang panghulihan ng mga maiilap na hayop. At lumalawig ang panahon ng dumating na ang kasukdulan ng kapanahunan ng pagbagsik ng mga Kastila. Maraming mga mamamayan ang unti-unting sumaka sa kabukiran, dito sa Ilayang Polo ay isa sa mga nayong inurungan ng mga taong nais magtago. Nagsipaghalaman at naglinang upang sila ang unang nagsaka at nanirahan dito ay sina Angel Luna at Maria de Rama Luna. Sagutin ang mga tanong. 1. Kailan hinati sa dalawa ang nayon ng Polo? 2. Bakit tinawag na Polo ang lugar? 3. Ano-anong sitio ang nakakasakop sa Ilayang Polo? 4. Sino ang unang pamilya na nanirahan sa Polo? 5. Ano ang ginagawa ng mga tao sa lugar upang makaiwas sa bagsik ng mga kastila? 6. Sa iyong palagay, ano ang masidhing dahilan kung bakit sinakop ng mga Kastila ang lugar na ito? 48

Pagpapayaman ng Talasalitaan Hanapin sa loob ng kahon ang kahulugan ng may salungguhit na mga salita. tulisan talupan hamakin mandarambong inimbak 1. Maraming mga magnanakaw ang dumating sa kanilang lugar upang kuhain ang kanilang mga ari-arian. 2. Huwag mong maliitin ang mga magsasaka sapagkat Malaki ang naitutulong nila sa ating lipunan. 3. Ang saging ay kailangang balatan bago mo ito kainin. 4. Maraming itinabing pagkain si Langgam para sa panahon ng tag-ulan. 5. Marami pa rin na masasamang loob ang nagkukuta sa kagubatan na mapagsamantala sa kabila ng pandemyang ating nararanasan. Brgy. Talipan Adapted from Aklat Ng Pagbilao Noong una pa man magpahanggang ngayon ay Talipan kung tawagin ang nayong ito. Talipan ang itinatawag sa isang pangyayari noong una. Ang pook daw na ito ay malimit hamakin ng mga tulisan galing sa malayo, marahil ay maraming inimbak na pagkain o anumang kayamanan ang mga tagarito. Malimit na sila’y puntahan o salakayin ng mga masasamang loob. Sa takot na sila ay saktan o patayin, kagyat silang nagbibigay ng anumang mayroon sila. Isang hapon ang mga may iniupok na ari-arian ng mga taga rito ay umalis na sapagkat sila ay inagawan ng pagkain at iba pa ng mga mandarambong. Ang mga taong nakatira rito na walang taglay na maibibigay ay pinarusahan ng hanggang doon na lang. Isa – isang dinala ang mga lalaki sa isang pook at tinanong kung magbibigay o hindi. Sapagkat lahat sila ay walang maibibigay ay pinagtatalipan ng mga mandarambong ang kanilang tuhod. Dahil sa pangyayaring ito, nagsimula nang tawagin ang lugar na ito naTalipan hango sa pangungusap na “Talipan ng Tuhod” na nangyari noon. Ang nayong ito ay itinatatag noong 1897. 49

Sagutin ang mga tanong. 1. Kailan itinatag ang Brgy. Talipan? 2. Anong pangyayari sa buhay ng mga tao ang naging dahilan upang tawaging Talipan ang nasabing lugar? 3. Bakit malimit hamakin ng mga tulisan ang nayon ng Talipan? 4. Ano ang kanilang ginagawa upang hindi masaktan ang mga naninirahan sa nayon n g Talipan? 5. Sa iyong palagay, makatarungan ba ito? Pagpapayaman ng Talasalitaan Alamin ang kahulugan ng sumusunod na mga salita: siglo kongkistador nasumpungan taibin Brgy. Castillo Adapted from Aklat Ng Pagbilao Noong ika – labing limang siglo ng taong 1585, patuloy ang mga kongkistador (Conquistadores) na Kastila sa paghahanap ng kapatagan sa baybayin ng Look ng Tayabas na maaring gawing pamayanan at tirahan. Hindi nagtagal sa kanilang pagsisikap ay nasumpungan nila ang isang kubo na di kalayuaan sa dalampasigan at kanilang sinuring mabuti ang kapaligiran nito. Habang sila ay nag-uusap sa wikang Kastila, lumabas sa kubo ang mag-asawang matanda na nagngangalang PABLO at RITA. Tinanong ng isa sa mga Kastila ang matandang Pablo kung saan ang pook na iyon na medyo may kataasan ang kalupaan na di aapaw ang tubig kung lumaki ang taibin at doon nila itatayo ang kanilang “Kastilyo” sa gulod, upang tanaw ang paligid nang kabayanan. Itinuro ng matandang Pablo ang pinaka gulod ng pook. Nagustuhan ng Kastila ang lugar at sinabing doon itatayo ang kastilyo. Ang pagkakaintindi ng matandang Pablo ay Castillo ang pangalan ng gulod na iyon. Simula noon ay Castillo na ang itinawag sa pook na iyon na ngayon ay bahagi ng kabayanan ng Pagbilao. Sagutin ang mga tanong. 1. Kailan nadiskubre ang Brgy. Castillo? 2. Sino ang naghahanap ng lugar para gawing pamayanan? 3. Sino ang lumabas sa isang kubo habang nag-uusap ang mga Kastila? 4. Ano ang planong itatayo ng mga Kastila sa pinakagulod ng pook? 5. Paano nagsimula ang Barangay Castillo? 50

Brgy. Daungan Adapted from Aklat Ng Pagbilao Noong panahon ng Kastila ay ginawang Daungan ng malaking bapor at bangka ang lugar na ito kaya ito ay tinawag na Daungan na ibig sabihin ay Seaport lalo pa’t ito ay malapit sa tabi ng dagat na kung tawagin sa ngayon ay Tambak River. Sagutin ang mga tanong. 1. Bakit tinawag na Daungan ang lugar na ito? 2. Ano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng daungan sa isang bayan? 3. Ipaliwanag ang pagkakaiba ng ilog at dagat. Pagpapayaman ng Talasalitaan Basahin ang sumusunod na mga salita at ang kahulugan ng bawat isa. Gamitin ito sa sariling pangungusap. 1. rebisyon – pagbabago. 2. sinasaklaw – kinapapalooban, nasasakupan 3. ipiningas – ibinawas 4. panulukan – kanto, sulok 5. maglalagos - magdadaan Brgy. Del Carmen Adapted from Brgy. Profile Ang Brgy. Del Carmen ay hango sa pangalan ng mahal na Birhen Nuestra Señora del Carmen ng Carmelo. Sa panunungkulan ni Mayor Trinidad R. Alvarez, ang kauna-unahang babaeng Mayor ng Pagbilao noong taong 1960, ay nagkaroon ng Rebisyon ang ating pamahalaan. Dahil sa mabilis na paglaki ng bilang ng mamamayan ay napagtibay na magdagdag pa ng tatlong (3) barangay sa poblasyon, at isa na napadagdag na barangay ay ang Brgy. Del Carmen. Ang dating “Purok Mc Kenly” ay naging isang ganap na barangay noong taong 1960, sa panunungkulan ni Mayor Trinidad Reyes Alvarez. Ito ay matatagpuan sa kabayanan poblasyon ng Pagbilao. At dahil ang kanilang tahanan ay dito matatagpuan, at ang Familia Alvarez ay mayroong pagmamay-ari na Mahal na Birhen Nuestra Señora del Carmen ng Carmelo, kaya naisipan nila na ang ipangalan 51

dito ay Del Carmen. At ito rin ang Patron ng Barangay Del Carmen hanggang sa kasalukuyan. Nagdiriwang din dito ang kapistahan tuwing buwan ng Hulyo 17. Ang ilang bahagi na sinasaklaw ng Purok Mc Kenly ay ang kalupaang sukat ng malaking iskul, Burol na pag-aari ng Familia Alvarez at ang Pambayang Palengke. Ang ibang bahagi ay ipiningas na lamang sa mga kalye ng mga kalapit barangay tulad ng Brgy. Castillo, Sta. Catalina, Parang, Daungan, at Mapagong. Ito ang mga daan na sinasaklaw: • Simula sa panulukan ng daang Rizal at Mc Kenly ang kaliwang bahagi nito hanggang sa panulukan ng daang Bermudez magtatapos sa daang Enverga hanggang sa hangganan ng lupain ng Mapagong. • Simula sa panulukan ng daang Mc Kenly at Bonifacio ito ay maglalagos hanggang sa panulukan ng daang Mc Kenly matatapos hanggang sa panulukan ng tabing daan ng Relis ng Tren na patuloy na maglalagos hanggang sa panulukan daang Gloria at Relis ng Tren. • Saklaw din nito ang simula sa panulukan ng daang Gloria ang kaliwang bahagi ng daang Glorioso hanggang sa panulukan ng daan Mc Kenly. • Ang nalalabing bahagi simula sa panulukan ng daan Mc Kenly at tabing Relis ng Tren ang kanang bahagi nito ay maglalagos hanggang sa saklaw na lupain ng Mapagong. Ang Brgy. Del Carmen ay may total land area na 34, 3427 hectares, ang boundaries ng Brgy. Del Carmen ay sa North ng Brgy. Castillo, East Brgy. Sta. Catalina, West Brgy. Mapagong, South ng Brgy. Daungan. Ang Brgy. Del Carmen ay nahahati sa apat na purok, Purok I, II, III at IV. Sa Purok IV dito makikita ang mas maraming naninirahan at dikit-dikit na bahay. Dito rin sa Brgy. Del Carmen matatagpuan ang Paaralang Pagbilao East, Central at West Elementary School at isang pribadong eskwelahan at ito ay ang CVE. Dito rin matatagpuan ang Pamilihang Bayan ng Pagbilao. Malapit din sa barangay na ito ang Bahay Pamahalaan, Simbahang Katoliko, at Rural Health Center. Sagutin ang mga tanong. 1. Ano ang pinagmulang salita ng Brgy. Del Carmen? 2. Kailan naging ganap na barangay ang Purok Mc Kenley? 3. Ano-ano ang mga nasasakupan nito? 4. Ano-ano ang mahahalagang lugar na matatagpuan sa lugar na ito? 5. Bilang isang mag-aaral, paano ka makatutulong upang mapaunlad ang inyong barangay? 52

Pagpapayaman ng Talasalitaan Alamin ang kahulugan ng sumusunod na mga salita: parang pastulan pastol napagmuni-muni maaliwalas Brgy. Parang Adapted from Aklat Ng Pagbilao Noong unang panahon, ang Barangay Parang ay isang napakalawak na kaparangan. Ito ay lugar na pastulan ng hayop dahil sa matabang damo at mga halamang pagkain ng mga hayop dito, kung kaya’t dito nagtutungo ang karamihan sa mga nagpapastol ng hayop upang pakainin ang mga alaga nila. Isang araw, may isang lalaki na nagpapastol ng kanyang mga alagang hayop. Habang namamahinga sa ilalim ng puno ay pinagmasdan ang alaga niyang mga hayop na dito’y kumakain at napagmuni-muni niya na napakagandang manirahan dito dahil maaliwalas at masarap ang sariwang hangin sa kapaligiran. Hanggang sa dumating sa kanyang buhay ang isang babae na kanyang pinakasalan. Dito ay sinabi niya sa kanyang asawa na mas mainam na sila’y manirahan na lang sa pinupuntahan niyang kaparangan na pinagpapastulan niya ng mga alaga niyang hayop. Sumang- ayon naman ang kanyang asawa hanggang sa magkaroon na rin sila ng mga supling. Sa paglipas ng panahon, unti-unti nang dumami ang mga tao na nagtayo ng mga bahay nila dito. Ang mga halaman na noon ay sagana ay unti-unti na ring nawawala at napalitan nang mga kabahayan. At nang lumaon nga ay napuno nang mga kabahayan ang lugar at naging isang barangay ng bayan na noon ay maaliwalas at pastulan ng mga hayop. Sa kasalukuyan, ang dating kaparangan na pinagmulan ng isang barangay ay nakilala sa taguring “Parang” o “Barangay Parang” na matatagpuan ngayon sa isang maunlad na bayan, ang bayan ng “Pagbilao, Quezon”. Sagutin ang mga tanong. 1. Paano inilarawan sa kuwento ang Brgy. Parang noong unang panahon? 2. Bakit ito tinawag na parang? 3. Sa iyong palagay, bakit dumami ang tao sa lugar na ito? 4. Kung ikaw ang tatanungin, nais mo bang manirahan sa ganitong lugar? 5. Ipaliwanag ang iyong sagot. 53

Pagpapayaman ng Talasalitaan Alamin ang kahulugan ng sumusunod na mga salita: pamayanan bunganga ng ilog nagsumakit pag-inog ng panahon misyonero kalakalan komersiyo kaakibat kapangahasan Brgy. Pinagbayanan ni: Leah M. Roperez Sa pasimula, ang sentrong bayan o poblasyon ng PAGBILAO ay natatayo sa isang maliit na pamayanan malapit sa tabing dagat. Mayroong dalawampu at limang pamilya ang sa simula ay naglakas –loob, kaakibat ang katutubong kasipagan at kapangahasan ang nagsumikap na linangin ang makapal na gubat na siyang pinagtayuan ng isang maliit na pamayanan hanggang sa dumami ang mga naninirahang tao dito. Ito ang naging sentro ng komersiyo’t kalakalan sapagkat ito ang nagsilbing daungan ng mga sasakyang pandagat noong unang panahon. Dito rin itinayo ang unang simbahan ng St. Catherine Parish at maliliit na pamilihan. Ang unang naging Punong bayan (kapitan ang taguri) ay si G. LUIS FELIPE noong taong 1765. Kasabay ng unti-unting pag-unlad at dahil na rin sa dumaraming bilang ng mga taong naninirahan dito, ang poblasyon o sentrong bayan ng Pagbilao ay napalipat sa kasalukuyang kinatatayuan nito kung kaya’t and dating lugar na malapit sa bandang kanluran ng Ilog Tambak hanggang sa baybaying dagat ay tinawag na Pinagbayanan o Brgy. Pinagbayanan. Sagutin ang mga tanong. 1. Bakit tinawag na Pinagbayanan ang lugar na ito? 2. Paano nagsimula at natatag ang barangay Pinagbayanan? 3. Bakit ito naging sentro ng kalakalan at komersiyo? 4. Sino ang naging unang punong bayan? 5. Sa iyong palagay bakit inilipat ang bayan ng Pagbilao mula sa Pinagbayanan 6. Sang-ayon ka ba dito? Ipaliwanag ang iyong sagot. 54

Pagpapayaman ng Talasalitaan Basahin ang mga pangungunsap. Bigyang pansin ang mga salitang may salungguhit. 1. Ang mga Pilipinong martir na nagtanggol sa ating bayan ay binigyan ng parangal. 2. Malupit ang emperador na namumuno sa kanilang bansa. 3. Ang mga hentil ay grupo ng mga taong naniniwala sa Diyos. 4. Ang mahabang ilog ay tumatahak patungo sa dagat. 5. Ang batang pilosopo ay kinaiinisan ng marami. Brgy. Sta. Catalina Adapted from Aklat Ng Pagbilao Ang kasaysayan ni Santa Catalina, birhen at martir, ay nahihiyasan ng marikit dahil sa kanyang karangalan. Ang ulo niya’y napuputungan ng nagniningning na korona ng kanyang kalinisan at pagtitiis ng kahirapan dahil sa pananampalatayang Katoliko. Ang kanyang mga kamay ay nakapatong sa aklat ng katotohanan ng ating relihiyon. Ang kanyang mga paa ay tumatahak sa gulong na bakal na sinira ng isang milagro gayon din naman ang espadang ipinugot sa kanya na ipinaging martir na maluwalhati. Si Santa Catalina ay anak ng mahal na tao sa siyudad ng Alexandria Africa. Siya ay nabantog dahil sa kanyang kagandahan at karunungan. Ang nagisnan niyang pananampalataya ay kristiyano kaya’t nagkaroon siya ng malaking hilig na matatag ang relihiyong katoliko at siya’y nagpabinyag. Buhat noo’y lalo siyang natanyag dahil sa kanyang malaking kaalaman ukol sa katotohanan ng pananampalatayang binyagan. Nang panahong iyon, ang Hentil na emperador Maximino ay nagdaos ng isang piyesta sa kanilang mga Diyos upang maghandog ng kani-kanilang nakayanan. Dahil dito’y nagpalakad ng utos sa buong nasasakupan niya sa ilalim ng parusang kamatayan, na ang lahatng binigyan ay tumalikod sa Diyos na sinasambaat humanda sa pagkamatay kung hindi susunod. Hindi ito nalingid sa kaalaman ni Santa Catalina at kusang humarap sa itinuring na emperador sa maliwanag at magalang na pananalita lakip ang lakas ng loob at pananalig na di madadaig at ipaliwanag ang katotohanang relihiyong kristiyanismo. Ang emperador Maximino ay nangilalas sa karunungan ng dalaga subalit sa kanyang kahihiyan ay ipinakulong si Catalina sa bilangguan saka ipinatawag at tinipon ang lahat ng mga pilosopo at marurunong sa kaharian upang makipaglaban dito. Si Catalina ay nagpahayag noon nang buong liwanag at lakas, na ang pananampalatayang Kristiyano ay isang tunay na relihiyon. Kaya’t ang mga marurunong na nangaroon ay pawing paniwala at nagsitanggap ng martiryo o mga pahirap alang-alang sa pananampalatayang Katoliko. Dahil dito, ang emperador ay totoong nagalit kay Catalina at naghangad na 55

manaig sa pamamagitan ng pag-amor kay Catalina. Sa lahat ng ito’y tumutol si Catalina. Kahima’t nasa bilangguan ay hindi nagpabayang di nagparangal at ipaliwanag ang relihiyong Katoliko. Dahil dito’y maraming nagsipagbalik-loob at nanalig kay Kristo. Lalong nagalit ang emperador kaya’t dinagdagan ang pahirap sa dalagang si Catalina. Naisip niyang magpahanda ng isang gulong na bakal na pinuno ng mga pako upang magwasak ng kanyang katawan. Ngunit dahil sa panalangin ni Catalina, ang gulong ay nawasak at ang lahat ng nakakita ay naniwala sa kapangyarihan ng Diyos ng mga binyagan. Ang emperador ay natakot sa gulong mangyayari sa bayan. Dahil dito’y pinapugutan agad ng ulo ang walang malay na si kalinis-kalinisang Catalina ng taong 307. Nang namatay na si Catalina, ang kanyang bangkay ay dinala ng mga anghel sa Bundok Sinai, yaong bundok na pinag-abutan ng Diyos kay Moises ng kanyang sampung utos sa bayan ng Israel. Iniingatan ang kanyang bangkay sa malaking kumbento. Sagutin ang mga tanong. 1. Saang lugar isinilang si Santa Catalina? 2. Sinong pinuno ang hindi naniniwala sa Diyos? 3. Sumunod ba si Santa Catalina sa ipinag-uutos ng emperador? Bakit? 4. Kung ikaw si Santa Catalina, susumdin mob a ang utos ng emperador? 5. Batay sa iyong binasa, ano ang patunay sa buhay ni Catalina na mayroong Diyos? Pagpapayaman ng Talasalitaan Basahin ang mga pangungunsap. Bigyang pansin ang mga salitang may salungguhit. 1. Malawak at malaki ang ilog kaya maraming nahuhuling isda. 2. Tahimik na namumuhay ang mga katutubo sa bukid. 3. Tunay ngang nakakatakot ang mga pirata kapag naglalakbay sa dagat. 4. Maraming mga tao ang nakatira sa kabayanan. Brgy. Tambak Adapted from Aklat Ng Pagbilao Sa kabayanan ng kasalukuyang poblasyon ng Pagbilao may isang ilog na kung tawagin ay Tambak. Wala pa noon ang tulay ng Tambak at Ikirin. Sinalakay ng mga piratang Muslim o Moro ang lugar na ito. Lahat ng mga tao na maabutan ng mga 56

pirata ay pinatay. Tinawag na Tambak ang ilog dahil ito ay pinagtambakan ng mga patay na katutubo nang muling salakayin ng mga piratang Muslim ang baybayin ng Look ng Tayabas hanggang sa hangganan ng ilog. Dahil sa pangyayaring yaon, ito ay tinawag na Brgy. Tambak. Sagutin ang mga tanong. 1. Ano ang tawag sa ilog na matatagpuan sa kabayanan ng poblasyon ng Pagbilao? 2. Bakit ito itinawag dito? 3. Sa iyong palagay, bakit ginawang tambakan ng patay ang ilog? 57

58

Pagpapayaman ng Talasalitaan Basahin ang mga pangungunsap. Ibigay ang kahulugan ng mga salitang may salungguhit. 1. Ang kanyang ama ay isang magsasaka. Pinakakasya na lamang nila ang kakarampot na kita upang ibili ng pangangailangan ng pamilya. 2. Bata pa lamang siya ay kumintal na sa kanyang isipan ang kahalagahan ng edukasyon. 3. Malakas ang kanyang determinasyon na makakamit ang pangarap sa buhay. 4. Kahit nagdarahop ay pinilit ng kanyang magulang na siya ay makapagtapos ng pag-aaral. 5. Gayon na lamang ang pagsusumamo ni Ana upang mapagbigyan ang kanyang kahilingan. Ang Guro Kong Kontrabida ni: Marife L. Mendoza Mahirap lang si Baby at maagang naulila sa ama. Lima silang magkakapatid. Tanging ang kanyang ina lamang ang naghahanapbuhay para matustusan ang pangngailangan nilang limang magkakapatid. Hindi sapat ang kakarampot na buwanang pension na naiwan ng kanilang ama. Subalit punong-puno siya ng mga pangarap. Bata pa lamang ay kinakitaan na siya ng kakaibang sikap sa pag-aaral. Kapag may takdang-aralin ginagawa na niya ito sa paaralan kapag may bakanteng oras. Pag-uwi sa bahay tinutulungan niya ang kanyang ina sa mga gawaing bahay. Marami siyang pangarap na sa tuwina’y palaging laman ng kuwentuhan nilang magpipinsan. Sabi ng guro niya walang masamang mangarap, kagaya ito ng nabasa niya sa isang babasahin “Only in dreams a man can be truly free.” Kumintal sa 59

kanyang murang isipan na balang araw matutupad ang kanyang pangarap at matutulungan niya ang nagdarahop na ilaw ng kanilang tahanan. Isang araw, ipinasulat kay Baby at sa kanyang mga kaklase ang kanilang mga pangarap kasama ang isang ilustrasyon. Ayon sa kanyang guro ay dito pipiliin ang siyang magiging kalahok sa isang “Poster Making Contest at paligsahan sa Pagsulat ng Sanaysay” sa kanilang distrito. Ang iba sa kanyang mga kaklase ay nagsulat na gusto nilang maging guro at ang iba naman ay maging piloto, doktor, nars, inhenyero, arkitekto, artista, sundalo at pulis. Mayroon ding nagsulat na gusto nilang maging barangay tanod, tindera sa mall, konduktor, drayber at karpintero. Nakapagpasa na ang lahat samantalang pinag-iisipan pa ni Baby kung isusulat niya ang kanyang pangarap. Nangangamba siyang isulat ang kaniyang totoong pangarap dahil batid niyang pagtatawanan lang siya ng kaniyang guro at mga kaeskwela. Subalit sa bandang huli, nanaig pa rin ang kanyang determinasyon at paninindigan na ipahayag ang kanyang pangarap, at kaagad ay sinulat niya na rin ito habang tila animo’y may nagkakarerang mga daga sa loob ng kanyang dibdib. Lakas loob habang kagat-labi niyang pinakawalan ang salitang “bahala na.” “Ako po si Baby. Pangarap ko po ay magkaroon ng pinakamagandang resort sa ating bayan at pagdating ng panahon ay magkakaroon ng pinakamalaking mall at magiging tanyag dahil sa ipinatayong bahay-ampunan at tatanghaling pinakamayamang tao sa ating bayan. Balang-araw mabibigyan ko rin ng permanenteng hanapbuhay ang nagdarahop kong mga kababayan higit sa lahat ang magandang buhay na ipinagkait sa amin ng kapalaran nang ako ay musmos pa lamang.” Ito ang nilalaman ng kaniyang isinulat na mga pangarap. Dumating ang sandali na kanyang pinangangambahan. Nabasa ito ng kaniyang guro at kaagad niyang ipinatawag si Baby para kausapin. Walang tigil ang pagpatak ng malamig na likido sa kanyang noo na tila isang bagyo kasabay ang malakas na dagundong ng kanyang dibdib na tila ba nagwawala ito. Sinabayan pa ng kanyang mga tuhod na tila isang matanda na nangangailangan ng tungkod upang maihakbang ang kanyang mga paa. Hindi niya mawari ang samu’t-saring imahinasyon at emosyong nararamdaman ng mga sandaling iyon. Hindi niya namalayan kung paano siya nakarating sa silid ng kanyang guro. Umupo siya sa bakanteng upuan sa harapan ng mesa kanyang guro. Kaagad sinabi ang pakay niya kay Baby. Wala man lang siyang pasakalye. “Baby, ibabalik ko sa iyo ang papel mo. Gusto kong palitan mo ito. Isulat mo ang makatotohanang pangarap at huwag ang puro ilusyon mo lamang.” Pinakawalan pa niya ang malulutong na halaklak na tila isang punyal na itinarak sa kanyang dibdib. “Ang sakit naman magsalita ni Ma’am, bulong niya sa sarili.” Tumayo na siya upang lisanin ang tila isang bartolinang silid na iyon. Subalit hindi pa pala tapos si Ma’am. May pahabol pa ito. 60

“Ipasa mo ito sa akin bukas. Hihintayin ko hanggang sa hapon. Kapag hindi mo ito inayos at pinalitan, bibigyan kita ng pinakamababang marka. Tsk, tsk, tsk”, sabay iling ni Ma’am. Tila pinagsakluban siya ng langit at lupa. Hindi niya malubos maisip na ganun ang reaksyon ng kanyang guro sa sinulat niyang pangarap. Kaya pala ganun na lamang ang kanyang naramdaman ng mabatid na ipinatatawag siya ng guro. Nang mga sandaling iyon ay biglang sumagi sa kanyang isipan ang sinabi ng isa pa niyang guro “walang masamang mangarap” at ang nabasa niyang mga katagang “Only in dreams a man can be truly free.” “Bakit kaya ganun si Ma’am?”, mariin niyang tanong sa sarili. Malungkot siyang naglakad pauwi sa kanilang bahay. Dala ang mga tanong sa kanyang isipan kung bakit ganun ang mga katagang namutawi sa labi ng kanyang guro. Pagdating sa bahay nagkuwento siya sa kanyang nanay tungkol sa nangyari sa paaralan at sa sinabi ng kanyang guro. “Nanay, pinapapalitan po sa akin ng guro ko ang isinulat ko. Paano po iyon samantalang eto naman talaga ang pangarap ko. Kapag hindi ko daw po pinalitan ay pinakamababang marka ang ibibigay niya sa akin. Paano na po ang mga pangarap ko? Gusto ko pong makatulong sa mga tao, ang pagsusumamo niyang pakiusap sa ina. “Anak, lubhang imposible naman talaga ang mga sinulat mo. Mahirap lang tayo. Sigurado ako ganyan din ang pumasok sa isipan ng guro mo kaya gayon na lamang ang kanyang reaksyon ng mabasa ang isinulat mo. Nasa sa iyo iyan kung paninindigan mo ang pangarap mo o kung pababayaan mo na lamang na kontrahin ito ng guro mo at maging ng ibang tao. Nasa sa iyo pa rin ang desisyon. Kung ito ang pangarap mo naiintindihan ko. Libre ang mangarap walang bayad iyon”. Niyakap ako ni nanay at sabay humalakhak. Bata ka pa nga. Tandaan mo anak, kapag may tiyaga, may nilaga. Mabait ang Diyos, lumapit ka lang sa Kanya at pagpapalain ka” wika ni nanay. “Napangiti na lang ako sa sinabi ni nanay. Salamat naman at naintindihan niya ako. Ipagdarasal ko na sana pagdating ng araw matupad ang mga pangarap ko. Kinabukasan, kinakabahan na namang pumasok si Baby. Pagkatapos ng klase saka niya ibibigay ang kaniyang papel. Hindi niya ito pinalitan. Paninindigan niya ang kanyang pangarap, lalong hindi siya matatakot na mabigyan ng mababang marka. “Ma’am, wala po akong magagawa kung bibigyan mo po ako ng mababang marka. Ito po ang pangarap ko sa buhay”, paliwanag ni Baby sa kanyang guro. Naiinis man ay walang nagawa ang kanyang guro. Hindi rin siya nito binigyan ng mababang marka. Dumating ang araw ng pagkilala sa mga natatanging mag- aaral. Siya pa rin ang nakakuha ng pinakamataas na parangal. Dahil dito nabigyan siya ng “Scholarship Program” para makapagpatuloy ng kanyang pag-aaral. 61

Nakapagtapos rin siya ng Kolehiyo na may pinakamataas na parangal. Kaagad siyang nagkaroon ng trabaho. Dahil sa sipag at talino kaagad siyang naluklok sa mataas na pwesto. Ipinadala rin siya ng kompanyang kanyang pinaglilingkuran sa ibang bansa upang doon na magtrabaho. Pagkalipas ng maraming taon ay nagkaroon ng pagtitipon sa kanilang bayan. Bibigyan ng parangal ang Natatanging Anak ng Bayan. Imbitado ang lahat ng mga guro sa dati niyang paaralan. Nagulat ang mga tao lalo na ang dating guro ng tinawag ang kanyang pangalan at malaman na si Baby pala ang na may ari ng Multi- National Company na nasa South Korea, Supermalls sa iba’t-ibang probinsiya at Home for the Aged sa kanilang lalawigan. Siya pala ang nakabili ng pinakamalaking resort sa karatig-bayan. Magpapatatayo din siya ng isang pabrika ng mga tela sa kanilang bayan upang mabigyan ng trabaho ang kanyang mga kababayan lalo na ang mga kababaihan. Biglang nanariwa sa isipan ng kanyang guro ang pangyayari noong eskwela pa lamang niya ito. Napahiya siya sa kanyang sarili. Naalala niya na minsa’y pinagbawalan niya ang batang ito na isulat ang kanyang pangarap. Nakayukong lumapit at nagpakumbaba ang guro kay Baby. “Baby, patawarin mo ako. Isang napakalaking pagkakamali ang nagawa ko nang tangkain kong kontrahin at baguhin ang mga pangarap mo. Salamat na lang at nanindigan ka para sa iyong pangarap at ipinaglaban mo iyon. Maraming mag-aaral ang kagaya mo noon na nagbigay ng kasinglaki ng mga pangarap mo pero ibinalik ko iyon sa kanila at ipinabago. Tanging ikaw lamang nanindigan sa pangarap mo kaya naging kontrabida ako sa iyo”, ang mapagpakumbabang pahayag ng guro. Isang matamis na ngiti ang kaniyang tugon sa sinambit na mga paliwanag ng guro. “Malaki po ang utang na loob ko sa iyo Ma’am. Ginawa ko pong inspirasyon ang mga katagang sinambit mo sa akin noon. Marahil ay hindi ko po mararating ang lahat ng ito kung wala pong hamon na dumating sa buhay ko. Nagpapasalamat din po ako sa nanay ko na siyang nagpaunawa sa akin upang magkaroon ako ng sariling paninindigan. Bilang ganti at papasalamat sa mga biyayang ipinagkaloob sa akin ng Maykapal ay ibinabahagi ko sa aking kapwa kung ano man ang mga pagpapalang aking natatanggap.” Inakbayan niya ito at sabay nilang tinungo ang mahabang upuan upang doon ipagpatuloy ang kanilang kwentuhan. Sagutin ang mga tanong. 1. Tungkol saan ang kuwentong iyong binasa? 2. Paano inilarawan ang bata sa kuwento? 3. Ano ang ipinagawa sa klase ng kanilang guro? 4. Bakit ipinatawag si Baby ng kanyang guro? 5. Sa iyong palagay, tama ba ng ginawa ng guro kay Baby? Ipaliwanag ang iyong sagot. 6. Paano nakatapos ng pag-aaral si Baby? 62

7. Kung ikaw si Baby, gagawin mo rin ba ng kabutihang asal na ipinakita niya sa kanyang dating guro? Ipaliwanag ang iyong sagot. Pagpapayaman ng Talasalitaan Basahin ang mga pangungunsap. Bigyang pansin ang mga salitang may salungguhit. 1. Napakabait niya kaya marami ang nagmamahal sa kanya. 2. Siya ang pinakamasipag na taong aking nakilala. 3. Mas masaya kami kapag sama-samang kumakain at nagkukuwentuhan. 4. Maputlang maputla ang kulay ng kanyang mukha dahil sa malubhang karamdaman. 5. Hindi niya nabili ang pagkaing masarap dahil ubod ng mahal. Basahin ang kuwento. Ang Buhok ni Porsha ni: Marife L. Mendoza Si Porsha ay isang ulirang guro at ina. Napakabait niya at lubhang masayahin. Walang araw at oras na di niya napapasaya ang kaniyang mga kasamahang guro. Sa tuwi-tuwina ay malulutong na halaklakan at tawanan ang maririnig mo kapag tapos na ang oras ng klase. Hindi masaya ang birthday party kapag hindi niya kinantahan at sinayawan ang kaniyang mga kasamang guro lalo na ang may kaarawan. Walang pagsidlan ng tuwa ang kanilang pinakamasipag at pinakamabait na District Supervisor - Aurea Gandia gayundin ang pinakamaganda at pinaseksing principal ng Pagbilao Central Elementary School - Bea De Castro sa tuwing sila ay iimbitahan sa isang munting salo-salo. Pagsapit ng ikaapat ng hapon sa pagtatapos ng klase at uwian ng mga mag- aaral. Lahat ng mga bata ay nakangiting uuwi sa kani-kanilang tahanan dala-dala ang saya na dulot ng maghapong pagtuturo ni Ma’am. “Sana po mas masaya tayo bukas kahit po lubhang napakarami ng aming pinag-aaralan,” wika ni Mikaela sa kaniyang guro. “Ha, ha, ha,” ang malutong na halaklak na maririnig mo kay Porsha kasabay ang mga katagang “araw-araw tayo magiging masaya basta’t sama-sama.” 63

Isang araw, napuno ng pag-aalala ang buong paaralan mga mag-aaral, magulang at higit sa lahat ang mga guro. Ito ang pinakamalungkot na sandali na dumating sa buhay ng bawat isa. “Nasa ospital si Ma’am, mahinang –mahina. Halos hindi mo maririnig ang tinig na nagmumula sa kaniyang mga labi. Maputlang-maputla siya. May tubong nakakabit sa kaniyang tagiliran upang makatulong na guminhawa ang kaniyang pakiramdam. Kailangan mong alalayan upang siya ay makabangon at sandaling makaaupo sa kaniyang higaan”, ang balita ni Dora sa kaniyang mga kasamahang guro pagdating niya sa paaralan. Ang dati niyang maganda, maitim at maiksing buhok, mas maiksi pa ngayon. Hindi na niya malalagyan ng magandang sombrero, cute na laso at mas malaking hairband. Makalipas ang ilang araw ng pamamalagi niya sa ospital at nakaratay sa banig ng karamdaman unti-unti nalalaglag ang maiksi niyang buhok hanggang sa maubos ito. Hindi na rin siya makakain ng maayos. Tanging ang gatas lamang na nakakabit sa dextrose na ubod ng mahal ang nagbibigay ng lakas at pag-asa para siya lumaban at muling mamutawi ang sigla ng kaniyang katawan. “Salamat sa Diyos, makakauwi na ako ng bahay at doon na lamang magpapagaling”, wika ni Ma’am. Muling nanumbalik ang sigla ng kaniyang mga kasamahan. Nakakausap na nila si Ma’am. Nagkaroon ng pagbabago ang kaniyang pakiramdam. Mas malakas na siya ngayon. Kahit nahihirapan, muli na naman siyang makikipaglaban sa kaniyang nakamamatay na karamdaman ang breast cancer alang-alang sa kaniyang mga minamahal. Makalipas ang ilang buwan muli na namang sinubok ang kanyang katatagan. Subalit isang araw bigla na lang siyang natumba sa kanyang kinatatayuan. Wala nang nagawa ang mga doktor sa ospital na pinagdalhan sa kanya. Ito na pala ang huling sandali na siya ay aming masisilayan. Sa piling ng Poong Maykapal wala na siyang hirap at sakit na mararamdaman. Paalam mahal naming kaibigan. Sagutin ang mga tanong. 1. Tungkol saan ang kuwento? 2. Paano inilarawan si Porsha? 3. Ano ang nangyari sa dating masayahin at masiglahing si Porsha? 4. Ano-ano ang mga salitang may salungguhit? 5. Ano ang tawag sa mga salitang may salungguhit? Piliin ang hambingan ng pang-uri sa mga sumusunod na pahayag. 1. Walang kasinghusay ang batang sumayaw ng Tala. 2. Mas tahimik sa bayan ng Pagbilao kaysa sa Metro Manila. 3. Kapwa magagarang kotse at bahay ang napanalunan ng mag-asawa mula sa programang “Pera o Kahon” ng Wowowin. 4. Lalong tahimik ang buhay sa nayon kaysa sa siyudad. 64

5. Higit na magalang ang mga mag-aaral noon kaysa sa ngayon. Punan ng angkop na salita ang mga pangungusap ayon sa iyong sariling karanasan. Isulat ang sagot sa iyong sagutang papel. 1. Dumalo ako sa pistahan sa bayan ng Pagbilao. Marami akong kinain kagaya ng __________, ___________ at ________. Sumali ako sa mga ________ at _________ng street dancing sa plasa. 2. Tuwing buwan ng _________, nagdiriwang ang aming bayan ng kapistahan. Dito masaya ang mga _______. Maraming handang pagkain tulad ng _________at _______ sa halos lahat ng bahay. 3. Tuwing araw ng Pasko, masaya kami sa aming bahay. Naghahanda ang aking ina ng masasarap na ___________. Sabay-sabay kaming pumupunta sa _________ upang magpasalamat sa Dakilang Lumikha. Pumupunta rin kami sa aming ______ at _______upang humahalik sa kanilang mga kamay. Pagpapayaman ng Talasalitaan Ibigay ang jahulugan ng sumusunod na mga salita. Alin sa mga salita ang maiuugnay mo sa iyong sariling karanasan. 1. kinalakihan _________________ 4. mahiwaga _______________ 2. bisita __________________ 5. parke _______________ 3. pagmumukmok _____________ Basahin ang maikling kuwento at sagutin ang mga tanong. Bakit Malungkot si Ericka ni: Marife L. Mendoza Bagong lipat sa Pagbilao sina Ericka dahil natanggap ang tatay niya sa bagong planta sa Ibabang Polo. Malungkot si Ericka dahil sa iniwan niya ang mga kaibigan maging ang bahay na kinalakihan niya. Wala siyang kaibigan dito sa Pagbilao ngunit palagi siyang binibisita ng bagong kapitbahay na si Meg. “Tama na ang pagmumukmok, Ericka! Dala ko ang aking asong si Sidney gayundin ang mahiwagang bilao na bigay ni Lola Ising. Halika at sumakay tayo sa mahiwagang bilao. Maglalakbay tayo sa buong Pagbilao!” “Sige, sabi ng kaklase ko mayroong magandang parke dito sa Pagbilao na makikita sa gitna ng kabundukan gayundin ang Pinagbanderahan.” 65

Hangang-hanga si Ericka sa kanyang mga nasaksihan. Nanlalaki ang kanyang mga mata dahil sa kagandahan ng lugar. Masayang-masaya silang umuwi dala-dala ang magandang karanasan sa ginawa nilang paglalakbay. Sa wakas mayroon na siyang bagong kaibigan. A. Sagutin ang mga tanong. 1. Sino ang batang bagong lipat sa Pagbilao? 2. Bakit sila lumipat sa Pagbilao? 3. Bakit malungkot si Ericka? 4. Paano nag enjoy si Ericka sa bagong lugar na kanilang nilipatan? 5. Kung ikaw si Ericka, payag ka ba na umalis sa lugar na iyong kinalakihan? B. Isulat ang mga salita na maiuugnay mo sa salitang pista batay sa sarili mong karanasan. Handa pista Pagkain Alamin ang kahulugan ng mga salita at buuin ang puzzle. Sumulat ng pangungusap gamit ang mga salita at iugnay sa sariling karanasan. Isulat ang sagot sa iyong sagutang papel. 66

Basahin nang malakas ang kuwento at sagutin ang mga tanong. Ang Aking Idolo ni: Janell O. Laureta “Itay, halika na po at magsisimula ang pelikulang Rizal sa Dapitan,” ito ang sigaw ni Jaymer habang nagmamadaling inaayos ang upuan na gagamitin nila ng kanyang ama sa panonood ng pelikula. “Simula na ba anak? tanong ni Mang Amado. Pinakita na ba aking idolo? dagdag pang tanong ni Jaymer. “Kanina po ama, pinakita ang larawan ng idolo mo pong si G. Roy Alvarez,” magalang na sagot ni Jaymer. “Itay, sino si Roy Alvarez? Bakit mo po siya idolo?” biglang tanong ni Jaymer sa ama. “Bata pa lang ako anak ay paborito ko na yang si Roy Alvarez. Alam mo bang kababayan natin siya? sagot ni Mang Amado. “Talaga ba itay? pero paano po nangyari yun? usisa ni Jaymer. “Si G. Roy Alvarez, ay dito ipinanganak sa ating bayan ng Pagbilao noong ika- 23 ng Marso taong 1950. Ang tunay niyang pangalan ay Leandro Delantar Alvarez,” paliwanag ni Mang Amado. “Ang galing naman itay, meron po pala tayong kababayan na sikat na artista,” nagmamalaking sabi ni Jaymer. “Oo naman anak, mahuhusay naman ang mga mamamayan dito sa Pagbilao. Maraming mga talento at isa nga si G. Roy Alvarez sa mga pinagmamalaki natin,” dagdag na sabi ni Mang Amado. “Nakita mo na siya itay ng personal?” muling tanong ni Jaymer. “Maraming beses na anak, maliit ka pa noon ay madalas siyang umuuwi dito sa atin. Minsan nga nakakasalubong ko pa siya sa kalsada kapag ako pupunta sa palengke,” sagot ng ama. “Nakakausap mo din po ba siya ama?”, dugsong na tanong ni Jaymer “Aba! Oo anak, mabait na tao yang si Roy Alvarez. Hindi din siya suplado, mahilig siyang makipag-usap sa tao. Natatandaan ko pa nga, lagi niyang pinapaalalahanan ang mga tao sa tamang paghihiwalay ng basura, “paliwanag ni Mang Ambo. “Mahusay po pala talaga si G. Roy Alvarez sa pelikula man o sa tunay na buhay,” sagot ni Jaymer. “Oo anak, kaya lang maaga din siyang kinuha ng Diyos. Sa edad na animnapu’t tatlo ay pumanaw na siya. Nakakalungkot at hindi na siya muling makakagawa ng mga pelikula,\" dagdag na sabi ni Mang Ambo. “Tama ka nga itay. Pero huwag ka pong mag-alala dahil maaari mo pa ding mapanod ang kanyang mga pelikula sa telebisyon,” sabi ni Jaymer 67

“Kaya nga anak, salamat na lang at pinapalabas pa din dito sa Cinema One ang mga dating pelikula na kasama si Roy Alvarez. Ilan nga sa mga paborito ko ay itong Rizal sa Dapitan at ang A Dangerous Life,” paliwanag pa ng ama. “Idolo mo po talaga siya itay kasi natatandaan mo pa ang mga pamagat ng kanyang mga pelikula,” masayang sambit ni Jaymer. “Ikaw talagang bata ka! Manood na nga lang tayo nitong pelikula,” sagot ni Mang Ambo sabay ngiti at hawak sa ulo ng anak. Tahimik na nanood ng pelikula ang mag-ama. Muling nagbabalik sa alaala ni Mang Amado ang mga panahong nakakwentuhan pa niya ang kanyang idolo. Tunay na hindi niya malilimutan ang kabutihan nito at galing sa pagganap sa mga pelikula. Tanong: 1. Tungkol saan ang kuwentong iyong binasa? 2. Saan at kailan ipinanganak si G. Roy Alvarez? 3. Paano isinalaysay ng ama ni Jaymer ang kanyang paghanga kay Roy Alvarez? 4. Paano siya naging idolo ni Mang Amado? 5. Kung ikaw ang tatanungin gusto mo bang mapanood ang kanyang mga pelikula? Bakit? 68

69

Pagpapayaman ng Talasalitaan: Kakanin – miryenda Bikang na kamote – dikit-dikit na pritong kamoteng may harina tumambad – Nakita napukaw - nagising pangmasa - para sa karamihan tunghayan – tingnan Bikang na Kamote: Kakaning Pangmasa ni: Melanie A. Villanueva Ako si Titser Melai, isang hapon sa aking paglalakad makalampas ang simbahan ng St Catherine of Alexandria sa bayan ng Pagbilao, lugar kung saan ako nagtuturo, binaybay ko ang kahabaan ng kalsada patungo sa bilihan ng paborito kong inihaw na manok sa Andoks. Pero bago makabili ng ulam ay nabusog na ako. Alam mo ba kung bakit? Ang nais ko lamang ay makabili ng ulam para sa aming hapunan sapagkat ako ay pagod na pagdating sa bahay at hindi ko na magagawa pa ang magluto ng ulam. Napukaw ang aking pansin sa isang kanto na may mga taong nakapila at may binibili. Kung kaya’t nakiusyoso din ako kung ano ba ang meron sa kanto na iyon. Tumambad sa aking harapan ang kawali na may mainit na mantika at kakaning bikang na kamote. Mabango ng amoy nito. Ito pala ang hinihintay maluto ng mga bumibili na nakapaligid doon. Agad akong nakipila upang bumili sapagkat masarap itong kainin habang mainit pa at bagong luto. Pangkaraniwan na ang kakaning kamote sa bawat bayan na aking napuntahan subalit ang bikang na kamote na ito ay masarap at iniluluto lamang kapag oorder ka para mapanatili ang lutong at kalidad ng lasa nito. Mahilig ako sa kahit anong luto ng kamote mula sa pagkabata subalit alam ko na mahirap gayatin sapagkat matigas ang kamote kaya naghahanap na lang ako ng masarap magluto nito at sa wakas ay aking natagpuan ito sa bayan ng Pagbilao. Ang kaya ko lamang gawin ay ilaga ang kamote subalit nakakasawa kung puro nilaga lamang. Lumaki ako sa linang subalit hindi ko pa nasubukan magluto ng bikang na kamote kaya’t inalam ko ang teknik at simpleng resipe nito at kung paano ito iluto ng hindi masusunog pero mapananatili ang “crispiness”. 70

Halikayo! Ating tunghayan at alamin kung ano ba ang mga sangkap ng bikang na kamote. Malay nyo maisipan ng nanay ninyo na gawing negosyo ito ngayong panahon ng pandemya. Bikang na Kamote SANGKAP: Kagamitan Sa Pagluluto: 1. Kamote 1.Kawali 2. Harina 2. Tong 3. Asukal 4. Mantika 5. Food Color Paraan ng Pagluluto: 1. Balatan ang kamote pagkatapos ay hugasan. 2. Hiwain ng pahaba na makitid ang kamote. 3. Timplahan ng harina sa tubig na kaunti upang lumapot. 4. Ilubog ang hiniwa na kamote sa timpladong harina. 5. Ihulog sa kumukulong mantika ang kamote hanggang maluto. 6. Salain ang nalutong kamote at ihain. Hayan alam na natin kung paano gumawa ng bikang na kamote. Masustansya at walang halong preservatives ang kakaning ito. Mura lamang ang kilo ng kamote at abot kaya ang presyo ng mga sangkap. Subukan nating magluto nito sigurado ako matutuwa ang mga magulang nyo kapag natuto kayong magluto ng kakaning ito. Maaari kayong magsimulang magbenta sa mga kapitbahay at kaibigan o kaya ibenta online. Swak na swak ito sa panahon ng pandemya. Isang kakaning pangmasa paborito ng pamilya. Mga Tanong: 1. Ano ang kakaning nabanggit sa kuwento? 2. Ano ano ang mga sangkap sa pagluluto nito? 3. Isa-isahin ang mga paraan ng pagluluto ng bikang na kamote. 4. Kung ikaw ay papipiliin ng miryenda, alin ang pipiliin mo, french fries o bikang na kamote? Ipaliwanag. 5. Kung ikaw ang tatanungin kaya ba ng mag-aaral na tulad mo na makapagluto ng bikang na kamote? Ipaliwanag. 71

Basahin nang malakas ang kuwento. Ang Sinukmani Ni Ina ni: Janell O. Laureta Paano na tayo inay? Malungkot na tanong ni Nathan. Ilang linggo na din ang nakalipas nang magsimulang maglockdown sa kanilang lugar dulot ng COVID-19. Hindi pa din lubos maisip ni Nathan kung paano sila mabubuhay ngayong nawalan nang trabaho ang kaniyang mga magulang. Nakatira sa bayan ng Pagbilao ang pamilya ni Nathan. Masaya siyang namumuhay kasama ang kanyang ina na si Aling Susan at ama na si Mang Arturo. Pagtitinda ng kakanin ang pangunahing pinagkukunan nila ng pang-araw-araw na gastusin bukod sa pagiging tanod ni Mang Arturo sa kanilang barangay. Mahusay gumawa ng sinukmani si Aling Susan. Dinarayo ng mga tao ang masarap, malagkit at matamis niyang sinukmani. Ang sinukmani ay isang kakaning kilala sa bayan ng Pagbilao. Ito ay gawa sa malagkit na bigas. Ang mga sangkap nito ay, niyog, asukal, gata ng niyog na nilagyan sa ibabaw ng latik. Sa halagang sampung piso ay maaari mo nang tikman ang sinukamani ni Aling Susan. Subalit, biglang nahinto ang kanyang paggawa ng sinukmani. Nalungkot ang ina ni Nathan sapagkat hindi na ito makagawa ng sinukmani. Ramdam ni Nathan ang saloobin ni Aling Susan sa tuwing nagkukwento ito tungkol sa paggawa ng sinukmani. Nakikita niya ang saya sa mukha nito. Kaya isang araw, nagpatulong si Nathan sa kanyang Tiya Jobelle na makabiling muli ng mga sangkap ng sinukmani para sa kanyang inay. Ginamit ni Nathan ang kanyang naipong pera mula sa baon niya dati sa pagbili ng mga sangkap. “Ano ito? “gulat na tanong ng kanyang ina. “Regalo ko po yan sa inyo inay. Alam ko po kung gaano mo na gustong makapaglutong muli ng sinukmani, kaya po nagpatulong ako kay Tiya Jobelle na bumili ng mga sangkap para dito, “wika ni Nathan. “Pero anak, saan galling ang pera mo? Tanong ni Aling Susan. “May naipon mo ako dati mula sa aking mga baon, inay.” Sagot ni Nathan. Hayaan mo inay, darating ang araw at makakagawa kang muli ng sinukmani. Sa ngayon ay, halika ka na inay, igawa mo na kami ni itay ng masarap at matamis mong sinukmani,” Dagdag pa ni Nathan. Naluluhang tumingin at niyakap ni Aling Susan ang kanyang anak na si Nathan. “Maraming Salamat anak, pinasaya mo ako,” sambit ni Aling Susan. 72

At nagsimula nang gumawa si Aling Susan ng sinukmani para sa kanyang mag-ama. Tanong: 1. Tungkol saan ang kuwentong iyong binasa? 2. Bakit malungkot si Nathan? 3. Ano ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya? 4. Ano ang katangian ni Mang Arturo? 5. Ano-ano ang mga sangkap na ginamit sa paggawa ng sinukmani? 6. Paano ipinakita ni Nathan ang pagmamahal sa kanyang ina? 7. Kung ikaw ang tatanungin, ano ang gagawin mo upang makatulong sa iyong mga magulang sa panahon ng pandemya? Pagpapayaman ng Talasalitaan Basahin ang mga pangungusap at alamin ang kahulugan ng mga salitang may salungguhit. 1. Malaki ang naitutulong ng mga magsasaka sa ekonomiya ng ating bansa. 2. Ang kusinero naghahanda ng mga pagkain na inihahain sa iba’t- ibang uri ng mga pagtitipon. 3. Ang maybahay ni Tatay Mulo ay isang ulirang ina. 4. Kinahiligan niya ang pagluluto ng patis na alamang. 5. Maraming mga Pilipinong balikbayan ang nais matikaman ang masasarap na pagkain sa Pagbilao. Basahin nang malakas ang kuwento at sagutin ang mga tanong. Ang Patis ni Tatay Mulo ni: Leah M. Roperez Si Tatay Mulo ay dating magsasaka at mangingisda. Masarap din siyang magluto kaya naman madalas imbitahan sa mga piyestahan at kasalan upang maging kusinero. Ngunit sa bandang huli naging magtitinda na lamang siya ng gulay sa palengke. Sa kagustuhan niya na madagdagan pa ang kita sa pagtitinda upang maiabot sa kaniyang butihing maybahay at magkaroon ng ipon para sa kinabukasan ng kaniyang pamilya, at higit 73

sa lahat ay upang magawa pa din ang bagay na gustong gawin, ang kaniyang kinahiligan - iyon ay ang pagluluto. Naisip niya na magluto ng isang pang-ulam ng matatanda noong unang panahon, ang patis na alamang. Ito ay itinitinda niya sa palengke hanggang sa naging tanyag na sa mga Pagbilawin. Nagkaroon siya ng maraming mga suki maging sa mga karatig bayan. Sa kalaunan ay maraming mga Pilipinong balikbayan ang naorder sa kanya. Dinadala o ipinadadala ito sa ibang bansa upang gawing pasalubong sa mga kababayang nakatira na doon. Ngunit dahil sa sobrang kasipagan at magandang layunin para sa kinabukasan ng kaniyang pamilya, nagkasakit si Tatay Mulo kung kaya't hindi na siya makapagluto nito ngunit ito naman ay naituro niya sa kanyang anak. Ngayon nga ay siya na ang nagpapatuloy sa naiwang gawain ng kaniyang ama. Kagaya ang ng lasa ng luto ni Tatay Mulo sa Patis Alamang kaya hanggang sa kasalukuyan ito ay tinatangkilik pa rin ng marami sa ating mga kababayan. Kung nais ninyong magluto ng patis na alamang narito ang mga sangkap at paraan ng pagluluto na ipinamana ni Tatay Mulo sa kaniyang anak. Alamang de gata (PATIS ALAMANG) Mga Sangkap: 1 kl alamang (binabad sa asin) 1 kl gata 1 kl asukal pula 5 piso luya 5 piraso dahon ng kalamansi (murang dahon) Paraan ng Pagluluto: 1. Pigain ang alamang ihiwalay ang katas 2. Hugasan ang alamang n kinatas 3. Pinuhin ang alamang n kinatas 4. Balatan ang luya at tadtarin ng pino 5. Pagsama-samahin ang alamang, luya, katas ng alamang at gata. Ilagay sa isang kawali at isalang sa apoy. Haluin nang bahagya hanggang sa kumulo. Hintaying kumati, kapag kumati na sa unang kulo ilagay ang asukal at konting pampalasa (ajinomoto). Haluin nang bahagya hanggang sa kumulo ng pangalawa. Isama ang dahon ng kalamansi. Huwag ititigil ang paghalo sa pangalawang kulo hanggang sa kumati. Iwasang magtutong ang kawali dahil makaaapekto ito sa lasa. Pwede ring sahugan ng talong habang niluluto at masarap na ihain kasama ito. Sa pamamagitan nito pwede rin kayong maging tanyag kagaya ni Tatay Mulo at malay mo ito ang maging daan upang gumanda ang buhay ng inyong pamilya. Di natin masasabi ang takbo ng panahon at kapalarang naghihintay sa atin. 74

Kinakailangan lamang ang ibayong sipag, tiyaga at pananalig sa Panginoon upang makamit natin ang inaasam na tagumpay. Tanong: 1. Tungkol saan ang kuwentong iyong binasa? 2. Ano ang hanapbuhay ni Tatay Mulo? 3. Paano ipinakita ni Tatay Mulo ang pagmamahal sa kaniyang pamilya? 4. Sa iyong palagay, bakit tinangkilik ng maraming Pagbilawin ang patis alamang niya? 5. Batay sa iyong nabasa, paano mo maipagmamalaki ang mga bagay na mayroon sa bayan ng Pagbilao? 6. Kung nais mong maging tanyag, sa anong larangan mo nais ito ipakita upang higit na makilala ang bayan ng Pagbilao? Alamin Hanapin sa diksyunaryo ang kahulugan ng sumusunod na mga salita at gamitin sa sariling pangungusap. 1. swak na swak 6. maluwalhati 2. pihikang panlasa 7. video call 3. pumatok 8. engkanto 4. community quarantine 9. musmos 5. bagot na bagot 10. Meryendang Swak na Swak! ni: Marife L. Mendoza Bagot na bagot na ako sa aming bahay sa Pampanga. Nakakasawa din ang community quarantine na umiiral sa ating bansa. Kaya ng minsang magyaya ang aking ama upang sorpresahin sa ika-70 kaarawan ang aking lola sa Pagbilao ay naisipan kong sumama upang makita ko rin ang aking mga pinsan na mahigit isang taon ko nang hindi nakikita simula ng ipatupad ang community quarantine. Tanging sa video call ko na lang sila nasisilayan at nakakakwentuhan. Nakarating kami ng maluwalhati sa bayan ng Pagbilao. “Tara na, sakay na, kukunin natin ang inorder kong mga pagkain para ihanda sa kaarawan ni Nanay Ising”, ang malakas na sigaw ni Tita. 75

Dali-dali kaming sumakay sa van ng mga pinsan ko upang makarating man lang sa bayan. Nakuha na namin ang iba sa mga inorder na pagkain ni Tita. Muntik ng makalimutan ang litson manok na kailangang bilhin sa Baliwag litson. Doon pumarada ang aming sasakyan malapit sa may simbahan. Napansin ko ang isang may edad ng babae na nagluluto ng kakanin na kulay ube at medyo maitim. Naalala ko tuloy ang kuwento ni lola tungkol sa pagkain ng mga engkanto noong ako ay musmos pa lamang. Eto ay dahil sa kulay ng pagkain na nasa aking harapan. “Wow sarap naman”, sabi ni Nicole sabay turo ng pinsan ko sa kakanin na kanina ko pa tinitingnan. Bigla siyang bumaba ng sasakyan at dumampot ng isang piraso na nakapatong pa sa dahon ng saging. Kinagat niya kaagad ang pagkain. “Hmmm yummy”, kumuha pa siya ng isa at iniabot sa akin. Napakabango ng amoy nito at mukhang masarap kaya kaagad ko rin itong isinubo. “Masarap nga. Ngayon lang ako nakatikim nito. Ano po ang tawag dito? Magkano po ang isa nito?”, ang sunod-sunod kong tanong sa babaeng nagluluto. “Iyan ang Marhuyang Parirutong. Sampung piso ang isa”, nakangiting tugon ng babae. Kaagad akong nagpabalot ang 5 piraso. Ipatitikim ko sa aking mga kapatid at nanay na naiwan sa bahay ni Tita. Tiyak magugustuhan din nila ang lasa nito. Kakaibang pagkain, wala nito sa amin. Masarap na mura pa! Nais mo bang matikman ang pagkaing pumatok sa aking pihikang panlasa? Napakasarap, masustansya at murang-mura pa siguradong mabubusog ka. Kung gayon ihanda mo na ang mga sumusunod: Marhuyang Parirutong Mga Sangkap (1 kl) 400 grams parirutong na malagkit 250 grams rice 250 grams malagkit rice 750 grams brown sugar 1/2 alangan na niyog (kinayod) 1 small can condensed milk (kapag gusto lang) Paraan ng Pagluluto: 1. Ibabad sa isang lalagyan na may tubig ang parirutong na malagkit (huwag huhugasan, mawawala ang kulay). 2. Sa isang lalagyan naman ay pagsamahin ang rice at malagkit rice, hugasan ng 7 beses. Pagkatapos hugasan lagyan ng sapat na tubig at hayaang nakababad ng 6 na oras. 3. Pagkatapos ng 6 na oras ilahok ang parirutong na malagkit, haluin, tapos ipagiling. Bago ipagiling lahukan ng 1 dakot na kaning bahaw para hindi dumikit sa kawali kapag niluluto. 4. Pagkagiling ilahok na ang asukal at kinayod na alangang niyog (at gatas kapag gusto lang). 76

5. Sa kawali lutuin sa maraming mantika ang 1 pirasong itlog. Kapag luto na isalin sa mangkok, yan ang gagamitin pagpapahid ng mantika sa kawali gamit ang paklang ng dahon ng saging. Tanong: 1. Bakit sila nagpunta sa bayan ng Pagbilao? 2. Paano natuklasan ng bata sa kuwento ang pagkaing noon lamang niya nakita at natikman? 3. Ano ang tawag sa pagkaing ito? 4. Kung ikaw ay myroong bisita na nagmula sa ibang lugar, gagawin mo rin ba ang ginawa ni Nicole na ipatikim ang pagkain na sa inyong lugar lamang matitikman? 5. Ipaliwanag ang iyong sagot. Alamin Basahin ang mga pangungusap ibigay ang kasingkahulugan ng may salungguhit na mga salita. 1. Nagkaroon ng masaganang ani ng palay si Leo dahil sa pataba na kanyang ginamit. 2. Mahigpit na sumusunod sa mga pamahiin ang sinaunang matatanda. 3. Simula ng iwan sila ng kanilang ama isang kahig isang tuka ang nagging buhay nila. 4. Masarap ang palitaw kapag binudburan ng linga at asukal. Pampaswerteng Pagkain ni: Marife L. Mendoza Ilang oras na lang bago magpalit ng taon. Abalang-abala si nanay sa paghahanda ng mga pagkaing aming ihahanda sa pagsalubong sa bagong taon. Kumpleto ang 12 iba’t-ibang bilog na sa hapag at pinipili rin ng aking ina ang paglalagay lamang ng matatamis na uri ng prutas dahil sa paniniwalang makapagdudulot ito ng maunlad at masaganang buong taon. Bakit nga ba 12 at bilog ang prutas na halos makikita sa hapag kainan ng mga Pilipino tuwing sasapit ang bagong taon? Pampaswerte ang mga ito ayon sa kwento ng mga sinaunang matatanda. Ika nga marahil ay sumisimbolo ito sa 12 buwan sa isang taon at ang bilog ay sumisimbolo naman sa 77

pera. Mayroon din namang naghahanda ng pansit at spaghetti para humaba ang buhay. Pag-iwas sa anumang putaheng may sangkap na manok upang hindi maging isang kahig isang tuka. Malaki ang naging impluwensya ng mga pamahiin sa buhay nating mga Pilipino lalo na sa tuwing sasapit ang bagong taon na nagiging basehan ng tagumpay. Naputol ang aking pagmumuni-muni ng bilang tinawag ni nanay ang aking pangalan. “Anak pumunta ka sa bayan at ipagiling mo ang malagkit. Magluluto tayo ng palitaw upang maging masagana ang ating pamumuhay sa loob ng isang taon”, ang wika ni nanay. Sabagay taon-taon ay hindi kami nawawalan nito. Minsan na ring nagkuwento si inana noong ako ay bata pa lamang. Ang palitaw di umano ay nakatutulong upang maging magaan ang pasok ng pera. Hindi ka maghihirap sa isang buong taon. Aniya dito umano nakasalalay ang magiging kita ng pamilya. “Opo nanay”, ang mabilis kong tugon. Kaagad kong binuhat ang maliit na timba na may nakababad na malagkit at saka ako sumakay ng tricycle patungong bayan. Mahaba ang pila sa gilingan sa palengke. Ang ibang ngpapagiling ay gagawing kalamay. Makalipas ang kalahating oras ay nagiling din ang dala-dala kong malagkit. Sumakay muli ako ng tricycle patungo sa aming bahay. “Anak, ikaw na ang bahala diyan, kaya mo na namang butuyin at lapadin ang giniling na malagkit”, wika ni nanay. Kumuha ako ng malapad na pinggan upang doon ilagay ang binotoy at pinalapad na malagkit. Libang na libang ako habang ginagawa ko ito hanggang sa mapuno na ang pinggan at maubos na ang malagkit na aking ipinagiling. “Magkayod ka naman ng niyog at ilalagay natin sa ibabaw kapag luto na ang palitaw. Lalagyan din natin ng linga upang mas lalong maging masarap”, dugtong pa ni nanay. Unang niluto ni nanay ang palitaw. Nang maluto na lahat ang aking binutoy at pinalapad. Pinahiran ko ito ng asukal, binudburan ng kinayod na niyog at linga. Iniayos ko na rin ito sa malaking bandehado at nilagyan ng palamuting french fries, kamatis, at lettuce sa paligid nito. Narito ang mga sangkap at paraan ng pagluluto ng palitaw kung nais mo rin siyang ihanda sa iyong hapag kainan tuwing bagong taon. Palitaw Mga Sangkap 4 tasa ng malagkit (ayon sa inyong nais na dami ng malagkit) 1 kinayod na niyog 1 tasa ng puting asukal 3 tbsp sesame seeds o linga (isangag ito hanggang sa magkulay brown) 78

Paraan ng Pagluluto 1. Ilagay ang giniling na malagkit sa isang bowl. 2. Unti-unting lagyan ito ng malamig na tubig habang hinahalo. Dapat ay yung tama lang ang lambot ng galapong. 3. Habang ginagawa ang #2, magpakulo na ng tubig sa isang kaserola. 4. Kumuha ng kapirasong galapong at bilugin sa kamay at saka i-press para lumapad. 5. Ihulog ito sa kumukulong tubig at hintaying lumutang. 6. Kapag lumutang na hanguin ito sa isang lalagyan. 7. Igulong ang nilutong paliyaw sa kinayod na niyog. 8. Lagyan ng pinaghalong asukal at sinangag na linga sa ibabaw. Tanong: 1.Bakit sila abala sa paghahanda ng mga pagkain? 2. Ano-ano ang paniniwala ng mga tao hinggil sa paghahanda ng pagkain tuwing bagong taon? 3. Paano nakaimpluwensya sa buhay ang pamahiin buhay ng mga Pilipino? 4. Kung ikaw ang tatanungin, ganito rin baa ng inihahanda nyo sa kapag kainan tuwing bagong taon? 5. Ipaliwanag ang iyong sagot. Bugtungan Tayo Ibigay ang sagot sa mga bugtong na nakasulat sa ibaba. 1. Araw gabi nakanganga Naghihintay ng parusa ______________________ 2. Bulaklak muna ang dapat mong gawin, Bago mo ito kainin ______________________ 3. Hindi Linggo, hindi pyesta, Naglawit ang bandera ______________________ 4. Ang ulo’y nalalaga Ang katawa’y pagala-gala _____________________ 5. Kutsara, kahon, o lata Tagasukat kung ang dami ay tama na __________________ 6. Mababaw man kung ituring Patutunguhan naman ay malalim _____________________ 79

Sikreto ni Kuya Poling ni: Marife L. Mendoza Adapted from https://www.google.com.ph/search?q=nilupak+na+saging+history Malakas ang nagdaang bagyo tiyak marami na naman ang natumbang tanim na saging sa kaingin ni Kuya Poling. Madilim-dilim pa ay nasa taniman na siya upang siyasatin ang kanyang sagingan. Tinukuran niya ng mga siit ang nakahilig na mga puno na mayroong maliliit na bunga. Kailangan din niyang tibain ang mga bunga ng saging na nakabit pa sa natumbang katawan nito na nakaunat sa lupa. Mabuti na lamang at malalaki na ang mga natumbang puno. Marahil sa bigat nito kaya natumba ng malakas na hangin. Iniuwi ni kuya Poling ang buwig-buwig na bunga ng saging. “Nicko bumili ka ng asukal, mantikilya, gatas, vanilla at mani. Gagawa tayo ng minukmok para mayroon tayong meryenda upang hindi masayang ang mga saging na dala ko. Napakarami nito kaya kailangan na nating lutuin ang iba. Ang mga matitira ay pahihinugin na lamang natin”, wika ni Kuya Poling. Kaagad akong nagtungo sa tindahan upang bumili ng sangkap na isasahog ni Kuya Poling sa kanyang minukmok habang si Ate Nicole at si Meg naman ay maglalagay ng saging sa tulyasi upang ilaga ito. Sina Kuya Mac naman at Leo ay pumunta sa ilog upang hugasan ang lusong at halo. “Nanay Ising luto na po ang saging”, sigaw ni Tita Marlene. Dali-daling inahon ni Kuya Poling ang tulyasi na puno ng nilagang saging na saba. Ipinwesto naman ni Daddy Dong ang lusong at halo katabi ng saging. “Baby, balatan mo ang saging at ihulog sa lusong kapag sinabi ko. Utay-utay lamang para mabilis pinuhin ang saging. Kinakailangang mainit ito upang magandang bayuhin”, sabi ni Kuya Poling. Minukmok ni Kuya Poling ang saging at kapag pino na nilalagyan naman ni Nanay Ising ng asukal at dinurog na mani. “Dapat ay pantay ang halo. Huwag kaliligtaan ang asukal at gatas upang madulas ang pagbabayo”, bilin ni Kuya Poling habang pumapatak ang mga pawis sa 80

noo dahil sa pagbabayo. Si Nanay Ising naman ay may hawak na sandok at siyang tagahalo ng binayong saging. Ilang sandali pa ay natapos ding magbayo si Kuya Poling. Hinango ni Nanay Ising sa lusong ang minukmok. Inilagay niya ito sa dahon ng saging na nakasapin sa bandehado. “Ako na po ang magpapahid ng mantikilya. Lalagyan ko na rin po ng desinyo para mas katakam-takam tingnan, ang masayang wika ni Tita Marlene. Paunahan kaming magpipinsan sa pagdulog sa mesa upang matikman ang minukmok na saging ni Kuya Poling. Malinamnam ang minukmok pinong-pino ito at lasang-lasa ang gatas at mantikilya. Makakagat mo rin ang dinurog na mani sa almires na inihalo sa binayong saging. “Aba parang dinaanan ng bagyo ang bandehado sa mesa. Maging ang sapin na dahon ng saging ay nagkagutay-gutay na rin”, ang natatawawang sabi ni Tita Marlene. Tinanong ko si Kuya Poling kung ano ang sikreto niya upang maging masarap ang minukmok na saging. Dali-dali akong kumuha ng ballpen at papel. Halina at sama-sama nating isulat ang sikreto ni Kuya Poling. Minukmok Na Saging Mga Sangkap 30 piraso ng hilaw na saging na saba o ayon sa nais mong dami (ilaga muna ang saging) 1 tasa ng brown sugar I tasa ng vanilla 1 tasa ng gatas (kondensada) ½ tasa ng dinurog na mani mantikilya o butter Paraan ng Paggawa 1. Ilaga ang 30 piraso ng saging na saba hanggang sa lumambot. 2. Gamit ang lusong at halo. Ihulog ng paunti-unti ang binalatan na nilagang saging habang mainit pa upang hindi mahirapan na bayuhin. 3. Kapag maliliit na ang binayong saging lagyan ng asukal, vanilla at gatas upang madaling pinuhin ang saging. Ilhalo ang dinurog na mani sa binayong saging. 4. Siguraduhing makinis ang timpla at walang natitirang bukol-bukol na piraso ng saging. Haluin ng mabuti. 5. Hanguin ang minukmok at ilagay sa isang lalagyan. Pahiran ito ng mantikilya. Gayatin sa nais na hugis at laki. 81

Sagutin ang mga Tanong 1. Ano ang nangyari sa sagingan ni Kuya Poling? 2. Ano ang sikreto ni Kuya Poling? 3. Bakit siya gumawa ng minukmok na saging? 4. Paano ipinakita sa kuwento ang pagmamahal sa kanilang pamilya? 5. Kung ikaw ang tatanungin, ano pa ang maari mong gawin sakaling ikaw ay maraming inaning saging? Alamin Hanapin sa diksyunaryo ang kahulugan ng sumusunod na mga salita at gamitin sa sariling pangungusap. 1. alamang 4. balinghoy 2. gadgaran 5. binabad 3. ilaid 6. buro Okey na Okoy nina: Marife L. Mendoza/Juan O. Gabis Adapted from https://www.google.com.ph/search?q=larawan+ng+okoy+na+balinghoy&source Dahil sa hirap ng buhay ngayon at palaging nakaquarantine, palaging problema ng aming pamilya ang kakanin o meryenda. Kailangang maging mapamaraan ka upang may makain ang buong pamilya. Nasa ganito kaming kalagayan hanggang sa maalala ko ang lumang kakanin sa bukid na madalas ihain sa hapag-kainan ng aming butihing ina noong ako ay bata pa – ang “Okoy na Balinghoy”. “Ano ba ito?”, tanong ng mga bata. “Masarap yan, pwede ng meryenda o ulam natin”, sagot ko sa mga bata. 82

Sinadya kong hindi sagutin ang kanilang tanong. Gusto kong sila na ang magsabi kung ang Okoy na balinghoy ay patok sa kanilang panlasa. “Sige matitikman ninyo mamaya”, ang dagdag kong pahayag sa aking mga anak. “Tamang-tama may dala akong balinghoy galing sa bukid. Panoorin ninyo kung paano ko ito gagawin”, ang mariin kong winika. Tinalupan ko ang balinghoy o kamoteng kahoy. Ibinabad ko ito ng mga 10 minuto upang lumambot ilairin. Matapos kong ilairin, inalis ko ang tubig nito upang maalis ang pait mula sa balinghoy. Inihalo ko ang mga sangkap nito, ang alamang, asin, giniling na karne, vetsin, paminta at binabad ko ito ng mga 5 minuto upang lumasa ang mga sangkap. Inihain ko sa hapag-kainan ang Okoy na balinghoy para sa pananghalian, bagamat kinakabahan kung ito ay magugustuhang pang-ulam ng aking mga anak. Isa-isa kong pinagmamasdan ang kilos ng aking mga anak habang hawak nila at kutsara at tinidor. Matamang nakatitig sa pagkaing nasa kanilang harapan. Tinusok ni Ivan ang isang bilog na okoy at isinawsaw sa sukang mahalang. Halos hndi ako humihinga at inaabangan ko ang mga salitang maaring kanyang bitawan sa oras na ito ay matikman. Nanlalaki ang kanyang mga mata habang ninanamnam ang pagkaing kanyang isinubo. “Hmmmm ang sarap”, ang namumualang wika ni Ivan. Sinunod-sunod niya ang pagkain ng okoy hanggang sa halos maubos ang laman ng mangkok na aking pinaglagyan. “Okey na okey ang okoy mo tatay, maari ko po bang ipatikim sa aking mga kaibigan?’, tanong ni Ivan. “Oo namann”. Abot tenga ang aking ngiti sa aking nasaksihan. Salamat sa aking mga magulang na sa tuwina’y laging naglaan ng oras upang maglagay ng ganitong pagkain sa hapag-kainan. Narito ang mga kailangang gawin sa paghahanda ng Okoy na Balinghoy. Mga Sangkap balinghoy (ayon sa inyong nais na dami) alamang na buro o maalat asin, paminta at vetsin giniling na karne (kung gusto upang lalong sumarap) itlog (kung nais) Paraan ng Pagluluto 1. Ilairin ang balinghoy ayon sa dami ng gusto. 2. Ilahok ang mga sangkap tulad ng alamang na puron asin, vetsin, paminta at giniling na karne na may itlog. 83

3. Pagsama-samahin ito sa isang palanggana at hayaang nakababad ng mga 5 minuto upang lumasa ang lahat na sangkap. 4. Bilugin ito ayon sa gusting laki. 5. Ihulog ito sa mainit na mantika hanggang sa maging golden brown. Katamtaman lamang ang init ng mantika upang maluto nang maayos ang okoy na balinghoy at hindi mahilaw ang loob nito. 6. Magtimpla ng suka na may asukal upang maging sawsawan nito. Sagutin ang mga tanong 1. Anong uri ng alamang ang dapat ilahok sa pagkaing ito? 2. Ano ang tawag sa pagkaing ito? 3. Ilang minuto bago lutuin ang okoy upang lumasa ang lahat ng sangkap? 4. Nakaranas din ba ng ganitong sitwasyon ang inyong pamilya? 5. Ano ang ginawang paraan ng inyong mga magulang upang matugunan ang pangngailangan ng buong pamilya? 6. Kung sakaling hindi nagustuhan ng kanyang mga anak ang okoy, ano ang kanyang maaring gawin upang hindi sila magutom? Alamin Ibigay ang kasingkahulugan ng sumusunod na mga salita. 1. pinais 6. kimpi 2. sleep over 7. kayuran 3. irrigation 8. nagtatampisaw 4. kumalabusaw 9. alangan 5. nanggagama 10. alintana Dahil sa Pinais Ni: Marife L. Mendoza Maagang gumising si nanay upang ipaghanda kami ng masarap na almusal. Araw-araw ay ganito ang kanyang ginagawa. Hindi siya pumapayag na umalis kami ng bahay na di kumakain ng almusal. Araw iyon ng Sabado ng nagkayayaan kami na maligo sa bahay- pagi. Kasama ko ang aking mga kaibigan at dating mga kaklase. Tuwang-tuwa sila habang 84

naglalakad sa baybay ilog mula sa irrigation. Napasigaw ng malakas si Leslie ng biglang may kumalabusaw sa kanyang dadaanan. Isa pala itong hipon na nagmula sa ilalim ng hindi kalakihang bato na kanyang natapakan. Hinabol ito ni Adrian. Gustong-gusto niyang mahuli ito. Noon lamang uli siya nakakita ng hipon sa ilog simula ng lumipat sila sa Pagbilao. Naalala din niya noong maliit pa siya kapag nanggagama ng mga hipon at kimpi sa ilalim ng mga batuhan. Tili ng tili si Mae ng magama ni Adrian ang malaking hipon. Bigla niyang inilabas ang wala ng lamang bote ng mineral water na kanyang binili sa Logpan. Ininom na niya ang laman nito habang daan. Sa di kalayuan ng kanilang kinatatayuan may natanaw uling hipon si Adrian. “Nakakatuwa ang daming hipon. Manghuli na lang muna tayo at mamaya na maligo sa bahay-pagi”, sambit ni Adrian. “Oo nga”, sabad naman ni Judy. “Tamang-tama kapag marami tayong nahuli pwede natin itong gawing pinais. Masarap magluto si nanay”, sabi ni Marion. “Ano kaya kung mag sleep over na lang tayo sa bahay ninyo Marion para matikman namin ang pinais ni nanay?, tanong ni Jelaina. “Sige pero kailangan nyo munang magpaalam sa inyong magulang upang hindi kayo mapagalitan”, sagot ni Marion. Nalibang ang magkakaibigan sa panghuhuli ng hipon. Di nila alintana ang naubos na oras na disin sana ay nagtatampisaw na sila sa malamig na tubig sa bahay-pagi. Oras na pala ng pananghalian at marami-rami na rin silang nahuling hipon at may kasama pang kimpi. Di na sila pumunta sa bahay-pagi at umuwi na lamang sila. Excited ang magkakaibigan habang naglalakad sa niyugan habang pauwi ng bahay. Nakita nila si Mang Dardo na nagkakawit ng niyog. Nagpakuha na rin kami ng 2 kabuo ng alangan. Ilalagay namin ito sa pinais na hipon na ipaluluto namin kay nanay. Salamat na lang at pinayagan kami ng aming mga magulang na mag sleep over sa bahay ni Marion. Kumuha ng kayuran si Rhia at sumakay sa likod nito upang kayurin ang alangan na isa sa mga sangkap ng pinais na hipon. Kumuha ako ng dahon ng saging na pagbabalutan nito. Di naglaon nalalanghap na namin ang masarap na amoy na nanggagaling sa kusina. “Halina kayo mga bata kakain na tayo. Luto na ang pinais na pinaghirapan ninyong gamain sa ilog kanina”, wika ni nanay. Dali-dali kaming nagtungo sa kusina. Sabik na sabik kami na malasahan ang ipinagmamalaking pinais ni nanay. “Busog na busog ako, di ko talaga tinigilan hanggang maubos ko ang isang balot nito. Salamat po nanay”, sabi ni Leslie. “Tara bumalik uli tayo sa ilog para manghuli ulit ng hipon. Gusto kong bigyan ng pasalubong si Mama. Ipatitikim ko rin sa kanya, ang pinais ni nanay. 85

Nais mo rin bang makatikim ng pinais? Halina at inyong subukan. Madali lamang lutuin ito. Kinakailangan mo lang sundin ang mga sumusunod na nakatala sa ibaba. Mga Sangkap ½ kl hipon/alimango asin, vetsin 1 buong niyog na alangan (depende sa dami ng hipon/alimango Paraan ng Pagluluto 1. Paghaluin ang asin, vetsin, alangang niyog at aligi ng hipon o alimango ng 30 minuto. 2. Ibalot sa dahon ng niyog ang binabad na sangkap kasama ang hipon/laman ng alimango 3. Pakuluan ng 1 oras sa kawali ng may katamtamang apoy. Sagutin ang mga tanong 1. Bakit maagang gumising si nanay? 2. Saan pupunta ang magkakaibigan? 3. Bakit napasigaw si Leslie? 4. Paano naubos ang oras ng magkakaibigan nang araw na iyon? 5. Bakit nag sleep over ang magkakaibigan? 6. Kung ikaw ang tatanungin, gagawain mo rin ba ang ginawa ng magkakaibigan? Ipaliwanag ang iyong sagot. 86

87

Mga Naging Mayor sa Bayan ng Pagbilao 88

89

TALAMBUHAY Sa paksang ito, ating tatalakayin kung paano nga ba gumawa ng talambuhay tungkol sa sarili. Kahit na ikaw ay isang estudyante pa lamang o kaya’y may trabaho na at pamilya, maaari ka pa ring gumawa ng isang talambuhay. Maraming paraan ang puwede nating magamit upang sumulat ng isang talambuhay. Ang salitang talambuhay ay kuwento ng buhay ng isang tao batay sa mga tala at alaala. Paunlarin ang Talasalitaan: Basahin at alamin ang kahulugan ng bawat salita. • tubong – sinilangan • biniyayaan – pinagkalooban • kapanganayan- unang anak • supling – anak • pinagkalooban – binigyan, nagbahagi Epifanio S. Merto Sr. 1928-1929 ni: Rhodora P. Urgelles Isinilang si Epifanio Santiago Merto, Sr. noong ika-12 ng Setyembre, 1884. Siya ay tubong Infanta, Quezon na nagkaasawa ng taga-bayan ng Pagbilao na walang iba kundi si Presentacion Piňol. Sila ay biniyayaan ng anim na malulusog na supling. Apat na lalaki at dalawang babae. Ang kapanganayan ay si Bienvenida, sinundan ni Cesar, ang ikatlo si Jose, ikaapat si Rosario, ikalima si Epifanio Jr. at ang kabunsuhan ay lalaki pa rin, si Mario. 90

Dito sa bayan ng Pagbilao napiling manirahan ng pamilya ni Epifanio sa dahilang maraming lupain ang napundar ng kanyang mga magulang. Pagsasaka ang pangunahing hanap-buhay nila noon. Masipag at palakaibigan kaya naman siya ay nahalal na punong bayan ng Pagbilao. Naglingkod siya bilang Mayor o punong bayan noong 1928- 1929. Bilang bahagi ng kanyang panunungkulan pinagkalooban niya ang bayan ng isang ektaryang lupain para sa mga mamamayang walang paglilibingan ng kanilang kapamilyang yumao, ito ay ang sementeryo na malapit sa simbahan ng Iglesia ni Kristo. Siya rin ang kauna-unahang nagpatayo ng entablado sa kasalukuyang Covered Court ng Pagbilao. Halos isang taon ang kanyang panunungkulan bilang punong bayan at sa gulang na apa’t napu’t pito (47) siya ay binawian na ng buhay noong ika-29 ng Setyembre, 1931. Sagutin ang mga tanong: 1. Sino ang tinutukoy sa talambuhay na iyong binasa? ____________ 2. Kalian at saan siya ipinanganak? ____________________ 3. Sino ang kanyang naging asawa at ilang ang kanilang naging supling?__________________________ 4. Ano ang pangunahing hanapbuhay niya noon? ________________ 5. Ano ang dalawang katangian ni Epifanio na kinagiliwan ng mga mamamayan ng Pagbilao? _________ 6. Bakit sila ay nanatiling nanirahan sa bayan ng Pagbilao? _____________________________________ 7. Ilang taon si Epifanio Merto Sr. nang manungkulan bilang punong bayan ng Pagbilao?______________ 8-10. Bilang punong-bayan, paano niya ginampanan ang kayang katungkulan at ano ang kanyang ibinahagi sa bayan?______________ Paunlarin ang Talasalitaan: Basahin at alamin ang kahulugan ng bawat salita. • masinop – matipid, maayos sa lahat ng bagay • naiambag- naibahagi • pantalan- piyer, daungan ng mga bangka • población- kabayanan • manliligaw- mangingibig 91

Trinidad Reyes Alvarez 1960-1966 ni: Rhodora P. Urgelles Noong ika-20 ng Nobyembre 1907, isinilang ang napakagandang babae sa bayan ng Pagbilao, lalawigan ng Quezon. Siya ay si Trinidad Reyes Alvarez anak nina Leandro Alvarez at Ignacia Reyes. Walo silang magkakapatid. Siya ang panganay sa magkakapatid. Matalino, masinop at may paninindigan sa sarili itong si Trinidad na kung tawagin siya noon ay “Mayor Ining”. May mga manliligaw ngunit sila ay bigo sa hangaring umakyat ng ligaw dito. Hindi siya nakapili ng mapapangasawa sa dami ng kanyang manliligaw sa halip ang kanyang binigyang pansin ay ang manungkulan bilang punong-bayan ng Pagbilao. Si Trinidad Alvarez ay naging Mayor o Punong bayan ng Pagbilao noong 1960-1966. Anim na taon siyang namuno bilang pinuno ng bayan. Marami siyang nagawa at naiambag para sa ikabubuti at ikagaganda ng pamumuhay ng mga mamamayan ng Pagbilao. Una, naisagawa niyang ipatayo ang Quezon National Agricultural School sa Brgy. Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon. Layunin niya sa pagpapatayo ng paaralan na mapaunlad ang kaalaman ng mga magsasaka at mga mamamayan na mahilig sa paghahalaman at paghahayupan. Ikalawa, ang pagpapatayo ng pantalan o piyer na daungan ng bangka ng mga mangingisda. Napadali ang pagbibiyahe ng mga taga Barangay Ibabang pulo at Ilayang Pulo. Naging maayos ang pagdadaong ng mga bangkang pangisdaan ng mga tao gawa ng pantalan. Ikatlo, pinailawan din ni Mayor Alvarez ang mga kabahayan sa población o kabayanan sa pamamagitan ng Leon Guinto Electric System. Lumiwanag ang bayan ng Pagbilao, sumigla lalo ang paghanga ng mga mamamayan sa panunungkulan ng nasabing punong bayan. Sumunod ay ang pagpapadagdag ng silid- aralan sa Mababang Paaralan ng Sentral ng Pagbilao. Hindi na nahirapan ang mga batang nasa kabayanan at nadagdagan ang mga silid- aralan. Sumasama rin siya sa 92

pagsugpo o paghuli sa mga illegal na mga mangingisda. Hindi siya pumayag na ipagpatuloy ang illegal na paraan ng pangingisda, hinuli at pinagmulta ang mga nahuli nila. Nakapagpasemento din siya ng ilang kalye sa bayan at ang huling alaala niya ay ang pagkakaroon ng sasakyan ng bombero. Sa pitong taong panunungkulan ay pinarangalan siya bilang Natatanging Anak ng Quezon noong 2000. Bilang masigasig at masayahing pinuno naimbitahan siya sa isang Alumni Ball sa Pagbilao Academy. Nagkasayahan at nawili sa okasyong ito si Mayor Ining nang biglang nakaramdam siya ng kakaiba kaya napadali ang kanyang pag-uwi. Inutusan niya ang kanyang alalay na magpainit ng tubig upang gamitin niya sa kanyang paliligo. Naligo na nga ang dalagang Mayor subalit pagkagising niya kinabukasan ay pagkataas ng lagnat kaya siya ay isinugod na sa Mt. Carmel General Hospital. Hindi pa rin siya hinignawan ng lagnat kaya ang desisyon ng doctor ay iluwas na ng Maynila. Madali naman siyang nailuwas subalit hindi na rin niya kinaya ang paggagamot at siya ay binawian na ng buhay noong ika-30 ng Nobyembre,1967. Sagutin ang mga tanong: 1. Sino ang pangunahing tauhan na tinutukoy sa talambuhay? 2. Kailan at saan siya isinilang? 3. Ano ang pangalan ng kanyang mga magulang? 4. Ilan ang naging supling nina Leandro at Ignacia? 5. Ano ang pangunahing katangian ni Mayor Triidad Alvarez? 6. Ano ang naging pangunahing proyekto niya bilang isang Mayor? 7. Ano ang naging layunin niya sa pangunahing proyekto na kanyang isinagawa? 8. Ano ano pa ang mga sumunod na proyekto na naipatupad ni Mayor Trinidad Alvarez? 9. Paano niya nasugpo ang mga gumagawa ng ipinagbabawal na pangingisda? 10. Kailan namatay si Trinidad Alvarez at ano ang naging karangalan niya bilang isang pinuno ng bayan? Paunlarin ang Talasalitaan: Basahin at alamin ang kahulugan ng bawat salita. • guwapo- pogi, magandang lalaki • karisma- malakas na pang-akit na itsura o mukha sa mga kadalagahan o kalalakihan • pag-iimbo- pagkuha ng niyog ng walang paalam. • Nakapagpakongkreto- nakapagpasemento • Tutulan- labanan 93


Like this book? You can publish your book online for free in a few minutes!
Create your own flipbook