Kuwento ni Emmylou Charmaine P. Salazar Guhit ni Sarah Claire F. Saltorio
Most Essential Learning Competencies: Nakapagpapakita ng mga kanais-nais na kaugaliang Pilipino 1.1. nakikisama sa kapwa Pilipino 1.2. tumutulong/lumalahok sa bayanihan at palusong 1.3. magiliw na pagtanggap ng mga panauhin. - EsP5PPP – IIIa – 23 Napananatili ang pagkamabuting mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pakikilahok. - EsP5PPP– IIIb – 25 Nakikiisa nang buong tapat sa mga gawaing nakatutulong sa bansa at daigdig. - EsP5PPP – IIIh –32 Executes the different skills involved in the game. - PE5GS-Ic-h-4
Treasury of Storybooks This storybook is a product of the National Competition on Storybook Writing 2022 of the Department of Education. Pursuant to the Intellectual Property Code of the Philippines, no copyright shall subsist in this work of Government of the Philippines. However, prior approval of the Department of Education shall be necessary for exploitation of such work for profit. DepEd may, among other things, impose as a condition the payment of royalties. No prior approval or conditions shall be required for the use for any purpose of statues, rules and regulations, and speeches, lectures, sermons, addresses, and dissertations, pronounced, read or rendered in courts of justice, before administrative agencies, in deliberative assemblies and in meetings of public character. This storybook is a product of the National Competition on Storybook Writing 2022 of the Department of Education. Si Nam at ang Kalsada ng Baryo Langgam. DepEd-BLR, 2022.
Ano ang hilig ninyong laro? Saan kayo naglalaro? Ano ang gagawin ninyo kung mawawala ang inyong palaruan? Sa kuwentong ito, samahan natin si Nam at ang kaniyang mga kaibigan upang mapanatili ang kanilang palaruan.
“Ikaw na ang taya!” sigaw ni Mon sabay hawak sa akin. “Si Nam na ang taya. Huwag kayong lalapit sa kaniya,” sabay-sabay nilang sambit at tawa. Ganito kami araw-araw sa kalsada ng Baryo Langgam. Kami ay naglalaro ng habulan, taguan at kung ano-ano pa. Lahat ng bata ay masaya. Lahat ay magkakaibigan at nagkakaisa.
Noong nakaraang linggo, luksong garter ang aming kinahiligan. Inakyat namin ang puno ng bayabas para humingi ng matitibay na garter kay Mang Gam. “O heto, banatin ninyo nang mabuti para humaba. Kahit buong baryo pa ang isali ninyo, magkakasya sa lubid na ito,” sambit niya. “Salamat po, Mang Gam!” sabay-sabay na wika namin. Pagdating sa kalsada, binanat namin ang lubid ni Mang Gam. Maraming bata ang nakilaro kaya ang nangyari... Talon dito. Talon doon. Tumbling dito. Tumbling doon. Puno ng mga bata ang kalsada ng Baryo Langgam. “Napakasaya!” sambit ng aking mga kasama.
Naisipan din naming maglaro ng Iring-iring. Sinundan namin ang huni at awit ni Aling Pip upang humingi ng balahibo. “O heto, ingatan ninyo ang aking malalambot at magagaang balahibo. Kahit isali pa ninyo ang mga mas batang langgam, hindi mahihirapang bitbitin ang mga ito,” sambit niya. “Salamat po, Aling Pip!” sabay-sabay na wika namin. Pagdating sa kalsada, gumawa kami ng napakalaking bilog. Umikot na ang taya at dahan-dahang ibinaba ang balahibo ni Aling Pip kaya ang nangyari… Takbo rito. Takbo roon. Taya rito. Taya roon. Puno ng mga bata ang kalsada ng Baryo Langgam. “Napakasaya!” sambit ng aking mga kasama.
Minsan, nag-Patintero rin kami. Pumunta kami sa hardin ng sampaguita ni Aling Bang para humingi ng nektar. “O heto, kunin ninyo ang isang balde ng aking mabangong nektar. Kahit isali ninyo ang mga magulang ninyo sa patintero, siguradong malawak ang mapaglalagyan nito,” sambit niya. “Salamat po, Aling Bang!” sabay-sabay na wika namin. Pagdating sa kalsada, ibinuhos namin ang nektar sa lupa para makagawa ng mga parihaba. Nagpasya rin kami kung sino ang magiging taya kaya ang nangyari… Abot dito. Abot doon. Iwas dito. Iwas doon. Puno ng mga bata ang kalsada ng Baryo Langgam. “Napakasaya!” sambit ng aking mga kasama.
Story page 9
Noong isang araw, Slipper Game ang nilaro namin. Gumawa kami ng apat na base at nagsimula nang sumipa ng tsinelas at umikot ang mga manlalaro. Sa lakas ng sipa ni Anta, nilipad ang tsinelas niya sa binibilad na mga monggo nina Nanay. “O, dahan-dahan. Baka mamaya, maabala ninyo ang prusisyon ng bigas. Maaabala ang pagdadala sa bayan,” sambit niya. “Pasensya na po, ‘Nay. Gigilid po kami kung paparating na sila,” sagot ko sa kaniya at takbong muli para ibalik ang tsinelas. Pagdating sa kalsada, nagpatuloy muli ang aming laro kaya ang nangyari… Sipa rito. Sipa roon. Salo rito. Salo roon. Puno ng mga bata ang kalsada ng Baryo Langgam. “Napakasaya!” sambit ng aking mga kasama.
“Zzzzzzzzzz….” tunog na narinig namin kaya natigil ang lahat sa paglalaro. Maya-maya nakita namin ang grupo ng mga bubuyog, tipaklong at suso. Nagtakbuhan ang ilang bata pabalik sa kanilang mga tahanan. Ang iba naman ay kumapit sa kanilang mga kapatid o Nanay. “Nay, ano pong nangyayari?” tanong ko kay Nanay. “Hindi ko alam, Anak,” nag-aalala at naguguluhang sagot niya.
Maya-maya nagwika si Mang Liglig, ang tagapagsalita mula sa bayan. “Nais ko lamang ipaalam na magkakaroon tayo ng pagpapalawak ng kalsada. Ito ay para mapabilis ang paglilipat ng mga produkto papunta sa iba’t ibang bahagi ng ating bayan,” sabi niya. “Ang lahat ng bahay, taniman o ano pa mang bagay, tatlong sentimetro sa magkabilang bahagi ng kalsadang ito ay aalisin. Pinapayuhan ang lahat na maghanda para sa paglikas,” pagtatapos niya. “Ha? Saan na kami titira?” narinig kong sambit ng isang kabaryo. “Paano na ang hanapbuhay namin?” dagdag pa nila. Nakita kong umiiyak ang ilan naming kabaryo. Nakita ko rin ang takot sa mukha ng aming mga magulang. “Ang lahat ng mga mamamayan, edad labingwalo pataas ay inaanyayahan para sa isang pagpupulong,” sabi muli ni Mang Liglig.
Habang nagaganap ang pagpupulong, nag-usap-usap kami ng aking mga kalaro. “Paano na ang pagkakaibigan natin? Hindi na ba tayo makapaglalaro sa kalsada?” tanong ni Anto. “Maaabot ang bahay namin. Mawawalan kami ng bahay,” iyak naman ni Anggam. Bawat batang langgam ay nababahala sa magaganap na pagpapalawak ng daan. “Huwag kayong mag-alala. Gagawa tayo ng paraan upang hindi matuloy ang pagpapalawak ng daan,” sabi ko sa kanila. “Ano ang gagawin natin, Nam?” sabay-sabay na tanong nila. “May natira ba sa lubid ni Mang Gam, balahibo ni Aling Pip at nektar ni Aling Bang?” tanong ko naman sa kanila. “Oo. Marami pa,” sagot naman nila. “Mabuti. Maghahanda tayo para bukas. Ipaglalaban natin ang Baryo Langgam!” malakas na sabi ko. “Ipaglaban!” sabay-sabay na sagot nila.
Story page 17
Kinabukasan, madilim pa ay naghanda na kami. Ibinigay ko ang lubid ni Mang Gam sa isang grupo ng mga langgam. “Itali ninyo ang ilang lubid ni Mang Gam sa mga sanga ng halaman. Dapat ang taas ay abot-dibdib ng mga tipaklong. Lagyan ninyo rin ng pulot ng kaymito dahil siguradong hindi sila makararaan kung may harang tayo,” utos ko na agad namang sinunod nila.
“Lagyan ninyo ng mga balahibo ni Aling Pip ang kalsada. Hindi makatutuloy ang mga suso. Siguradong mahihirapan silang alisin ang mga balahibong kakapit sa kanilang katawan,” sabi ko naman sa ikalawang grupo. Agad silang nagtungo sa kalsada at inilagay ang mga balahibo.
“Itakbo ninyo palayo ang nektar ni Aling Bang habang papalapit ang mga bubuyog. Siguradong hahabulin nila ito at hindi na makatutuloy sa kanilang trabaho,” sabi ko sa ikatlong grupo na agad nagbantay para sa pagdating ng mga bubuyog. Matapos maisagawa ang plano, masaya kaming umuwi at dahan-dahang pumasok sa aming mga tahanan.
Dumating ang liwanag, usap-usapan sa baryo ang hindi pagdating ng mga trabahador para sa pagpapalawak ng daan. “May nangyari raw sa mga trabahador,” sambit ni Nanay. “Hindi raw makadaan ang mga tipaklong dahil nadikit sa lubid na abot-dibdib,” sabi ni Nanay. “Oo nga. Narinig ko rin na hindi makaalis ang mga suso dahil dumikit sila sa balahibo,” sabi naman ni Tatay. “At iyong mga bubuyog, nagayuma raw ng nektar kaya ibang baryo ang napuntahan,” pag-aalala ni Nanay. “Naging matagumpay ang plano namin,” bulong ko sa aking sarili. Ngumiti ako nang palihim. Walang taga-baryo ang mawawalan ng tahanan. Walang taga-baryo ang mawawalan ng hanapbuhay. Makapaglalaro pa rin kami ng aking mga kaibigan. “Hindi po ba magandang balita iyon, ‘Nay at ‘Tay?” tanong ko sa kanila.
Kita ang gulat sa mukha nina Nanay at Tatay. “Hindi iyon maganda, Nam. Bukod sa nasaktan ang mga trabahador, mawawalan tayo ng pagkakataon para umunlad,” sabi ni Nanay. “Paano po tayo uunlad, ‘Nay? Mawawalan po tayo ng tahanan at makasasama rin ang ating hanapbuhay,” pagtatanong ko. “Sinabi sa pagpupulong kahapon na bibigyan tayo ng munisipyo ng pansamantalang tirahan. Ang mga mamamayan din dito ang magtatrabaho kaya hindi tayo mawawalan ng hanapbuhay. Kapag natapos ang daan, magiging madali na ang paglilipat ng mga produkto at mas maraming bigas, mais at mani ang madadala sa ibang bahagi ng bayan. Magkakaroon din ng malalaking tindahan sa ating baryo na maaari ring mapagkunan ng hanapbuhay at trabaho,” paliwanag ni Tatay.
“Hindi nila tayo pababayaan, Nam. Makikipagtulungan sila sa atin para mas maging maunlad ang ating baryo,” pagpapaunawa ni Nanay. Unti-unti ay nanlumo ako sa ginawa namin sa mga trabahador. “Bakit ka umiiyak, Nam?” tanong ni Tatay sa akin. “Pasensiya na po kayo, ‘Tay at ‘Nay. Akala ko po kasi mawawalan tayo ng tahanan at hanapbuhay. Akala ko po ay hindi na kami makapaglalaro ng aking mga kaibigan. Ang totoo po ay kami ang dahilan kung bakit ganoon ang nangyari sa mga trabahador,” umiiyak kong sabi sa kanila.
Sinabi nina Tatay at Nanay kay Mang Liglig ang nangyari. Matapos iyon ay sama-sama naming tinungo ang lugar ng mga trabahador. Lahat, bata man o matanda, ay tumulong sa pagsagip sa mga trabahador. “Patawad po,” sabay-sabay naming sambit sa mga trabahador. “Nauunawaan namin kayo,” sagot ni Mang Liglig. “Alam ko na takot kayo dahil sa mga pagbabagong ito pero asahan ninyo na nais naming mapabuti ang mga mamamayan ng inyong baryo. Itutuloy natin ang proyekto bukas. Sa ngayon, magpahinga na muna tayong lahat,” dagdag niya.
Kinabukasan, puno na naman ang kalsada ng Baryo Langgam. Kapit-bisig ang bawat isa sa paglilipat ng mga gamit. Ang iba ay abala sa paglilinis ng mga lilisanin nilang tahanan. Ang mga hindi naabot ng pagpapalawak ng kalsada ay nagbibigay ng pagkain at tubig sa mga maglalakbay patungo sa pansamantalang tirahan.
Abala naman ang mga bubuyog sa paggiba sa mga bahay na naabot ng sukat na ibinigay. Maging ang mga may-ari ay tumutulong na rin upang mapadali ang trabaho. Inayos naman ng mga tipaklong ang mga taniman na naapektuhan. Maging ang mga magsasakang langgam ay tumutulong na rin upang mapadali ang trabaho. Pinantay naman ng mga suso ang kalsada para sa pagtatapos na gawain. Maging ang hininging nektar kay Aling Bang ay nagamit na. Kaya ang nangyari… Giba rito. Giba roon. Gapas dito. Gapas doon. Patag dito. Patag doon. Tulong dito. Tulong doon. Puno na naman ang kalsada ng Baryo Langgam. “Napakasaya!” sambit ng bawat isa.
Bago lumisan, tinanaw ko ulit ang punong kalsada ng Baryo Langgam. Lahat ay nagtutulungan. Lahat ay nagkakaisa. Lahat ay nakikilahok. Lahat ay masaya. Tama nga si Nanay at Tatay, mas maunlad kung nagtutulungan. “Napakasaya!” sambit ko sa aking diwa.
Araw-araw ay puno ang kalsada ng Baryo Langgam. Ito ang palaruan ni Nam at ng kaniyang mga kaibigan. Ito ang salamin ng kasipagan, pagkakaisa at pagtutulungan ng mga mamamayan sa kanilang baryo. Isang araw, inanunsyo ang pagpapalawak ng daan. Nabahala si Nam at ang kaniyang mga kaibigan, gayundin ang mga mamamayan sa kanilang baryo. Ano kaya ang gagawin ni Nam upang mapanatili ang kasiyahan, pagkakaisa at pagtutulungan sa kanilang baryo? Ano kaya ang mangyayari sa kalsada ng Baryo Langgam?
Search
Read the Text Version
- 1 - 44
Pages: