Important Announcement
PubHTML5 Scheduled Server Maintenance on (GMT) Sunday, June 26th, 2:00 am - 8:00 am.
PubHTML5 site will be inoperative during the times indicated!

Home Explore SDO_Catanduanes_BAKIT KAKAIBA ANG BANGKA NI BERTO

SDO_Catanduanes_BAKIT KAKAIBA ANG BANGKA NI BERTO

Published by JDT, 2023-01-27 03:15:46

Description: SDO_Catanduanes_BAKIT KAKAIBA ANG BANGKA NI BERTO

Search

Read the Text Version

EsP 6 – Naipagmamalaki ang anumang natapos na gawain na nakasusunod sa pamantayan at kalidad (EsP6PPP-IIIg-38)

TREASURY OF STORYBOOKS This storybook is a product of the National Competition on Storybook Writing 2022 of the Department of Education. Pursuant to the Intellectual Property Code of the Philippines, no copyright shall subsist in this work of Government of the Philippines. However, prior approval of the Department of Education shall be necessary for exploitation of such work for profit. DepEd may, among other things, impose as a condition the payment of royalties. No prior approval or conditions shall be required for the use for any purpose of statutes, rules and regulations, and speeches, lectures, sermons, addresses and dissertations, pronounced, read or rendered in courts of justice, before administrative agencies, in deliberative assemblies and in meetings of public character. This storybook is a product of the National Competition on Storybook Writing 2022 of the Department of Education.

Mayroong pagkakaiba ang pamamaraan sa paggawa ng bangka noon at ngayon. Paano kaya makatutulong ang mga bangka ni Tatay Digoy at Lolo Esming kay Berto upang makalikha ng kaniyang inaasam na bangka?

Panaka-naka ang huni ng mga ibon sa malalaking puno ng Talisoy na animo ay nakisasabay sa ihip ng hangin. Awit sa tenga ang bawat hampas ng alon sa dalampasigan. Sa hindi kalayuan, makikita ang suba kung saan nagtatagpo ang tubig-alat at tubig-tabang. Matatanaw rito ang isang kubo na ang bubong ay gawa sa pawid at ang dingding naman ay yari sa basag o pinagtagpi-tagping kawayan. Napapalibutan ito ng lambat, mga basket na yari sa nawi o alàt, at siló o uri ng lambat na may hawakan.



Nakita ni Berto na abala ang kaniyang Tatay Digoy at Lolo Esming. “Tay, ‘Lo, ano po ang ginagawa niyo?” tanong ni Berto. “Bangka ang ginagawa namin ng iyong lolo,” sagot ni Tatay Digoy. “Bakit parang magkaiba naman po ang inyong ginagawa?” nalilitong tanong ni Berto. “Parehas na bangka ang ginagawa namin, Berto. Magkaiba lang ang pamamaraan na ginagamit ko sa ginagamit ng iyong lolo,” paliwanag ni Tatay Digoy.

“Apo, hindi mo ba alam na ang bangka na ito ang pinakamatibay na sasakyang panlaot noon ng mga mangingisda? Talo nito ang mga malalaking palakaya na ginagamit ng mga dayuhang mangingisda,” pagmamalaking sabi ni Lolo Esming.

Napaupo si Berto sa isang bangkò na mayroong namumuong tanong sa isipan. “Paano mo naman po nasabi na ang iyong bangka ang pinakamatibay noon?” “Alam mo ba na nagmula pa ang mga kahoy na ito sa pusod ng kagubatan? Ito ay nabibilang sa lahi ng pinakamalalaki at pinakamatitibay na puno na matatagpuan dito sa ating baryo. Bago ito putulin, gumagawa kami ng isang ritwal kung saan kinakatay namin ang ugis o puting manok at pinapadaloy ang dugo sa mga ugat ng puno upang hindi magambala ang mga engkantong nakatira rito,” tugon ni Lolo Esming.

“Pagkatapos ay maingat namin itong binubuhat at dinadala sa tubig-dagat upang ibabad ng isang linggo nang sa gayon ito’y maging mas matibay at hindi agad nabubulok,” dagdag nito. “May mga kakaibang pamamaraan pala ang paggawa ninyo ng bangka noon, Lolo,” sabi ni Berto.

Lumapit nang bahagya si Berto habang nakatitig sa kaniyang lolo na abala na sa pagyayasyas o pagpapakinis at pagpapanipis ng kawayan na gagamiting katig sa ginagawang bangka. “Binababad din po ba ‘yan sa dagat?” tanong ni Berto habang turo ang kawayan. “Oo, pero mas matagal na binababad ang kahoy kaysa rito,” sagot ng kaniyang lolo.

“Para saan naman po ‘to?” sabay hawak sa hibla ng abaka na nakasabit sa kahoy. Kinuha ni Lolo Esming ang hibla ng abaka at sinabing, “para ito sa katig na itatali natin sa bangka upang maging balanse at hindi agad lumubog. Ito ay nagmula sa balakbak ng puno ng abaka. Marahang binubulay at matiyagang pinatutuyo sa ilalim ng sikat ng araw. Kailangang patuyuing mabuti ang hibla ng abaka upang maging matibay at hindi agad nabubulok.”



“Matapos iahon ang Kasko o tiyan ng bangka mula sa pagkakababad sa dagat, ito ay patutuyuin sa loob ng dalawang linggo, sa ilalim ng tirik na tirik na araw. Ang dalawang pares na katig ay itatali sa kasko gamit ang hibla ng abaka. Gamit ang sagwan na gawa rin sa kahoy, masayang makapagpapalaot ang mga mangingisda,” kuwento ni Lolo Esming. Manghang-mangha si Berto sa mga kuwento ng kaniyang Lolo Esming. Ngayon niya lang nalaman ang mga kakaibang pamamaraan sa paggawa ng bangka noon.

“Anong tunog ‘yon?” nagtatakang tanong ni Tatay Digoy. Natatawang sumagot si Berto. “Tiyan ko po yata ‘yon. Pumapalahaw na po sa gutom.” Maya-maya pa ay nakalanghap sila ng kilalang amoy. “Aba! Parang isdang surahan ang iniiihaw ng iyong nanay,” sabi ni Tatay Digoy. Kumaripas ng takbo si Berto nang marinig ang sinabi ng kaniyang tatay sapagkat ang inihaw na surahan ay isa sa kaniyang mga paboritong ulam.

Nang maluto na ay nagmadaling tinawag ni Berto ang kaniyang tatay at lolo. Masayang nagsalo-salo ang mag-anak habang nakakamay at isinasawsaw sa toyo’t kalamansi ang inihaw na surahan.

Pagkatapos nilang kumain, agad bumalik si Tatay Digoy sa ginagawang bangka. Sumunod naman sina Lolo Esming at Berto. Sinimulan agad ni Tatay Digoy ang pagpapakinis ng kahoy gamit ang papel de liha. “’Tay saan po galing ang kahoy na ‘yan?” nakangusong tanong ni Berto. “Ito ay galing sa kahoy na Hapnit. Pareho ito sa ginamit na kahoy ng ‘yong lolo.” “Binababad n’yo rin po ba ‘yan sa tubig-dagat?” tanong ni Berto. “Hindi na kailangan pang ibabad ito sa tubig-dagat. Sa mga materyales palang na gagamitin talagang subok ng lalo pang magpapatibay sa bangka,” sagot ni Tatay Digoy.

Ang mga napakinis na Hapnit ay saka ikinabit ni Tatay Digoy sa pinPaakgakmataaptiobsa, ysinniamkullaasneg npaggpdulygwtuonogdin. ang tasok na magsisilbing tadyang ng bangka, dormente na magsusuporta rito, at entable na dingding ng bangka at masusPinaggikkaintaapkaobsi,t ssainKiamskuol.ang pagdugtungin ang tasok na magsisilbing tadyang ng bangka, dormente na magsusuporta rito at entable na dingding ng bangka at masusing ikinakabit sa Kasko. Sunod ay ikinabit sa roda ang batayola o pahigang kahoy sa ibabaw ng tasok. Ito ang magdurugtong sa magkabilang roda o ang patayong kahoy sa dulo ng Kasko.

Matapos nito ay gumawa ng porma ng pasamano o ang ibabaw ng bangka kasabay ang baral na upuan sa bangka at paltik na magsisilbing pakpak ng bangka na kung saan ilalagay ang katig.

Sa kalagitnaan ng paggawa ng bangka ni Tatay Digoy ay biglang may naamoy na kakaiba si Berto. “Anong klaseng amoy ‘yan?” tanong ni Berto habang papunas-punas sa kaniyang ilong. “Galing ‘yan dito sa pandikit. Ipinapahid ito sa mga parte ng bangka kung saan pinagdugtung-dugtong ang mga materyales upang hindi mapasok ng tubig ang bangka,” paliwanag ni Tatay Digoy.

Masusing pinanood ni Berto ang paggawa ng bangka ng kanyang tatay. Inilagay na ni Tatay Digoy ang kumbis o pirasong plywood na pantakip sa unahan at hulihang bahagi ng bangka saka nilagyan ng hasang-hasang na siyang magsisilbing pangharang upang hindi madaling pasukin ng tubig-dagat. Nang hurmado na ang bangka, saka minasilya ang mga uka ng kahoy at pinahiran ng pintura upang mas mapatibay at mapaganda ang gawang bangka. Bilang panghuli, nagmuntar o naglagay ng makina at elisi at saka inilagay ang timon upang mabigyan ng giya ang bangka kung saan ang tutunguhin nitong direksyon.



“Hindi na ba gumagamit ng sagwan sa ‘yong bangka, ‘Tay?” tanong ni Berto. “Hindi na, Berto. Gumagamit na kami ngayon ng makinang de-gasolina para mapaandar ito,” paliwanag ni Tatay Digoy. Kinilatis agad ni Berto ang natapos na mga bangka ng kaniyang tatay at lolo. Pinaghambing niya ang dalawang bangka at tiningnan ang mga pagkakaiba.

“Gusto mo bang sumamang pumalaot bukas, Berto?” singit na tanong ni Lolo Esming. “Opo, ‘Lo!” patalon na sumagot si Berto. “Maaari ko po bang hingiin ang mga tira-tirang kahoy at kawayan? Mayroon po kasi kaming proyekto ngunit wala pa po akong ideya sa kung ano ang dapat kong gawin,” tanong ni Berto sa kaniyang tatay at lolo. Tumango naman si Tatay Digoy at Lolo Esming bilang pagsang-ayon. Inabot na ng gabi ang kanilang kuwentuhan. Maya-maya pa ay tinawag na sila ng kaniyang nanay para maghapunan.

Maagang nagising si Berto. Labis ang kagalakan niya sapagkat makakasama na siya sa pagpapalaot. Sa kalagitnaan ng kanilang paglalaot, biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Lumakas ang alon. Hindi nila inaasahan ang masungit na panahon dahil umalis naman sila na maaliwalas ang kalangitan. Nagsimula nang bumuhos ang napakalakas na ulan. “’Tay, lulubog po ba tayo?” takot na tanong ni Berto. “Hindi, Berto. Wala ka bang tiwala sa bangka natin?” pangiti-ngiting sabi ni Tatay Digoy.

Animo’y nahahati ng bangka ni Tatay Digoy ang naglalakihang alon. Mabuti na lang at hindi ito agad madaling pasukin ng tubig-dagat dahil sa hasang-hasang.

Nakita ni Berto si Lolo Esming. Halos kainin na ng alon ang bangka nito. “’Lo! Lumipat ka na po rito sa bangka!” sigaw ni Berto. Bagama’t pagewang-gewang na ang bangka ni Lolo Esming ay hindi naman agad ito napapataob dahil sa tibay ng katig.

Hindi nagtagal ay natapos na ang matinding pag-ulan. Unti-unting lumiwanag ang kalangitan. Pinalakpakan ni Berto si Tatay Digoy at Lolo Esming. “Ang galing ng inyong mga bangka. Hindi ito nagpatalo sa mga naglalakihang alon. Gusto ko ring gumawa ng bangka na tulad ng sa inyo!” tuwang-tuwa na sabi ni Berto. Tiningnan ni Berto ang laot. Payapa at nawala na ang mga malalakas na alon.

Bumalik siya sa ulirat nang makarinig siya ng malakas na palakpakan. Nakita niya ang kaniyang guro at mga kamag-aral. Tuwang-tuwa at manghang-mangha sila sa kuwento ni Berto. “Magaling, Berto! Kaya pala laruang bangka ang iyong ginawang proyekto sa Industrial Arts. Ipinakita mo ang pagiging masining at malikhain gamit ang mga retasong kahoy at kawayan na pinalamutian ng mga plastik ng bote, takip ng bote at balat ng mga tsitsirya upang lalo pa itong mapaganda,” sabi ng kaniyang guro.

Sinuri ng guro ni Berto ang laruang bangka gamit ang rubriks sa kanilang proyekto na nakapaloob sa aralin. Laking-tuwa niya nang nakakuha siya ng mataas na grado dahil hindi lang kahoy at kawayan ang kaniyang ginamit bagkus nagresiklo siya ng mga patapong bagay na matatagpuan sa kapaligiran. “Gusto kong gumawa n’yan, Berto.” “Turuan mo kami.” Sabay-sabay na sabi ng mga kamag-aral ni Berto. “Ibang klase ang bangka ni Berto. Hindi lang ito basta-bastang laruan. Sinakay nito ang ating imahinasyon kasabay ng agos patungo sa mga pangyayari sa paggawa ng bangka noon at ngayon,” pagpupuri ng kaniyang guro.

Masayang tinuruan ni Berto ang kaniyang mga kamag-aral sa paggawa ng laruang bangka. Inaya niya rin sila sa kanilang bahay para ipakita ang mga bangka na gawa ng kaniyang lolo at tatay. Tuwang-tuwa naman na ipinakita nina Lolo Esming at Tatay Digoy ang mga bangka. Ipinaghanda naman sila ng kaniyang nanay ng masarap na meryenda.

Simula noon, kinahiligan na ni Berto ang paggawa ng laruang bangka lulan pa rin ang kuwento ng kaniyang Lolo Esming at Tatay Digoy tungkol sa paraan ng paggawa ng bangka noon at ngayon.





Mayroong mga kakaibang pamamaraan noon at mga makabagong pamamaraan ngayon sa paggawa ng bangka. Dahil sa mga bangka na gawa nina Lolo Esming at Tatay Digoy, ninais ni Berto na makagawa rin ng bangka katulad ng sa kanila. Samahan natin si Berto sa paglikha ng kaniyang inaasam na bangka.


Like this book? You can publish your book online for free in a few minutes!
Create your own flipbook