Kasanayan sa Pagkatuto MELC: ESP 4 Nakapagbabahagi ng sariling karanasan o makabuluhang pangyayaring nagpapakita ng pang-unawa sa kalagayan o pangangailangan ng kapwa. ESP4P-IId-19 FILIPINO 4: Natutukoy ang bahagi ng binasang kuwento simula, kasukdulan at katapusan. F4 PB-Ia-97
Treasury of Storybooks …………………………. This story book is a product of the National Competition on Storybook Writing 2022. Pursuant to the Intellectual Property Code of the Philippines, no copyright shall subsist in this work of Government of the Philippines. However, prior approval of the Department of Education shall be necessary for exploitation of such work for profit. DepEd may, among other things, impose as a condition that payment of royalties. No prior approval or conditions shall be required for the use for any purpose of statues, rules and regulations, and speeches, lectures, sermons, addresses, and dissertations, pronounced, read or rendered in courts of justice, before administrative agencies, in deliberative assemblies and in meetings of public character.
amamahinga sa lilim ng puno ng Dao sa Agay ang mga katutubong Iraya habang ang ibang mangyan ay abala sa Npagdudulok ng mais at palay. Mababakas pa rin sa kanila ang diwa ng pagsasaknungan sa panahon ng taniman at anihan. Habang nagdudulok ay matiyagang nakaagapay si Liway sa kaniyang nanay sukbit ang balanan na may lamang palay samantala si Payekoy ay paikot—ikot at pinipilit sunggaban ang tutubi na dadapo sa mga halaman. “Ate Liway, tingnan mo ang dami kong nahuling tutubi at salagubang,”ang pagmamalaking wika ni Payekoy sa kanyang Ate Liway. “Naku! Payekoy, pakawalan mo iyan, kawawa naman ang mga insekto gusto ng mga iyan mabuhay at lumipad nang lumipad,”ang pakiusap na sambit ni Liway. Ngunit sa halip na makinig ay tumawa lamang at pumatikad palayo si Payekoy. sa kanyang ate at nanay. Hay, nuknukan talaga ng kakulitan at pagkapasaway ni Payekoy. Iba siya sa kaniyang Ate Liway. Napakaresponsable at mapagmahal na anak sa magulang.
Nang magdadapit – hapon, sabay - sabay nang umuwi ang mga katutubong mangyan sa kani-kaniyang balay at napag-usapan nila ang muling pagbubukas ng klase sa eskuwelahan. “Indang, nakapamili ka na ba ng gamit ni Liway at Payekoy? Mahigit dalawang taon silang namalagi sa bahay tiyak kong sabik na sabik na silang bumalik sa paaralan,” wika ng lola ng dalawa. “Naku! Inang wala pa silang gamit ang sabi ko kay Liway ay pagtiyagaan na muna nila ang saklubun na bag at balanan. Matibay naman iyon sapagkat yari sa uway. Samantala habang nagkukuwentuhan ang magkakatribu ay magkaakay ang magkapatid sa likuran at masayang nag-uusap. Payekoy, ano handa ka na bang pumasok sa paaralan? Kailangan kapag pumasok na tayo unang putak pa lang ng labuyo na alaga ni nanay, tayo ay babangon na sapagkat napakalayo ng ating lalakarin patungo sa paaralan.
“Ate Liway, ayaw ko naman pumasok sa paaralan, mapapagod lamang ako, ayaw kong maglakad ng malayo mananakit ang aking mga paa,”ang sagot ni Payekoy sa kaniyang Ate Liway. “Hay naku! Payekoy, kailangan mong mag - aral, masaya doon, marami kang magiging kalaro, matututo kang magsulat at magbasa, magkukulay kayo at magsasayaw rin, may telebisyon din sa loob ng napakaganda ninyong silid—aralan. Ayaw mo bang maranasan ang lahat ng iyon?” panghihimok na paliwanag ni Liway sa kapatid. At sandaling tumigil si Payekoy sa paglalakad, wari bagang iniisip ang mga binanggit ng kaniyang Ate Liway sabay ngiti sa kapatid at sinambit. “Mukha nga sigurong masaya sa paaralan, Ate Liway. Sasayaw ako? Masaya iyon!, bibigyan kaya ako ng krayola? Nais kong gumuhit at magkulay. Ano nga pala ang telebisyon Ate Liway?” ang sunod-sunod na tanong ni Payekoy. “Payekoy ang telebisyon ay kagamitan na puwede nating panooran, halimbawa gusto mong magkita ng taong gumagalaw o kayay nais mong magsayaw, may ipapalabas sa telebisyon na puwede nating gayahan. Ano , sasama ka na ba sa akin pagpasok sa paaralan?”ang wika ni Liway. Mahaba ang naging paliwanagan ng magkapatid hinggil sa pagpasok sa susunod na linggo sa paaralan. Mukhang madaming hamon ang kakaharapin ni Liway at ng kaniyang kapatid kapag nagsimula na muli ang pasukan.
Makalipas ang isang lingo, dumating ang araw na pinakaiintay ni Liway ang pasukan. Sino ang mag - aakalang makakabalik pa ang mga mag - aaral sa paaralan, akala ko ay katapusan na ng mundo dahil sa pandemyang naranasan. “Payekoy sabik ka na bang makakita ng paaralan? Tiyak ko malilibang ka roon, kaya lamang huwag mong kalilimutan ang paalala ni nanay, huwag kang maglilikot sa iyong silid aralan, lalo’t higit ay huwag kang mang -aaway” ang paalala ni Liway sa kapatid Magkaakay ang dalawa habang naglalakad sa matatarik at mababatong daan. “Malayo pa ba ang ating lalakarin? Medyo sakit na paa ko ah,” saad ni Payekoy sa kapatid. “Malapit na. Natatanaw mo ba iyong kalsadang iyon? Patag na iyon kaya madali na nating mararating ang paaralan. Didiretsuhin na lang natin iyan,” ang sagot ni Liway sa kapatid. Dumaan muna sila sa irigasyon kung saan ang tubig ay malinis at dire - deretsong dumadaloy. Doon ay matiyagang nilinisan ni Liway ang binti at paa ng kaniyang kapatid. Tinanggal niya ang putik sa tsinelas at pinunasan ang pilantik ng putik sa kupas na salawal ni Payekoy.
Nasapit - sapit pa lamang ng pintuang-daan ng paaralan ay naririnig na nila ang ingay ng mga mag - aaral at ang masayang awit na nagpapasigla sa umaga ng bawat isa. Maya - maya’y narinig nila ang malakas na kalembang sa paaralan. Kagulo at nagtakbuhan na ang maraming bata sa himnasyu. Ang bawat isa ay abala sa pagpila sa kani-kaniyang baitang. “Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Parang ayaw ko nang pumasok, natatakot ako, uuwi na lang kaya ako, Ate Liway,”ang nag- aalalang sambit ni Payekoy sa kapatid.
“Mga bata dito ang pila ng Grade I Carnation,” ang wika ng isang madam sa bandang unahan. “Payekoy doon ka pala pipila, nakikita mo ba ang iyong guro? Sabi ko sayo maganda siya at mabait, halika na ihahatid na kita sa kaniya,” yaya ni Liway Bantulot na sumunod si Payekoy ngunit wala siyang nagawa nang hinawakan siya ng kaniyang ate Liway sa kamay at inakay patungo sa linya ng unang baitang. “Magandang umaga Gng. Albo, siya po si Payekoy ang aking kapatid,” ang masiglang pagpapakilala ni Liway kay Gng. Albo. Pupunta na ako sa pila ng ikaapat na baitang,”ang wika ni Liway sa guro. “Magandang umaga,Payekoy. Halika, rito ka sa unahan , sabay kapit sa mga kamay. Bakit parang nanlalamig ang mga kamay mo? Huwag kang mag-alala masaya rito sa paaralan”. Sabay pisil ng mahigpit sa kamay ni Payekoy. Nakaramdam siya ng kapanatagan ng kalooban. Nawala ang takot at hiya at napalitan ng kasiglahaan at pananabik sa mga mangyayari sa kanya habang nasa paaralan. Matapos ang pang umagang gawain ay nagtungo ang mga mag aaral sa kani-kaniyang silid. Pinagdasal, pinagsayaw,umawit at pagkatapos ay masigla niyang ipinakilala ang kaniyang mga mag - aaral. Noong una ay tahimik ang mga bata kasama si Payekoy, wari bang naninibago pa ang mga mag - aaral sa kapaligiran na mayroon sila ngayon.
Makalipas ang ilang araw sa paaralan, sanay na sanay na sa kamag aral si Payekoy, nawala na ang hiya niya at nagsimula nang ipakita ang tunay niyang kaugalian. “Payekoy!” isang malakas na tawag na naman ang sambit ni Gng. Albo. “Bakit ngatngat mo na naman ang lapis mo?” “Madam, kanina pa po iyan ubos na nga po ang pambura niya palagi niyang kinakain, pag minsan po pati tsinelas niya ay kinakabkab niya,” wika ng isang kamag aral. Nakangiti si Payekoy na napatingin sa kaniyang guro, na sa pakiwari baga niya ay tama ang kaniyang ginagawa. Samantala tumakbo ang isang bata sa tabi ng kaniyang guro at bumulong. “Madam,bakit po sobrang kulit ni Payekoy, tapos lagi po siyang malikot, pagsala sa kinakain ang papel niya ay ginugutgot naman niya iyon, normal po ba iyon?”ang nagtatakang tanong ni Princess “Anak kahit ano pa man ang kulit ni Payekoy, huwag ninyo siyang aawayin ha.Mahalin ninyo siya sapagkat kaklase ninyo siya, para kayong magkakapatid kapag narito sa paaralan. “O siya, upo na ikaw,” ang pabulong na sagot ni Gng. Albo sa kaniyang mag - aaral.
“Payekoy, anak halika. Ang mga gamit ay hindi pagkain, huwag mo itong ilalagay sa iyong bibig sapagkat madumi iyan. Gusto mo bang pumasok sa bibig mo ang mga dumi?” sambit ni Gng.Albo. “Opo madam,” isang malakas at nakakatulig na sagot ni Payekoy. Napatingin si Gng. Albo kay Payekoy. “Bakit parang may kakaiba? Kailangan ko na sigurong makausap ang nanay niya”, naisip pa ni Gng Albo.
Hindi pa nakakaupo si Payekoy ay siyang pag - dating ni Liway sa silid. “Madam, kumusta po si Payekoy, hindi po ba siya nagpapasaway sa inyo?” tanong ni Liway. “Ate Liway, sabay takbo sa kanyang ate sukbit ang balanan niyang bag. “Bakit nandito ka?” “Payekoy, bumalik ka sa upuan mo.”Ngunit parang walang napakinggan si Payekoy. “Aba, taingang kawali ka na ngayon, Payekoy ah!” wika ni Gng. Albo. “Payekoy, upo na raw ikaw sabi ng madam, sige na gusto mo bang magalit sa iyo ang madam? Paghihimok na banggit ni Liway. Napasunod naman si Payekoy kaya lamang ay katulad ng dati niyang kinagawian ay kinuha na naman ang kaniyang lapis at nginatngat na naman. “Liway, maari ko bang makausap ang iyong nanay?” wika ni Gng. Albo “May kasalanan po ba si Payekoy?” Naku madam,madami pong ginagawa si nanay, palagi po silang nasa Agay,” ang dire - deretsong sambit ni Liway. “Kailangan ko siyang makausap. Ganito na lang, daanan mo ang sulat ko mamayang hapon para sa iyong nanay at basahin mo ito sa kaniya. Mahalaga na makausap ko siya,” wika ni Gng.Albo.
Isip na isip si Liway habang pabalik sa kaniyang silid. Naalala niya ang usapan nila ng kaniyang nanay na sa umpisa pa lamang ay nag - aalala na sa pagpasok ni Payekoy sapagkat walang gagabay sa kaniyang kapatid. “Si nanay naman talaga, wala ka bang tiwala sa akin? Ako yata ang super ate ni Payekoy. Hindi ko siya pababayaan, gusto ko siyang mag aral sa eskuwelahan. Kawawa naman siya kung maiiwan dito sa ating bahay,” sabi ni Liway. “Anak napakalayo ng eskuwelahan ninyo, maliit pa si Payekoy hindi pa niya kayang maglakad ng malayo. Nag - aalala ako, alam mo naman kung gaano kalikot ang kapatid mo, baka magpasaway siya sa guro niya,” paliwanag ni nanay. “Nanay, mahal na mahal ko ang aking kapatid gusto ko siyang matuto ng maraming bagay,”ang pahayag ni Liway sa kaniyang nanay. At naputol ang pag – iisip ni Liway ng malalim ng may biglang sumigaw sa kabilang pasilyo ng paaralan “Hoy ! Liway bumalik ka na raw sa silid,” wika ng isa niyang kamag-aral. Mabilis na kumaripas ng takbo si Liway pabalik ng silid.Nangingilid ang luha sa mata na umupo sa upuan. “Liway, bakit parang paiyak ka na? May problema ka ba?” ang puna ng guro ni Liway.” Nagkibit-balikat na lamang si Liway sa tanong ng guro. Nag - aalala siya sa nilalaman ng sulat ng guro ni Payekoy.
Nang manananghalian na ay dali-daling pinuntahan ni Liway ang silid ng kapatid sa unang baitang dala - dala ang pabaon ng kaniyang nanay na kanin na binalot sa dahon ng saging. “Payekoy halika na, kakain na tayo.” Matiyagang sinabayan ni Liway ang kapatid hanggang sa matapos ito.Hindi niya iniiwan hanggang sa pumasok muli ang guro. “Liway, bakit ba kailangan mo pang bantayan si Payekoy dito?”tanong ng kaniyang kaibigan. “Marami pa tayong gagawin sa silid, ang bilin ng ating guro ay magbasa raw tayo pagkatapos kumain. Paano tayo makakabasa kong babantayan natin siya?” ang sambit ng kaniyang kabungguang balikat. “Sapagkat naiiba siya sa kaniyang kamag-aral. Ipinangako ko rin kay nanay na aalagaan ko siya kapag walang guro,” saad ni Liway.
“Magandang hapon po Madam Ganda,” ang masayang bati ni Payekoy pagdating ng kanyang madam. “Maganda ka pa sa hapon Payekoy,”ang sagot ni Gng. Albo sa kanya. Napakalambing na bata ni Payekoy at magalang lalo na sa mga guro, humahawak pa siya sa kamay ng guro pagkatapos bumati, kaya lamang ay kumibot na nang kumibot at lumikot nang lumikot. “Mga bata, balik na kayo sa upuan, pumalakpak nga lahat kung handa na kayong makinig sa aralin natin,”ang pakiusap na sambit ng guro. At masayang nagpalakpakan ang mga mag - aaral tanda ng pagsunod sa guro at interes na matuto ng bagong aralin. “Madam gusto ko po munang sumayaw?” ang hiling ni Payekoy sa guro. Aktibong sumayaw si Payekoy. Tuwang tuwa siya sa ginawa ngunit pagkatapos ay hindi na siya mapakali sa upuan ang gusto niya ay humikap nang humikap sa silid na tila baga dalawa ang bibig.
Kinahapunan kinaon ni Liway ang kapatid sa silid. “Liway, ibigay mo ito sa iyong nanay. Huwag mong kalilimutan,” hintatakot na inabot ni Liway ang sulat. “Tiyak kong mag-aalala si nanay sa sulat ni madam” wika niya sa sarili. Habang naglalakad paahon ng bundok ay isip nang isip si Liway kong ano ba ang nilalaman ng sulat. Di niya nalilimutan ang sinabi ng nanay niya na ayaw niyang mapapatawag sa paaralan. “Te Liway bakit parang malungkot ka?” puna ni Payekoy sa kapatid. “May iniisip lamang. Baka ngalay na ang mga paa mo sa paghakbang? Sabihin mo sa akin ha at papasanin kita,” tugon ni Liway. “Kanina pa Ate Liway sobrang ngalay na mga paa ko, kaya lamang naawa ako sa iyo,” daing ni payekoy. “Halika ka, pasanin kita. Sabi ko naman sa iyo ako ang magiging paa mo sa tuwing napapagod ka na at ako ang lakas mo palagi at gabay iyan ang iyong pakatatandaan,” pahayag ni Liway. “Salamat , Ate Liway ,” ang sambit ni Payekoy sa kanyang kapatid.
Nasapit sapit pa lamang ng harapan ng bahay ay sumisigaw na si Payekoy. “Nanay, nandito na po kami,” sigaw nito,sabay hagip sa kamay at nagmano sa nanay. Aba! mukhang masayang masaya ang aking mga anak ah.” “Opo nanay, napakasaya po sa paaralan. Sumasayaw po, kumakanta at maraming kalaro.” Ang masayang kuwento ni Payekoy sa kanyang ina. “Masdan mo nanay sobrang saya ni Payekoy” wika ni Liway. “Nanay may kailangan nga po pala akong sabihin sa inyo, may ipinadala pong sulat ang guro ni Payekoy” wika ni Liway. “Nasaan? Basahin mo raw, alam mo naman na hindi ako marunong magbasa anak,” sambit ni nanay. “Kaya nga po nanay kailangan namin ni Payekoy mag - aral para matutunan ang mga bagay na di ninyo natutunan noon,” sagot ni Liway habang binubuksan ang sulat. “Eto po ang nakasulat,” taimtim na nakinig ang ina habang binabasa ni Liway ang liham. “Iyan na baga nga ang sinasabi ko sa iyo Liway hindi puwede si Payekoy sa paaralan, napakalikot niya,” ang dismayadong wika ni nanay. “Nanay, wala pong nabanggit sa sulat na bawal si Payekoycsa paaralan. Ang sabi lamang po ay gusto kayong makausap hinggil sa kalagayan ni Payekoy”, paliwanag ni Liway sa kaniyang nanay.
Kinabukasan bago magliwanag sa silangan ay nag - uumpisa nang maglakad ang mag - iina pababa sa paaralan.- Alalang alala ang kanilang nanay, iniisip niya na baka nakapanakit na ito ng kamag - aral sa paaralan. “Magandang umaga Gng.Albo, ako po ay nagsadya rito upang mala- man ang problema ni Payekoy?”ang wika ni nanay. “Opo nanay, gusto ko lamang po kumustahin si Payekoy kapag nasa bahay, malikot po kasi siya rito sa paaralan at hindi nakikinig sa akin. Bukod po roon ay kinakain niya ang mga gamit niya.” Pahayag ng guro kay nanay. “Sinabi ko naman po kay Liway na hindi pa puwede si Payekoy rito sa paaralan at tiyak kong mamomoroblema kami,” ang naging sagot ni nanay sa guro.
“Nanay hindi ko naman po sinasabing bawal si Payekoy dito sa paaralan. Ang sa akin lamang po ay makausap ko kayo ng mas makilala ko pa si Payekoy. Iba po kasi ang gawi ni Payekoy kaysa sa kaniyang mga kamag aral. Hindi ko po alam kong ganito talaga siya sa bahay o baka po kailangan nating patingnan si Payekoy sa espesyalista para maibigay natin ang kaukulang atensyon na nababagay sa kaniya. Payag po ba kayo?” saad ng guro kay nanay. “Malambing na bata si Payekoy at tama po si Liway mahalaga na siya’y makapag - aral dahil tanging edukasyon lamang po ang paraan para matuto siya ng maraming bagay. Huwag po nating susukuan si Payekoy,”paliwanag ng guro. “Sige po, Gng. Albo. Ikaw na ang bahala sa aking anak, marami po siyang kakulangan sa pakiwari ko nga po siya ay espesyal. Wala lamang po talaga kaming sapat na gagastusin para siya ay mapatingnan. Ikaw na po ang bahalang magpuno at umunawa sa kaniya” ang maluha - luhang pahayag ni nanay.
Makalipas ang ilang araw ay napatingnan si Payekoy sa espesyalista at doon ay nalaman na espesyal si Payekoy na siyang dahilan ng kaniyang mga kakaibang ikinikilos. Noon din ay kinausap ng punong -guro at guro si nanay upang ipaliwanag ang kalagayan ni Payekoy. “Nanay, batay po sa resulta ng pagsusuri si Payekoy po ay espesyal. Siguro po ay hindi na kayo gulat sa magiging resulta nito. Kaya po kayo ay pinatawag dito upang maipaliwanag na si Payekoy ay kailangang pumasok sa paaralan na maiibigay ang kaniyang pangangailangan. Doon ay alam kong higit siyang matuto” ang paliwanag ng punong - guro ng paaralan.
Buntong - hininga na nakikinig si nanay. Sa isip niya ay kawawa naman ang kaniyang anak kung hindi na ito makakapag - aral. Kitang - kita niya ang ligayang dulot ng pagpasok ng kanyang anak. Ngunit paano na ngayon saan dadalhin ng kapalaran ang kanyang anak. “Madam, ako po ay nalulungkot saan ninyo papasukin ang aking anak?” ang tanong ni nanay sa mga uro na kaharap. Noon ay umimik ang ang guro ng SPED at ipinaliwanag na sa kabayanan ang paaralan para sa katulad ni Payekoy. “Ngunit wala po kaming sapat na pera para suportahan ang pag aaral ni Payekoy kung sa bayan pa siya pupunta. Napakalayo po ng Balugbog Kabayo sa kabayanan hindi na po kayang ihatid ni Liway ang kanyang kapatid,”paliwanag ni nanay. “Nanay, naalala mo ba ang napagusapan natin? Hindi natin susukuan si Payekoy. Sisikapin natin na makatapos siya ng pag aaral. Huwag kang mawawalan ng pag-asa may magandang bukas para kay Payekoy,” wika ni Gng. Albo kay nanay. Napapayag nga nila si Nanay na mag - aral si Payekoy sa SPED Center. Doble - kayod sa paghahanapbuhay ang magulang ni Payekoy para matustusan ang gastusin niya sa pagpasok. Kung minsan ay walang- wala, ang baon ni Liway ang napapabigay upang may maipamasahe si Payekoy patungo sa kanyang paaralan. Sa araw - araw si Liway ang nakaagapay sa kaniyang kapatid. Matiyaga siyang nag - aabang sa pagdating ng kaniyang kapatid sa kinahapunan upang magkasabay silang uuwi sa kanilang tahanan sa kabundukan.
Isang araw, habang naglalakad ang magkapatid sa dalisdis ng kabundukan ay nakaramdam na ng pagod si Liway. Gusto na niyang sumuko, sobrang sakit na ng kaniyang likod kabubuhat kay Payekoy sa tuwing napapagod siya. “Wala man lamang akong kahalili kay Payekoy,” lihim na lumaglag ang luha niya. Ayaw niyang ipadama kay Payekoy ang damdamin niya sa mga oras na iyon. Habag na habag siya sa kaniyang sarili. Agay-ayan ang luha niya habang pasan si Payekoy pauwi sa kanilang tahanan. Pagdating nila sa kanilang bahay ay nanahimik si Liway sa isang tabi, mababakas ang lungkot at hirap sa kaniyang mukha. “Oh, Liway, bakit sambakol ang mukha mo, anong nararamdaman mo? Noon ay napahagulgol muli siya ng iyak na tila baga pinagsakluban na siya ng langit at lupa sa kanyang nararamdan. “Nanay, ayaw ko na po suko na ako, hindi ko na kaya pang agapayan si Payekoy pagpasok sa paaralan. Hirap po ako, masakit na po ang likod ko kakapasan sa kaniya sa tuwing siya’y napapagod,” pabulong na daing ni Liway sa kaniyang nanay. “Anak, hindi ba ikaw ang nagsabi huwag nating susukuan si Payekoy? Kawawa siya kung maiiwan lamang dito sa ating balay.” Puwede kang mamahinga anak pero pakiusap huwag mong isuko ang pangarap ninyo ni Payekoy,” ang nagsusumamong wika ni nanay. Hayaan mo at magpapaalam ako sa guro ni Payekoy na hindi muna siya papasok para makapahinga ang iyong likod,”ang wika ni nanay.
Tuwang - tuwa si Liway sa kaniyang narinig. Sa wakas makakapahinga na siya at magkakabaon. Nang sumunod na linggo madilim pa’y naglalakad na si Liway, at dahil wala ang kaniyang kakapit kamay sa paglalakad ay nagpasya siyang hindi na muna maligo sapagkat ang sabi ng matatanda sa kanilang tribu ay hindi sila lalapitan ng bukaw o masamang Espiritu kapag may amoy ang kanilang katawan. Maagang nakarating ng paaralan si Liway. Nagulat ang kaniyang guro sapagkat sa unang pagkakataon ay hindi ito nahuli sa pagpasok sa paaralan.
“Liway, nasaan ang iyong kapatid? Mukhang tinamad pumasok si Payekoy ah,” tanong ng guro kay Liway. “Hindi po mam talaga pong hindi na siya pinapasok. Masakit na po likod ko kakabuhat sa kaniya. Dalangin ko po na tuluyan na siyang tumigil sa pag aaral”. “Liway anak, masama iyang iniisip mo, hindi ka ba naawa kay Payekoy? Paano na siya kung wala ka? Hindi bat mahal na mahal mo siya at gagawin mo ang lahat para sa kapatid mo? Anong nangyari sa iyo bakit nagkakaganyan ka?” paalalang sambit ng guro ni Liway. “Madam napapagod na po ako sobrang layo po ng amin” sabay iyak ni Liway. “Anak,paano kayo makakaalis sa malayong lugar na iyon kung hindi kayo magsisikap sa pag aaral. Tanging pag - aaral lamang ang solusyon para matuto siya nang maraming bagay,” ang naawang banggit ni Madam.
Mula noon ay natauhan si Liway. Sino pa nga ba ang mag mamalasakit sa kanyang kapatid kung hindi siya. Dadalawa na lamang sila, sa kalagayan ni Payekoy kailangan niyang maging malakas. Siya ang gabay ng kaniyang kapatid para umunlad ang pag - iisip nito. Nang makalipas ang ilang taon ay makakatapos na ng elementarya si Payekoy. Tuwang -tuwa silang mag - ina na napagtagumpayan nilang ipagkaloob ang unang bahagdan ng edukasyon sa katulad ni Payekoy. Maliit na tagumpay ito sa iba pero para sa kanilang mag-ina ay napakalaking karangalan nito.
“Anak hindi hadlang ang distansya ng ating bahay para magkaroon kayo ng kaalaman. Tulad ng balanan na gamit natin sa Agay punuin ninyo ng karunungan ang inyong sarili, iya’y kayamanan na kailanman ay hindi mananakaw sa inyong magkapatid,” ang maluha-luhang sambit ni nanay kay Liway. “Panibagong hirap, sakripisyo at tiyaga na naman Payekoy ang ating sasabanahin, pero hindi tayo titigil. Tutuparin natin ang pangarap na makapagtapos ng pag aaral nang magkaakay,” ang tanging nasambit ni Liway habang pumapalakpak sa kapatid na umaaabot ng katibayan ng pagtatapos sa ibabaw ng entablado.
Mahaba—haba na rin ang nalakbay ng magkapatid na Liway. Ibang iba na talaga ngayon si Payekoy dati rati’y nanghuhuli lamang siya ng tutubi at iba pang insekto ngayon ay nakasukbit na din ang balanan sa kaniyang ulunan, bitbit ang balawang na panghukay ng lupa. Pinipilit na tumulong sa kaniyang mga magulang kahit nahihirapan. Iba talaga ang nagagawa ng pag - aaral sa buhay ng isang tao. Natututo at umuunlad ang kaisipan. Maaring hindi pa puno sa ngayon ang kanilang balanan ng karunungan subalit tiyak darating ang isang araw si Liway at Payekoy ay magtatagumpay.
Sa murang edad ng mga bata napakasarap nang ituro sa kanila ang pagmamahal at pagpapahalaga sa kapatid, sabay kayong mangangarap at iaangat ang buhay. Sa kuwentong ito halina at sabay— sabay nating basahin kung paano nangarap si Liway isang katutubong mangyan na naninirahan sa malayong kabundukan para sa kaniyang minamahal at espesyal na kapatid na si Payekoy. Magtagumpay kaya siya sa mga hamon na kakaharapin niya sa pagkamit ng kaalaman sa eskuwelahan? Mapuno kaya nila ang balanan nang dunong at karunungan?
Search
Read the Text Version
- 1 - 44
Pages: