Important Announcement
PubHTML5 Scheduled Server Maintenance on (GMT) Sunday, June 26th, 2:00 am - 8:00 am.
PubHTML5 site will be inoperative during the times indicated!

Home Explore Lino Talino

Lino Talino

Published by Ulap Luna Mallari, 2023-02-07 10:28:01

Description: Lino Talino

Search

Read the Text Version

Lino Talino FILIPINO- IV Natutukoy ang mga elemento ng kuwento (tagpuan, tauhan, banghay) F4PB-Ia-97

Reserved for Copyright

Ang katahimikan ng isang gubat ay biglang mapapalitan ng pagkabalisa at takot dahil sa pagdating ni Gabo. Walang sino man ang may lakas ng loob na kumalaban sa mabangis at nakakatakot na nilalang na ito. Ano kaya ang magiging kinabukasan ng gubat at mga hayop na nakatira dito? Paano matutulungan ng matalinong kuneho ang kaniyang mga kaibigan?

Ito si Lino, isa siyang kuneho na kilala dahil sa kaniyang angking talino.

Masayang namumuhay si Lino sa kagubatan kasama ang iba pang mga hayop, ngunit, nitong mga nakaraang araw ay nagimbal ang gubat dahil sa pagdating ng Sakim na si Gabo.

Si Gabo ay isang itim na Lobo. Siya ay laging gutom at laging nakaabang sa anumang pwedeng dakpin at kainin. Sa kaniyang pagdating ay siya ring pagkawala ng ibang mga hayop. Ang dating masaya at mapayapang gubat ay napuno ng pagkabalisa at takot.

Pagpatak pa lamang ng takip silim, ay kaniya- kaniya nang tago ang mga hayop sa kanilang mga lungga. Walang sino man ang may lakas ng loob na kumalaban kay Gabo dahil siya ay kilala sa kaniyang bangis at lakas. Araw at gabing hindi mapalagay ang mga hayop sa gubat dahil baka sila ang susunod na kainin ni Gabo.

Isang araw, may naisip na paraan ang matalinong kuneho. Hinamon niya sa isang paligsahan ang salbaheng lobo. Lahat ay nagulat sa ginawa ni Lino, ngunit, buo ang kanilang suporta para sa kaniya.

“Aba! Aba! Mukhang ang hapunan ko na mismo ang lumalapit sa akin” wika ni Gabo na tuwang-tuwa. “Sige Gabo, kung ako’y iyong matatalo sa paligsahang ito, ako ay pwede mong kainin mamayang gabi bilang iyong hapunan” sambit ni Lino na mukhang may tiwala sa kaniyang gagawin. “O sige! Pumapayag ako. Ano ba ang iyong hamon at hindi ko iyan uurungan.” tanong ng sabik na sabik na Lobo.

Ipinaliwanag ni Lino ang patakaran ng laban. May tatlong bahagi ang paligsahan; liksi, lakas at bilis sa paglangoy. Kung sino man ang unang makatapos sa lahat ng pagsubok ay siyang magwawagi.

Nag-umpisa ang paligsahan sa liksi, magkakarerahan ang dalawang manlalaro papunta sa malaking puno ng mangga sa kabilang burol kung saan naghihintay ang ikalawang pagsubok.

Pagkasipol ng pito, ay dali-daling kumaripas ng takbo si Gabo. Si Lino naman ay tila namamasyal lamang sa bagal ng kaniyang paglalakad.

“Paano siya mananalo kung ganiyan siya kabagal?” tanong ng isang pagong. “Oo nga hssss, baka tuluyan hssssiyang gawing hapunan ni Gabo mamaya hsssss.” dagdag pa ni ahas na labis ang pag-alala. Hindi pinansin ni Lino ang lahat ng sinasabi ng ibang mga hayop. Siya ay nagpatuloy sa paglalakad na may tiwala sa sarili.

Unang nakarating si Gabo sa malaking puno ng mangga. “Ha ha ha! Ano ba namang pagsubok ito, hindi manlang ako pinagpawisan.” wika ni Gabo. Ilang sandali pa ay dumating na rin si Lino sa tagpuan. Lamang na si Gabo ng isang puntos at labis itong ikinatuwa ng lobo.

Ang susunod na hamon ay patibayan ng ngipin. “Ngayon Gabo, tignan natin kung mananalo kapa!” wika ng naghahamon na si Lino. “Hah! Ano ba iyang ipinagmamalaki mong hamon at siguradong hindi ko iyan uurungan.” sagot ni Gabo.

“Ang susunod na hamon ay pabilisang maubos ang mga batong ito nang hindi humihinto at hindi umiinom ng tubig. Tiyak na hindi ka mananalo sa akin, ako yata ang pinaka mabilis kumain ng bato dito sa gubat.” pagmamayabang ng kuneho.

Gulat na gulat ang ibang mga hayop sa sumunod na hamon ni Lino. Alam naman ng lahat na hindi nakakain ang bato. “Ano ba naman iyan Lino, alam mo namang hindi pwedeng kainin ang bato diba?” tanong ni kalapati.

“Huwag kang mag-alala kaibigan, pinaghandaan ko na ang lahat ng ito.” bulong ni Lino. Lingid sa kaalaman ng lahat ay gawa sa binilog na tsokolate ang mga bato ni Lino na kaniyang inihanda kagabi bago ang laban.

“Aba! Iyan lang ba? Makikita mo’t mauunahan kitang kainin ang mga batong ito nang hindi nasisira ang ngipin ko.” sagot ng kumpyansang lobo. Sa hudyat ng pito ay nagsimulang kainin ng dalawa ang mga bato. Si Lino ay tila nasasarapan sa kaniyang kinakain kaya naman nabahala si Gabo at nilunok ang lahat ng bato sa isang subo.

“Ha ha ha ha! Nasaan ang ipinagmamalaki mo ngayon Lino? Ako nanaman ang unang nakatapos ng pagsubok.” sigaw ng tuwang-tuwa na lobo habang nakahawak sa kaniyang tiyan. Lubhang nabahala ang ibang mga hayop sa naging resulta ng paligsahan. Positibo silang matatalo si Lino sa susunod na hamon.

“Teka, mukhang naparami yata ang nakain kong bato, napakabigat ng aking tiyan at nahihirapan akong gumalaw.” bulong ni Gabo sa kaniyang sarili.

Ang huling hamon ay pabilisang makatawid sa kabilang dako ng ilog. Gulat ang lahat dahil kilala si Lino na hindi marunong lumangoy, kaya labis ang kanilang pag-aalala.

“Paano ka mananalo Lino, e hindi ka nga marunong lumangoy?” tanong ni pato “Huwag kang mag-alala kaibigan, pinaghandaan ko na ang lahat ng ito.” bulong ni Lino na waring may pinaplano.

Nagsimula ang paligsahan sa hudyat ng pito, walang pag-alinlangang tumalon si Lino sa ilog, ngunit hindi ito lumubog. Lingid sa kanilang kaalaman, ay nakiusap na si Lino sa mga isda kahapon upang tumulong sa kaniya na lumutang at makalangoy. Labis na nagalit ang lobo sa kaniyang nakita at agad itong tumalon sa tubig.

Walang ano-ano’y unti-unting lumubog ang lobo dahil sa bigat ng kaniyang tiyan na punong-puno ng bato. “Tulungan mo ako Lino, nalulunod ako.” pagsamo ni Gabo na halatang nahihirapan habang pilit na ikinakampay ang mga braso.

“Bakit naman kita tutulungan? e kakainin mo lamang kaming lahat. Simula nang ika’y dumating sa aming gubat, puro perwisyo at takot lamang ang iyong dinala.” sagot ng matalinong kuneho.

“Pakiusap Lino, pangako kong hindi ko na guguluhin ang sino man sa ating gubat. Bigyan mo pa ako ng isang pagkakataon at papatuyan kong ako’y magbabago na.”

Dala ng awa, ay tinulungan ni Lino ang nalulunod na lobo. Nagtulong- tulong ang mga hayop na hilain si Gabo mula sa ilog.

Pagkaahon sa ilog ay humingi agad ng tawad ang Lobo sa kaniyang mga ginawa. “Patawarin niyo ako mga kaibigan, nagawa ko lamang ang mga iyon sapagkat hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pagkain simula nang nasunog ang gubat na dati kong tirahan. Nahihiya akong humingi sa inyo sapagkat ako’y kinatatakutan dahil sa aking wangis.”

Ang pangalawang pagkakataon na ibinigay sa lobo ay siyang pagpapakita ng kabutihang loob at pagpapatawad ng mga hayop sa kabila ng kasamaang ginawa ni Gabo. Sa huli ay ginamit ni Gabo ang kaniyang lakas upang tumulong sa bago niyang mga kaibigan. Binibigyan naman siya ng mga ito ng pagkain bilang pasasalamat.

Simula noon ay bumalik ang dating sigla at katiwasayan sa kagubatan. Nakilala rin ang natatanging talino at kabayanihang ipinamalas ni Lino, ang matalinong kuneho.

Sa isang gubat ay masayang naninirahan ang isang matalinong kuneho na nagngngalang Lino kasama ang kaniyang mga kaibigang hayop. Nagbago ang lahat nang dumating ang isang sakim na lobo na nagngagalang Gabo. Labis ang takot na dala ni Gabo, walang sino man ang nais na kumalaban sa kaniya sapagkat siya ay kilala sa kaniyang bangis. Isang araw ay may naisip na paraan si Lino upang tuluyang matapos ang kaguluhan sa kagubatan. Hinamon ni Lino si Gabo sa isang paligsahan na may tatlong bahagi. Nagulat ang mga hayop sa kaniyang ginawa ngunit buo ang kanilang suporta para sa kaniya. Ano kaya ang magiging resulta ng paligsahan? Paano kaya magbabago ang takbo ng mga pangyayari sa gubat?


Like this book? You can publish your book online for free in a few minutes!
Create your own flipbook